Nekropolitika, Pasintabi Column, Pinoyweekly.org

by rolandotolentino

faces_od_deathsized

mincentl00

imahen mula sa www.bjwinslow.com/…/Faces_od_death

centennial.up.edu.ph/?p=79

Nekropolitika

Malamang, kapag tinanong mo ang administrasyon ng UP, magmamaan-maangan pa nga sila. Kundi man ay pagalit na itatatwa ang akusasyong pinasisikip nila ang liberal na espasyo sa unibersidad. Wala naman silang ginagawang extra-ordinaryo. Ipinapatupad lamang nila ang business-as-usual na kalakaran sa pamamalakad ng kampus.

Pero deadly ang epekto. Nagkakaroon na ng kultura ng pagsang-ayon, na ang tinig ng politikal ay tinitiwalag. Ito ang nangyari sa kaso ni Prof. Sarah Raymundo matapos ng magsasampung taong pagtuturo sa Sociology Department. Nakamit na niya ang akademikong kahilingan para sa tenure gayong di siya binigyan ng tenure ng kanyang departamento.

Politikal ang kadahilanan dahil dalawang ulit na tinangkang iugnay siya sa mga kaso ng nawawalang estudyante. Una, nang tumulong siya sa pagpre-press conference para sa dinukot na estudyante ng UP, sina Sherilyn Cadapan at Karen Empeno; at ikalawa, sa isang dating estudyanteng si Julian na hindi na bumalik sa pag-aaral. Kinausap siya ng faculty at pointblank na tinanong kung nagre-recruit ba siya ng estudyante sa klase para maging aktibista?

Nagmamaskara ang Sociology Department sa naging politikal na kasaysayan nito. Maraming di familiar sa kaso ni Prof. Raymundo ang hindi makapaniwalang magagawa ito ng Sociology Department gayong “politikal” din naman daw ang mga faculty nito. At ito ang dapat ilantad at tutulan, dahil ang politikal na panunupil kay Prof. Raymundo ay isinasangtabi sa ngalan ng taliwas na bersyon ng politikal ng faculty ng departamento.

Pinadadaan sa butas ng karayom ang pagpili, pati pag-upo sa kaso ng Faculty Regent, ng mga demokratikong halal na posisyon sa Board of Regents. Ang Student Regent ay pinadaan sa referendum, nagmarka ng kahilingang 50 percent plus one na botante, gayong di naman lubos ang finansyal na suporta rito. Tinangka ring pangunahan ang proseso sa pagpili ng Staff Regent sa hanay ng kawani at REPS.

Ang mga estudyante ay napipinto sa tatlong taong pagtaas ng matrikula sa natitirang termino ni President Emerlinda Roman. Bukod pa ito sa proposal ng pagtaas ng lab fees at ang kumbersyon ng P.E. subjects bilang akademikong unit na kailangang bayaran nang buo ang matrikulasyon. Kulang pa rin sa tambayan ang mga kinikilalang organisasyong estudyante. At nananatiling pinakabulok na building sa Diliman campus ang Vinzon’s Hall, ang student union building.

Mahirap maging politikal sa UP ngayon, mahirap maging aktibista. At malamang nga ay hindi naman sinasadya ng administrasyon ang pagkitid ng liberal na espasyo. Natural at lohikal na resulta lamang ito ng pagpanig ng UP sa neoliberalismong polisiyang idinambana sa bago nitong charter bilang “national university” o ang kapasidad nitong di lamang maximasahin para sa kita ang kanyang resources, bagkus makapag-isip pa ng mga kalakarang magpapahigit sa komersyalisasyon ng edukasyon.

Tataas ang matrikula, ipapapako ang sweldo kahit ito ang idinawit para sumang-ayon ang faculty sa pag-aproba ng charter, at beautifikasyon ang pangunahing vehikulo ng pagsasambit ng aura ng pribadong campus. Ang bagong gates ng UP ay tila gates sa mamahaling subdibisyon. Ang pavement sa University Oval ay pinalitan ng mamahaling bloke. At ang UP-Ayala Techno-hub (aka call center) ay gwapong complex na strukturang kakalog-kalog.

Ang komunidad ng Ripada ay nananatiling peligroso dahil sa pagpapalawak ng C-5 na rutang bigla na lamang binago para di masalat ang pribadong subdibisyon at golf course ng Ayalas. Ang organisadong maninida sa kampus ay paratihang pinangangambaan ang kanilang pwestong pinaglalawayan ng food outlets, at ng administrasyong gusto nang mas malaking renta.

Para kay Achille Mbembe, ang nekropolitika ay ang kapangyarihang iditermina kung sino ang mabubuhay at mamamatay. Ang pagpanig ng politika nito sa pagkitil ng mortalidad ang siyang pinanggalingan ng kaakibat na kapangyarihan nitong magtalaga ng estado ng exepsyonalismo (ang krisis bilang exempsyon kaysa normalidad) at estado ng atake (siege o kapasidad nitong baligtarin ang kaganapan at pagmistulang sila ang inaabuso).

Isang buhay ang kay Prof. Raymundo, na tulad ng maraming batang faculty ay breadwinner ng kanyang pamilya. Nandiyan ang mayoryang staff na daang piso o kulang pa ang take-home pay at faculty na umaasa pa ring bubuti ang lagay kahit hindi naman talaga. Nandiyan ang pangamba ng mga taga-Ripada na mawalan ng tirahan. O ang mga mag-aaral na di makapasok dahil walang pangmatrikula.

Binuksan ang Sarswela Festival nitong linggo ng parada sa Oval. Sa programa sa iba’t ibang estasyon, nagtawagan ang mga opisyal at emcee bilang mama, tiyo at iba pang titulo ng kamag-anakan. Na kahindik-hindik sa panahon ng resesyon dahil tila walang krisis (nakasakay sa kanya-kanyang vintage na top-down na kotse ang bawat opisyal), at ang kagilagilalas na pag-ako sa selebrasyon at kampus bilang tila kanilang pag-aari.

Sila na di makapaglibot sa kampus nang di sa labas ng selebrasyon ay nirereafirma ang kanilang nekropolitika sa pamamamalakad sa kampus. Buhay sa kamatayan, kamatayan sa buhay. Anong ningning nitong fantasyang napasuong na ang unibersidad sa pinakamatindi nitong yugto ng komersyalisasyon.

Advertisements