Pagsasalita sa harap ng tao, Pasintabi Column, Pinoyweekly.org

by rolandotolentino

dsc_2363-01

dsc03306-01

dsc03307-01

dsc03273-01

imahen mula sa http://tenureforsarahraymundo.blogspot.com/

Pagsasalita sa harap ng tao

Kahit guro ako, hindi ako sanay magsalita sa harap ng tao. Sa klase, malinaw ang profile ng nakikinig—mga estudyante—at ang relasyon sa isa’t isa, na nakakaangat ang guro sa estudyante. Ito ang given.

Sa pagsasalita sa harap ng tao, di ka nakakatiyak sa magiging tugon. Nagsasalita ka pa lang, humihikab at natutulog na ang nakikinig. Matapos magsalita, maari ring banggain ang lahat ng pinagsasabi mo. Madalas pa nga, iniisip ko, bakit ko ba inilalagay ang sarili sa ganitong kondisyon, ang humanap ng batong ipupukpok sa sarili.

Mas matindi na rin ang kahilingan ngayon sa pagsasalita. Kailangang naka-powerpoint na. Doble trabaho, di ba? Mag-iisip at magsusulat ka na, tapos ay maggaganyak ka pa ng soundbytes na sumusunod sa daloy ng lektura. Kung magaling ka, kaya mong mag-animation, bukod pa sa na-google na imahen, na kailangan ding isama ang paglahok sa pananalita.

Nakapagsalita na ako sa buong auditorium sa isang unibersidad sa Baguio ukol sa bida sa pelikula. At para lang akong front act sa concert, inaantay ang main event, ang film showing. Sa UP Baguio, gamit ang parehong lektura, mas naging matagumpay ang classroom type na lektura. Mas conducive sa nakikinig para makapagpalitan ng idea.

Bakit ko nga ba ginagawa ito sa sarili ko? Marami pa rin kasing nakikinig; sapilitan, karamihan. At kung ganito, maaring makapagtanong hinggil sa relasyon ng tinatalakay sa pagkatao ng nakikinig. Kaya kahit na pangkalatang paksa, tulad ng “Culture and Counter-culture” o partikular na paksa hinggil sa “Neoliberalismo at Kulturang Popular” kina-career ko na rin dahil nga sa posibilidad na makapagbukas, kundi man makapagpabago, ng ilang erya ng kamalayan ng nakikinig.

Nakapagsalita ako sa liblib na gulod sa La Union, sa Ateneo de Naga University na nakitulog at ginising kalagitnaan ng lasing na gabi para mabilisang magbalot sa kwarto ng Jeswitang opisyal. Sa Cebu City, matapos ng masayang lektura ng mga gurong gumagamit ng Ibon textbooks, at ang paglalakad sa syudad para bumili ng abot-kayang sinugba (inihaw) at gelato, para lang akong nasa ibang bansa. Wala akong makausap ng Tagalog, lahat ay bini-Bisaya ako.

Kapag sa rali naman nagsasalita, hirap akong makabuo ng pangungusap, lalo na ang pagpapadaloy ng mga idea. Kaya bigla akong natatameme kundi man nauutal. O sa pagtatangka kong walang silent moment, bigla na lang akong kinakabig sa metapisikal na direksyon. Alam nyo yong habang nagsasalita ka, alam mong mali na ang sinasabi mo, pero hindi mo mapigil ang sarili mo, at lalo ka pang lumulubog sa sablay na lagay?

Sabi ni Sarah Raymundo sa rali para sa kanyang tenure sa lobby ng AS, ang paalaala raw sa kanya ng Com3 na guro ay tumitig siya sa kakilala habang nagsasalita. Nang sa gayon, magiging kumportable siya, na parang intimate na kumakausap lang imbes na sa pulutong ng maraming di-kilalang tao ang audience. At tama siya, dahil marami sa dumalo ay mga familiar na mukha. Lahat ay sumusuporta sa kanyang kampanya.

Kaya kahit na kinakabahan siya sa simula ng kanyang pananalita, at ang antisipasyong makapagsalita, bigla itong nawawala para palitan ng tapang at sigla, humility sa suporta ng marami, at paghupa ng pananamlay. Malumanay ang boses na hindi nababahiran ng pait sa nagaganap sa kanya. Kalmado sa pagtatahak ng kolektibong paninindigan.

Ako ang huling nagsalita sa rali. Ang payo naman sa akin, irolyo ang dila sa loob ng bibig kundi man mag-vocalize nang lumuwag daw ang lalamunin. Ginawa ko ito bago tawagin ang pangalan ko. Tulad ng dati, kalabog na naman ang dibdib ko sa walang katiyakan kung ano ang lalabas sa bibig. Kahit ilang ulit na akong gumawa ng balangkas sa utak ko.

Sa kauna-unahang pagkakataon, naging malinaw ang pagsunod ko sa balangkas. Sa akala kong nawawalay ako ay tutungo sa metapisikang direksyon, bigla akong kumakabig at nasisinop ang paliwanag. At sa huling bahagi, may paninindigan ang chant “Ang guro ng bayan, ngayon ay lumalaban.”

Kailangan palang paniwalaan ang sinasabi. Paninindigang maaring ipagpatayan. Dahil kabig sa buhay sa pakikibaka ang usapin. Sa pagtatangkang yurakan ang karapatan para sa disenteng buhay, ibakang ilaban, lalo pa sa pagsasalita sa harap ng mga nakikiisang tao.

Advertisements