Krisis-tala, Kulturang Popular Kultura Column, Bulatlat.com

by rolandotolentino

where-did-his-monocle-go

bushonfinancialcrisis_fail

imahen mula sa

at www.neoformix.com/archive.html

Krisis-tala

Matingkad na ang epekto ng global recession na ang US ang sentro ng pagbagsak ng pandaigdigang ekonomiya. Gaya ng naunang pasabi ng mga ekonomista, dumating na nga ang epekto nito sa bansa sa unang bahagi ng taon. At di pa nga nagtatapos ang Enero 2009, libo-libo na ang nawawalan ng trabaho araw-araw. Na kahit tila baliw na pantas si Gloria Arroyo na nagsasabing di lamang kakayanin ng bansa ang krisis, bagkus malalampasan pa ito dahil nga sa “wastong” ekonomikong desisyong ginawa ng kanyang administrasyon sa nakaraan, nagmistulang ampaw ang mga pasinayang nagkukubli sa aktwal na nagaganap.

Ayon sa ulat ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research, bumagsak ang employment sa industry sector ng 1.5% na nangahulugan ng pagkatanggal ng 135,000 manggagawa sa trabaho. May 600 empelyado at kontratista ang na lay-off sa Toledo Mining sa Palawan. Tatlong libong kontrakwal na kababihan ang tinanggal ng Amkor Technology noong Setyembre 2008 pa. Ang Integrated Microelectronics ay nagbawas na rin ng 3,000 kontrakwal na manggagawa. Limang libong manggagawa ang tinatayang mawawalan ng trabaho sa semiconductor industry.

Ang isang crown jewel ng administrasyon, ang Intel Corporation ay nagbawas na ng 1,800 na manggagawa. Aabot pa nga ng 300,000 trabaho ang mawawala sa Hunyo 2009, kahit pa 60,000 OCWs ang mawawalan din ng trabaho sa unang kwarto ng 2009. Alam nating nasa poder na tayo ng malawakang krisis di lamang dahil sa aktwal na kaganapang ng pagbabawas ng trabaho, pagtaas ng presyo ng bilihin, kundi dahil nagkakandakumahog na ang adminstrasyong Arroyo na pagtakpan ang mismong krisis.

Tulad ng krisis sa bigas, band-aid ang solusyon na kanyang ihaharap sa mas malaking ekonomikong krisis. Kung sa bigas ay in-appease ni Arroyo ang mahihirap sa pagpapapila sa nakararami sa mas mura at mababang kalidad na uri ng NFA rice, at sa krisis pang-ekonomiya noon ay binigyan niya ng P500 dole-out ang mahihirap na may maliit na binabayaran sa Meralco, ang bulwak ng kasalukuyang krisis ay hindi kayang tugunan ng walang-aray na band-aid.

Hindi galos ang krisis na ito. May paghahalintulad na nga na ito ay may saklaw na kasing lawak ng Great Depression na inabot ng tatlong dekada at isang pandaigdigang digmaan para maudlot nang tuluyan ang pagbagsak ng ekonomiya ng US (na naman!) at ng mundo. Pero ang tanging kakayanin ng bangkarote at namumutiktik sa korapsyon ni Arroyo ay pagtakpan ang krisis.

Gagawin na namang exceptional at state of siege ito. Natatangi dahil palalabasin na di ordinaryo ang krisis, at babalik-tanawin na naman niya ang kanyang report card na pang-valedictorian ang marka, gayong siya naman mismo ang nagbigay nitong mga marka. Under siege para mobilisahin na naman niya ang pulis at militar para sa higit pang paglalapastangan at karahasan nang sa gayon ay maibsan ang protesta—kasama ang pagkadismaya at pagkabugnot–sa kanyang pamumuno.

Ang krisis na ito ng pandaigdigang kapitalismo, kahit pa natatangi, ay hindi naman bagong bigwas. Sistematiko nang dinadaot ng kapitalismo ang paggawa at kabuhayan sa bansa. Sa 36 milyong manggagawa, 7.4% o 2.716 milyon ay walang trabaho. At napakataas din ng underemployment, nasa 10.7 milyon. Dagdag pa rito, ang minimum wage ay P382 lamang samantala ang family living wage sa Metro Manila ay nasa P904 na. Pinararami lamang ng global na kapitalismo at estado ng bansa ang bilang nang malaki nang mayoryang naghihirap.

Ang gusto kong puntuhin ay hindi exceptional at under siege ang kasalukuyang krisis. Na ang krisis na nararanasan sa global na kapitalismo at bangkaroteng estado ay nananatili noon, ngayon at sa hinaharap. Na ang krisis—ang pagbulusok sa mas malalim pang antas ng global na ekonomiya—ay ang kapamaraanan ng kapitalismo para muli nitong reimbentuhin ang sarili. Dahil sa guni-guni ng kapitalismo, kung nasa ibaba ka ng burak, wala nang ibang patutunguhan pa kundi paitaas.

Na hindi rin naman sagad-sagarang lohika dahil ang hindi isinasaad ay ang tagal nang panahon para muling umigpaw ang kapitalismo sa kasalukuyang krisis at matapos, para muling bumulusok lamang ito. Tandaan na ang huling global na krisis na yumanig sa bansa ay noong 1997, at matapos ng isang dekada na hindi pa ring nakakatindig nang matayog, muli na namang binagyo ng mas malakas pang krisis. At kahit pa nagka-amnesia ang marami sa atin, ito ang panahong linggo-linggo ay nanghihina ang piso sa dolyar, tumataas ang presyo ng bilihin gayong di lamang napako ang sweldo, marami pa ang natanggal sa trabaho.

Sa Thailand, ang naging gamit ng mga di tapos na gusaling ipinapatayo ay para talunan ng nagapatiwakal na nabangkaroteng may-ari nito. O ang mga biglang naghirap na negosyante, sinusubasta ang bagong biling Mercedes Benz sa lansangan, o natagpuan ang sarili na nagtitinda ng sandwich at pagkain sa baba ng gusaling dating pinagtratrabahuan at pinagmamay-arian bago narimita ng bangko.

Sa panahong 1997, pinainom sa bansa ang mas mapait pang pildoras para higit pang buksan ang ekonomiya, ibuyanyang ang maraming nawalan ng trabaho sa kapalaran ng subkontrakwal na paggawa, at papasukin ang dayuhang kapital na nakipagsubastahan para sa mga narimitang negosyo at ari-arian. Natitiyak natin na kukunin muli ang pagkakataong higit pang ilako ang yaman at paggawa ng bansa sa paanan ng dayuhang kapitalista.

Kung matagal nang pinaghihirap ang mamamayan, ang nangyayaring krisis ay higit pang oportunidad para lalong pagdusain ang kolektibong katawan ng manggagawa, anakpawis, at mababang gitnang uring may katiyakang higit pang mapapakapit sa napakatalas na talim ng kapitalismo. Kahit pa mas nararamdamang ipinipirito sila sa sariling mantika, mas lalong eenganyuhin ng serbisyong sektor—entertainment, medical, tourism, at finance, halibawa—at industriya ng kultura ang kalakaran ng paggasta at konsumerismo.

Maglalaan na naman ito ng promo na higit pang makapanghuhuthot sa numinipis nang wallet ng mamamayan. Di nga ba’t ang rice meal ngayon sa Jollibee ay P39 na lamang ang halaga? Alituntunin sa marketing na kapag may krisis ay higit pang maglustay ng budget para sa pagbebenta ng produkto at serbisyo. Na kahit pa marami ang natanggal sa trabaho o nabawasan ng araw sa paggawa, marami pa rin ang maeenganyong gumasta sa natitirang pera sa bulsa, kundi man, manalig sa gitnang uring fantasyang ilalako na bubuti rin ang bukas.

Parang telenobela, hindi ba? Happy ending ang inaasahan sa matagal na pagtunghay sa pagdurusa ng babaeng bida. Siya na inapi, dinaot nang lubos-lubusan sa lahat ng maiisip na pamamaraan ng pag-aalipusta at pamimisikal, sa huli ang babangon at dudurugin ang kaaway. Siya na inaapi ay biglang yayaman, gaganda, makukuha ang pagmamahal ng sing-irog, at magli-live happily ever after.

Sa panahon ng matinding krisis, marami ang maniniwala sa fantasya bilang sariling realidad, mananalig sa pang-individual na mobilidad kahit hindi naman ito darating sa tunay na buhay. Dahil nga kasi ano ba naman ang tatanawing bukas: ang higit pang pagdidilim ng dapithapon, pag-aantay sa higit pang bigwas ng bagyo ng paghihirap, o na ang pagbubukang-liwayway ay darating na, na hindi lamang magiging maaliwalas ito, kundi kumpleto pa breakfast meal a la five-star hotel at nakaunipormeng mutsatsang nag-aantay sa bawat kibot ng amo.

Anong ganda ng umaga! Laking tuwa ni Arroyo kapag naging ganito ang pananalig ng mga mamamayan sa gitna ng krisis—ang umasa sa fantasya na mabuti pa rin ang lagay kahit may krisis, na bubuti rin ito sa pagtatapos ng krisis, na ang krisis ang salarin sa mismong krisis ng pamahalaan at pagkapangulo, na ang krisis at si Arroyo ay magkaiba. Naalimpungatan na yata ang mamamayan

Ang papel ng kilusang masa ay magpaliwanag hinggil sa kaisahan ng estado at global na kapitalismo, ng ugnayan ng krisis sa pang-uring katangian ng kapitalismo, na gagamitin ng estado ang higit pang karahasan para magmaniobra ng paglabag ng politikal at ekonomiyang karapatan sa higit na sapilitang pagkakahon sa bansa sa poder ng imperialistang globalisasyon. Samantalahin itong temporaryong manifestasyon ng kaisahan ng krisis ng estado at global na kapitalismo para makapagmulat, makapagpakilos, at makapag-organisa. Ito rin ang panahon para pagtibayin ang hanay at may katiyakang padadaanin ng estado at aparato nito sa butas ng karayom ang anumang nagbubukas sa higit pang libertarian na posisyon.

Mas mahirap magkatrabaho, manatili sa trabaho, umangat sa trabaho sa edad nitong krisis. Ito ay bilang pangitain sa yugto na muling makakahinga ang kapitalismo sa krisis, at magpapatuloy ng kahigpitan bilang normatibong kalakaran na. Kahit pa ang krisis na ito ay hindi naman likha ng anakpawis na mamamayan, sila pa rin ang magiging tagabuhat ng pinakamasaklap na hagupit nito. At kahit na magtapos ang krisis sa mga susunod na dekada, mananatiling disenfranchisado ang anakpawis.

Kung ang krisis ang tala ng kapitalismo, na tulad ng tatlong hari ay ginabayan para makatungo sa sabsaban ng dakilang manunubos, tila ito sirena na ipinanghahalina tayo tungo sa pangako ng katubusan sa ating abang lagay. Dinadala tayo sa ipinangako nitong katubusan kahit pa ang dakilang sanggol ay ginagawa lamang ipanganak bilang bahagi ng kanyang script sa kapalarang maging diyos. “So it is written, so it is done,” na paukol sa plantsadong orkestrasyon ng mga tauhan tungo sa simulain at kawaksian ng kapitalismo.

Sa krisis-tala na ito, walang superhero na Kristala o Krisis-tala na makakatubos sa kolektibong kinasasadlakan. Ito ang panahon ng politikal na pagkilos, pagpapatibay at pagpapalawak ng hanay. Tanging sa politikal na pagbabalikwas mabubura ang in-on na krisis at talang nandito na.

Advertisements