Kapangyarihan ng pirasong papel, Kulturang Popular Kultura Column, Bulatlat.com

by rolandotolentino

norm-479d28b8d48a0-backtothefuture21989kowloon_house1

culturalsummitday1122

imahen mula sa www.yourprops.com/view_item.php?movie_prop=17215

barangayrp.wordpress.com/category/labor/

karatula.multiply.com/journal

Kapangyarihan ng pirasong papel

Isang–o sa maraming pagkakataon, halahating—papel ang nagtatakda ng buhay ngayon ng maraming manggagawa. Bagamat may pangkalahatang anunsyo naman ng pagbabawas, hanggang hindi naabutan ng piraso ng papel na formal na nagbibigay-alam sa kinuukulan, ang araw-araw na pagpasok ay pamumuhay sa agam-agam. Ano kung ito na ang huling araw?

Serye ng retrenchment ang nagaganap. Noong Oktubre 2008, inanunsyo na ang pagbabawas sa isang kompanya, at tuloy-tuloy ito hanggang 2010. May isang kompanya na magbabawas ng 200 manggagawa sa susunod na dalawang taon. Para itong pag-aantay ng sintensya, tiyak na darating kahit hindi tiyak kung gaano kabilis itong makakarating.

Makapangyarihan ang pirasong papel na ito. Itinatalaga kung sino ang sasama sa bilang ng mawawalan ng trabaho at hanay ng naghihikahos. Tinataya ng Ibon Foundation na tataas ng apat na milyong Filipino ang mapapabilang sa dumaranas ng matinding kahirapan. Ang poverty line noong 2006 ay 27.6 milyon na. At mula sa 4.1 milyong Filipinong walang trabaho noong 2008, aabot ito sa limang milyon sa 2009. Ang bilang ng walang trabaho at underemployed ay maaring umabot sa 11 hanggang 12 milyon sa 2009. Ito ay ikatlong bahagi ng total work force sa bansa.

Sa graduation ng 2009, 900,000 ang magtatapos sa kolehiyo at papasok sa job market sa Abril. Kasama nilang maghahanap ng trabaho ang 236,000 manggagawang tinanggal sa trabaho ng unang kwarto ng 2009. Ayon kay Paul Quintos, executive director ng Eiler, isang research group, may isang milyong manggagawa, karamihan nasa special economic zones ng multinational corporations, ang nangangambang mawalan ng trabaho.

Bulnerable ang mga manggagawa sa multinational corporations dahil sa global na krisis. Ayon sa Bureau of Labor and Employment Statistics, mayroong 172, 907 manggagawa sa garments industry, 212, 325 manggagawa sa electronics industry, at 17,049 manggagawa sa automotive industry. Pati ang 590,000 migranteng manggawa ay bulnerable rin sa global na krisis ng kawalang-trabaho.

Ayon sa Department of Labor and Employment, kabilang rito ang 129,000 OFW sa US na mayroong temporary visas lamang; 130,000 seafarers sa cruise ships; 268,000 factory workers sa South Korea, Taiwan and Macau; at 48,000 domestic workers sa Hong Kong, Singapore and Macau. Maging ang mga manggagawang ito ay paabisuhan lamang ng kapirasong papel para kitlin ang termino ng kanilang paggawa.

Historikal ang paggamit ng papel para danasin ang relasyong pangkapangyarihan. Maraming pagkakataon na ginamit ang papel para akuin ang lupa ng mga magsasakang ilang henerasyon nang nagbubungkal ng sakahan. Bigla na lamang darating ang maykayang may pinanghahawakang papel ng rehistro ng lupa. At walang magawa ang magsasaka sa kapangyarihan nitong pirasong papel.

Papel din ang nagtatakda ng marka ng estudyante. Makapal at maliit na papel, nakapaloob sa plastic kalimitin ang anyo ng card ng estudyante. Ito ang nagtatakda kung sino ang pumapasa, nakakaangat sa klase, kulelat at bumabagsak. Ito ang may kapangyarihang magsanib pwersa ang guro at magulang para kagalitan ang inaakalang nagbubulakbol na anak. Kasama rito ang kapangyarihang magpaulit ng grade at year level sa estudyante. Isang taong sintensya!

Class card ang katumbas nito sa kolehiyo. At sa maraming mamahaling kolehiyo na hindi na gumagamit ng class card, accessible ang impormasyon sa website ng registrar. Ang virtual na imahen sa screen ang aktwal na kapangyarihang magtanggal sa estudyante sa kanyang kurso, palutangin bilang non-major, o tanggalin sa unibersidad.

Papel para maka-enrol, papel para mabuhay bilang estudyante, papel para maka-exam, papel para makapagsulat ng papel. Ang kasalukuyang kalakaran sa estado ng kapitalismo at pyudalismo sa bansa ay mayroong festismo sa papel. Mas marami ang papel na kailangan, mas madalas, mas mahahabang papel. Nakakabighani ang papel. Mas marami nito, mas lamang ka sa kauri, tulad ng mga akademiko at ang kanilang pribadong libraries o opisina.

Nakakapag-angat sa ordinaryong walang akses sa larangan, tulad ng papeles ng abugado. Papel ang nag-oorganisa ng kalakaran. Minsan ay kinailangan kong pumunta sa infirmary. Ipinakita ko ang aking health card pero pinasulat pa rin ako sa isang katingting na laki na form bago kinuha ang records ko. At dahil ginto ang turing sa records, inantay ko pang nalibre ang receptionist ng infirmary para dalhin niya sa receptionist ng mismong klinika. Matapos ay kinailangan pa akong kapanayamin para kung anong may maisulat sa folder ko.

Pinalipat ako sa receptionist ng espesyalistang doktor at gumawa ito ng panibago kong record. Ang lahat ng ito habang patuloy ang bulwak ng luha sa natusok kong mata. Ang kontrol sa papel at paper trail ay kapangyarihang makapag-organisa at struktura ng karanasan. Ako na kinauukulang pagsilbihan ng infirmary ay hindi pagsisilbihan hanggang di nasisinop ang pagdaloy ng papel. Mas mahalaga ang papel kaysa sa buhay.

Nakakasakal ang papel. Nakakapagtaning ito ng buhay. Nakakapagtakda ng kamatayan. At papel pa lamang ito. Hindi pa isinasaalang-alang ang iba pang pang-araw-araw na poder ng kapangyarihan: boses ng magulang, guro, amo at bosing; asta, pananamit, tabas ng buhok, gamit na aksesorya, ballpen, pulang marker; kotse at sasakyan, at iba pa. Dahil pinalilibutan ang buhay ng relasyong pangkapangyarihan, ipinapahiwatig lamang ng pang-araw-araw na bagay ang pagsambit sa relasyong ito.

Kaya lahat ay nagkakandakumahog para sa pang-araw-araw na marka ng kapangyarihan. Humaharuthot ang mga nakamotor, nagwewengweng ang mga may sirena sa sasakyan, malalakas ang klik ng mga alarmang proteksyon sa kotse, senyales para makatawid o higanteng sign na nagsasabing “Nakamamatay tumawid dito.” Ang may kapangyarihan sa papel ay may kapangyarihang makapapel—ang pruweba ng pagkakamit ng akses man lamang sa papel.

Kaya kahit sandamakmak ang pangangailangan para sa papel sa pag-aaral, magpupursigi pa rin. Papaloob sa kalakaran ng mga papel para sa kinabukasan ay makapapel. At matutupad din ang pangarap na magkaroon ng sariling papel—ang diploma na lehitimong patunay na siyang gradweyt ay pwede nang pumapel sa publikong buhay. Na tulad ng pagsasalansan ng mga papel batay sa subhetong organisasyon, siya man ay magkakaroon na rin ng kapangyarihang makapagsalansan ng papel ng ibang tao.

Ang manggagawang tinanggal ng kapangyarihang marealisa ang kanyang paggawa sa pamamagitan ng isang pirasong papel ay mag-aayos muli ng kanyang papeles. Panibagong NBI at police clearances, panibago at maramihang application forms, maramihang pakuha ng ID picture, paxerox ng sandamamak na papel para magkaroon ng papel, ang realisasyon ng kanyang posisyon bilang aktwal na manggagawa.

Mananatiling taong walang trabaho—walang nagpahalaga sa kanyang papeles at kanyang papel bilang manggagawa. At sa global na resesyon, darami ang katulad ng kanyang hanay. Para silang TNT (tago nang tago) o bilog (O o overstaying) na mga Filipino sa ibang bansa. Buti pa nga itong iligal na Filipino, mayroon man lamang pagkilala sa kanilang paggagawa, mababa man.

Ang ekonomiyang krisis sa bansa ay mas matindi ang pagdanas dahil sa paglaki at pananatiling di nareresolba ang politikal na krisis. Sa estado ni Gloria Arroyo, mas marami ang walang papel sa lipunan, mas paborable sa kanya. Mas madali niyang mamaniobra ang kanyang higit pang pagkabangkarote at malawakang korapsyon. Ang peligro ay pambansa—sasama ang kolektibong lagay kaysa bubuti.

Politikal pa rin ang rekurso sa pagkakaroon at realisasyon ng historikal na papel ng isinantabi. Hanggang hindi ito narerealisa, ang may hawak ng papel ang makakapagdikta ng kalakarang sa papel at pagpapel.

Advertisements