JJ, Kulturang Popular Kultura Column, Bulatlat.com

by rolandotolentino

s5

punksnotnpa95pg5bc

punk7ig2rf

imahen mula sa www.candymag.com/…/02/13/sugod-mga-kapatid/

www.rakista.com/v1/cms_view_article.php?aid=163

www.rakista.com/v1/cms_view_article.php?aid=163

JJ

Sa UP Fair ng Pebrero 2009, dinumog ang anim na araw ng mga JJ (jumping jologs). JJ ang tawag sa kanila dahil sa kanilang mataas at walang kapagurang pagtalon sa mga rockistang banda at singer. Sila yong parating pinapahinahon ng mga singer na “Peace” at “Nandito tayo para magsaya.”

May pisikalidad ang hitsura nila: nakaitim ang bihis, pubescent hanggang early adult amg edad, balingkinitan kundi man payat. Kasapi sila ng mga informal na grupo mula sa kanilang komunidad, “Punkista ng Navotas” halibawa. Madalas, bitbit pa nila ang minadaling gawang banner kapag pumapasok sila sa fair. Nakakarating silang naglalakad, at mas higit na marami ang grupong nakatanghod o nagsasasayaw sa labas ng binakurang Sunken Garden.

Na nagpapahiwatig ng kanilang uring pinanggalingan—mula sa mababang gitna hanggang sa abang mababang uri. Sila yong tinuturing na pedestriano kundi man, ang unruly na masa—ang nagnanakaw ng cellphones at notebooks, ang mga adik, o ang mga katatakutan pa kapag naglalakad sa madilim na gabi. Pulutong sila, at dito nanggagaling ang kanilang kapangyarihan—ang kapasidad na makapanghimok ng antagonismong aktityud sa kanilang individualismo at kolektibismo.

Sa kilalang mga tugtog, sabay-sabay silang tatalon. Bubuhat ng payat na kasamahan, pahigang ipapasa sa ibabaw ng mga ulo. Kundi man, papasanin sa balikat at iindak na kalahating tumatakbo pa. At kapag nagsayaw sila, inaagaw ang atensyon ng manonood sa singer at banda. Sila ang nagiging katampok—bagamat hindi katanggap-tanggap—na bisita sa mga gabi ng fair.

At sasabihin ng mga nakatunghay, “Sinasabi na nga ba.” Na parang inaasahan ang karumaldumal na kaganapan na pambabato at pagsira sa yerong bakod ng fair sa Biyernes na gabi ng fair, ang pinaka-busy na gabi ng linggo. Natapos ang gabi nang “lusubin” ng JJs ang bakod, tangkaing baklasin, at nang mapigilan sila na makumpleto ang demolisyon, nagdadampot ng bato sa tambakan ng di-matapos-tapos na paving ng sidewalk ng University Oval, maging ng blokeng gamit sa paving.

Tatlo ang napabalitang seryosong sugatan. Isang kasapi ng Diliman Police ang namatay matapos mabato at ma-coma. Nakakapagtaka lang na sa sandali na lumulusob ang JJs sa bakod ay nandoon ang news crew para ma-cover ang kaganapan. At tila nga nasa Gaza Strip o kalsada sa Seoul kapag may rally ang hitsura ng Sunken Garden. Hindi molotov cocktail sa Seoul kundi bato sa Gaza strip ang kahalintulad na imahen, kahit wala naman ang Arafat scarf na nakatabing sa mga mukha.

Biernes nang magturo ako. Nang tanungin ko sa klase kung sino na ang nakadalo sa linggong fair ay kakaunti lang ang nagtaas ng kamay, kahit may ilang nagsabi na dadalo sila sa gabing iyon. At marami ring estudyante sa UP ang nareafirma ng kanilang desisyong hindi makilahok sa fair, dahil nga sa imminent na panganib dulot ng Jjs. Na parang ipinagdarasal na mangyari at hindi naman lubos na ikinagulat nang mangyari dahil sa ganitong pagkakataon—sa akto ng masibong pagtitipon ng mga marjinal na tao—ang organisadong kolektibo ang naghahari, mapa-”ganoon” man ang kanilang politika.

Ang JJs ang anti-thesis ng lahat: sa kanilang mga magulang, sila ang nagpapariwarang mga anak; sa kanilang komunidad, ang mga hindi dapat tularang kabataan; sa labas ng kanilang komunidad, ang mga sigalot ng lipunan; at sa piling ng mga aktibista, skolar ng bayan at wanna-be bureaucrats, ang disenfranstisadong out-of-school youth na tanging sa fair lamang magkakaroon ng karanasan sa “premier national university.” At ito ang radikal na posibilidad na nananatiling posibilidad lamang—sa urban na lunan, ang kanilang kolektibismo ang siyang kinatatakutang panganib na presensya.

Sa estado, ang panganib ng kolektibismo ng masang kilusan—ang politikal na organisadong mamamayan—ang lampas na katumbas nito. Mapakanayunan at kalunsuran, ang panganib ay tunay (real), kaya nga pinapaslang ang mga lider at kasapi ng kanilang hanay. At ito ang afinidad ng JJs sa aktibista—pareho silang pinapaslang bilang rehimentasyon ng pagdisiplina ng panganib. Hindi ba’t sa Davao City at Manila, maging sa Quezon City, ay maraming kabataan ang sina-salvage bilang pagpatanda sa mga iba pang snatcher, drug adik at pusher, at iba pang peti na kriminal?

Sina-salvage at dinadampot, tino-torture rin dahil nga sa kaakibat na panganib. Na ang pagligwak sa isa ay pagbibigay panakot sa kolektibo. Na ang epekto ay higit pang depolitisasyon sa hanay nang mas nakararaming nananaginip ng prepaid load, malling at MP4 player. At mula sa hanay ng apolitisadong mamamayan, ang reafirmasyon ng kanilang inaasahan mula sa figura ng panganib at anti-thesis sa kanilang gitnang uring pagkamamamayan—na OK lang dahil JJs at aktibista naman sila.

Sa gitnang uring mamamayan, ang kanilang konsern ay higit pang idealisasyon ng kanilang posisyon, kahit pa marami naman sa kanilang hanay ay kulang naman ang material na kondisyon ng pagiging gitnang uri, binili na nila ang fantasya na ito ang kanilang maging mantra sa nagdarahop ding mga lagay. Sa purview nila, walang JJs, walang aktibismo dahil walang kahirapan. May naghihirap ba sa loob ng malls? May exploitasyon ba sa Disneyland at The Fort?

Kriminalisado na ang turing sa JJs dahil sa kanilang hitsura at pisikalidad, ang aktibista dahil sa kanilang kontraryong politika. Na ang kanilang magkahalintulad na aktuwasyon ay nagpapasaring ng alternatibo sa namamayaning kaayusan—na taliwas sa napagkasunduang hegemoniyang kalakaran sa lipunan. Na may bisa dahil nga sa sistematikong panliligwak sa kanilang hanay ng estado bilang pagpapanatili ng bangkaroteng sistemang magtitiyak ng patuloy na masibong kahirapan sa mayoryang mamamayan, at malawakang korapsyon sa hanay ng namumuno—ang mga kondisyon ng posibilidad sa bansang ito.

Sila ang patunay na may taliwas na kamalayang kasabayan ng namamayaning kaayusan ng naghaharing uri, na hindi total ang paghaharing ito dahil sa patuloy na pagpapaalaala sa unruly na klase ng panganib ng JJs at sa organisadong klase ng panganib ng aktibismo. Hitik ang alternatibong sining sa proliferasyon ng posibilidad ng subsektor na ito. Mula sa indie na pelikulang “Tribu,” ang rapping bilang alternatibong praxis ng sining at kolektibismo. Mula sa docu film ng Sipat, “Mula Third Avenue Hanggang Sa Dulo,” ang alternatibong posibilidad sa kondisyon ng posibilidad ng estado—ang potensyal sa politikal na gawain ng mga gang member.

Mula sa Sinagbayan, ang pagsasadula ng mga buhay ng kababaihan mula sa balon ng buhay sa pakikibaka ni Lorena Barros. Mula sa publikasyong Ulos ng andergrawnd na kilusan, ang literatura ng pakikibaka bilang pakikibakang panlipunan at historikal. O ang mismong kalakaran ng pagsayaw, pananamit at kolektibisasyon ng Jjs—sila lang ang namumukod-tangi at sa kanilang pamumukod-tangi na hindi pa kayang i-coopt ng estado at kapitalistang sistema, nananatiling namumukod-tangi.

Kaya rin nananatiling reserbado ang pinakamatinding bigwas ng estado sa dalawang subsektor na ito. Ang imahen sa balita ng nanlulusob na JJs ang nagtitiyak na mananatili silang pasaway, at kung gayon, sa laylayan ng kapangyarihan. Na magtitiyak din ng posisyonalidad sa kanila ng estado—hindi incorporateable kaya kailangan parating sini-surveillance at dinidisiplina. Pero ang tagumpay ng dalawang subsektor ay ang kapasidad nilang manatili at lumikha ng kontraryong visibilidad.

Nandito sila, may panganib na dala, at nandito sila para parating ipakita ang panganib sa sistemang sinasabing OK ang lahat kahit na ang kontraryo, nagdararahop ang nakararami. Kung gayon, sinasaad nilang hindi pala OK ang lahat. Sila ang kontraryong katiwalian sa mas higit na panganib ng estado—ang kapasidad nitong inormalisa ang fasismo ng kahirapan at korapsyon bilang kalakarang pambansa at pagkamamamayan. At nililikha ng mismong estado ang panganib ng pagkontraryo sa hegemoniyang ito.

Mananatiling malakas na presensya ang ang kolektibong lakas ng JJs at aktibismo, gayong ang higit na tagumpay ng aktibismo ay ang pananatiling alternatibo sa paglahok at inkorporasyon sa mga kalakarang pang-estadong nagpapa-politically correct, tulad ng party-list, literary publications, scholarship sa state colleges at universities, talk shows sa telebisyon at radyo, at iba pa. Sa bawat halos sabayang pagtalon ng JJs, maging ang pagmartsa ng aktibista, ang mundo ay inaako nilang kanila. Tumitindig at naninindigang dapat sa kanilang interes ang mundo, dahil hindi nga ito kailanman, sa ilalim ng estado, magiging kanila.

At kung gayon, may ligaya ang bawat talon, slamdance, martsa, chant, piket, pagkilos dahil ito ang ipinagkakait ng ordinaryong buhay sa estado.

Advertisements