Aling Bebang at VJ, Pasintabi Column, Pinoyweeklyonline.org

by rolandotolentino

gematute_big

vjganda1

imahen mula sa dakilapinoy.wordpress.com/…/

brownsiopao.blogspot.com/2006/05/shawarma-nig…

Aling Bebang at VJ

Dalawang manunulat ang namatay nang nakaraang linggo. Si Genoveva Edroza Matute, pangunahing babaeng manunulat, ay namatay noong Marso 21, 2009 sa edad na 94. Matagal itong nakaratay. Huli ko itong nakita nang parangalan sa isang kumperensya ng Departamento ng Filipino sa UP, mga isang dekada na siguro ang nakararaan.

Noon pa man ay nanghihina na si Aling Bebang, ang familiar na katawagan sa kanya. Pero matalas pa ring mag-isip at magsalita. Katuwang ang naunang yumaong si Liwayway Arceo, sila ang unang henerasyon ng kababaihang kwentista matapos ng Ikalawang Pandaigdigang Digmaan.

Masasabing “proto-feminista” ang kanilang mga kwento. Wala pang kamalayang pangkababaihang tinatawag nating “feminista” ngayon. Wala pang politikal na kilusang pangkababaihan noon. Kaya naglalayag ang pagkababae sa explorasyong pang-individual. At sa paglalayag, marami silang tinatahak na pinagbabawal o itinakdang limitasyon ng sistemang patriarkal.

Sa “Ang Kuwento ni Mabuti,” ang pinakasikat na kwento ni Aling Bebang, tahimik ang pagtalakay niya ng buhay ng isang gurong matutunghayan sa katapusan ng kwento na querida pala. At kakatwa, ang batang babaeng estudyante ang punto-de-bista sa pagkuwentong ito. Pero may ilang kwento si Aling Bebang na tumatalakay sa sagupaan ng mga kawal at taumbayan, tulad ng “Bangkang Papel.”

Si Aling Bebang ay pioneer din sa radyo. Kasama ng kanyang asawa, si Efifanio Gar. Matute ng sikat na “Kuwentong Kutsero,” sila ang pangunahing mandudula sa umuusbong na media ng radyo. Tinipon ang kanyang dula sa Ang Inyong Lingkod, Gloria Romero (1959-1960) ng UP Press. Laking paghihinayang ko nang hindi sa kanya napunta ang parangal ng College of Mass Communications, ang Gawad Plaridel nang dumating ang pagpaparangal sa lifetime achievement para sa radyo.

Kung inaasahan ang pagpanaw ni Aling Bebang, biglaan naman ang balita ng pagkamatay o pagpatay kay VJ, isang batang manunulat. Noong Marso 24, 2009, nagkalat ang text messages, pati sa Facebook, na ito nga ay karumal-dumal na pinaslang at natagpuan ang katawan, tatlong bloke mula sa kanyang kotse.

Mabait na tao si VJ. At walang paliwanag ang katanggap-tanggap sa uri ng pagpaslang na dinanas niya. Paulit-ulit ko itong nakikita sa aking utak. At ako ay nagagalit. Minsan ko lamang dinalaw ang lamay niya. Malinaw ang hati ng mga bisita—pamilya sa loob, mga taga-UP sa labas ng kapilya.

Inaantay ang ina ni VJ na darating mula sa trabahong med tech sa US sa gabing iyon. Carnapping at robbery ang opisyal na balita. May natanggap akong text na para sa mapayapang pagluluksa ng pamilya, tanggalin daw ang banner sa Facebook accounts na nanghihingi ng katarungan sa kamatayan ni VJ. Mayroon bang mapayapang pagluluksa?

Naging estudyante namin si VJ sa Departamento ng Filipino sa undergrad, at sa MA Media Studies. Marami sa kanyang mga guro ay impressed sa talas at talino ni VJ. Nakita ko rin itong mag-demo teach nang magka-opening sa Film Institute. Malaki ang hinaharap ng taong ito, akala nang marami sa amin na faculty.

Malaki ang kinabukasan ni VJ sa pagtuturo, pagsusulat, pananaliksik, at pati sa paglalabada o raket. Panganay si VJ at responsableng anak at kapatid. Balita ko ay siya ang nagpaaral sa dalawa niyang kapatid. Siya rin ang tumayong magulang dahil nga OCW ang kanyang nanay. Malaki ang kinabukasan ni VJ.

At ang ito ay tanging alaala na lamang. Laking panghihinayang ko sa mga buhay na tulad ni VJ, malaki ang kinabukasan at bigla na lamang, nang walang katanggap-tanggap na paliwanag, inudlot ito para sa kanya. Hindi dapat. Walang tao ang dapat dumanas nito. O ang kanyang pamilya, kaibigan, kakilala at kasamahan.

Hindi mabait ang estado sa manunulat, tulad ni Aling Bebang at VJ. Sa paghihina ni Aling Bebang, hindi siya pinarangalan ng pinakamataas na gawad ng estado para sa manunulat—ang Artista ng Bayan. Maraming nauna sa kanya na nauna dahil mas may politikal na kabig sa gawad na ito.

O si VJ na dumanas ng karumal-dumal na kamatayan. Bagamat umaasa, nananatiling wala sa karakter ng estado na maresolba ang kaso niya. Sino ba si VJ? Bakit ito uunahin ng estado? At nalulungkot ako sa kawalan-kapangyarihang maresolba at umasa para sa kanyang kaso.

Paalam, Aling Bebang at VJ. Diyan man lamang sa inyong kinalalagyan, maging mahaba-haba ang inyong ngiti. At dito, paratihang mapapangiti kaming naiwan sa tuwing maalaala namin ang inyong mga kwento at buhay.

Advertisements