CR, Kulturang Popular Kultura Column, Bulatlat.com

by rolandotolentino

bawal

july3_dontdo

pinoy-signs16

imahen mula sa www.chirky.com/2006/02/philippines_manila.html

blog.dennesabing.com/2007_07_01_archive.html

ykob.blogspot.com/2008_08_01_archive.html

CR

Sa Filipinas ko lang narinig ang gamit sa CR (comfort room). Sa ibang bansa, wash room, loo, toilet o men’s at women’s room ito. Kapag ginamit ito sa labas ng bansa, walang makakapagturo sa nagtatanong ng tamang direksyon. “Comfort” dahil kumportable, dahil lunan na naglalaho ang lumbay, na tulad ng ospital ay espasyo ng kalinga? Na nagpapaalaala sa isa pang terminong gamit din ay comfort—comfort women.

Sa mga maliliit na kwarto, nakatalaga lamang ng pangalan ng babae, malamang palayaw pa nga, ay nagbibigay-kalinga at sex sa sampu-sampung sundalong Hapon gabi-gabi? Kalakhan ng babae ay in-abduct mula sa kani-kanilang tahanan. Sinetralisado sa isang kampong R & R (rest and recreation). At matapos, iniwan na lamang nang basta-basta, kung hindi nagpatiwakal, pinaslang o namatay sa mga sakit.

Limang dekada matapos ang Ikalawang Pandaigdigang Digmaan, comfort women ang henerikong bansag sa ngayon ay lolang nagsipagtandaan. Na kilala sa katawagang comfort women, kaysa sa individual na Lola Rosa, ang kanilang kolektibo ay mayroong disjunctive na estado: paano aangal ang mga kababaihang ito ng panggagahasa at paglalapastangan gayong ang kanilang kasalukuyang imahen—ang lola—ay hindi nagsasaad ng sexual na pagnanasa?

Ano ang ninanasa sa CR? Kung titignan ang kasaysayan ng banyo at mismong CR sa bansa, tila nagkaroon lamang ng formulasyon ng CR nang mapasok ang banyo sa loob ng bahay. Ang dating banyo ay kasilyas na marami ay nakatalaga sa labas ng bahay. Noong lumalaki pa ako, ang kapitbahay namin ay tumatawid ng maigsing kawayan na tulay mula sa banggera, para sa kasilyas na nakaangat din mula sa lupa.

Lata ng mantika o biskwit na pinagpatong-patong pataas ang daluyan ng dumi. At ganitong lata rin, may semento sa mga hanay, ang upuan sa kasilyas. Walang bubong ang kasilyas. Sa isang ED namin sa Capalongga, Camarines Norte, ang nakaangat na kasilyas ay direkta sa tuyong kanal. At nag-aantay ang mga baboy para sa inaabangan na pagbagsak na dumi.

Naalaala ko ang kasilyas ng lola ko sa Papaya, Nueva Ecija. Sa tabi ito ng kusina, gamit ay kahoy at naka-built-in ang mga plataporma para sa lutuan. Paratihang may inaalagang baga bilang starter sa pagpapaapoy sa panggatong sa pagluluto. Magkahiwalay ang kasilyas (toilet bowl) na sinabihan kaming huwag upuan, kailangan ay nakasakwat sa ibabaw nito, at ang paliguan na isang tapayang pinupuno ng pag-igib ng tubig.

May kung ano-anong di malinaw na rural legend hinggil sa pag-upo sa at taas ng kasilyas. Bawal sa babae ang maupo, lalo na sa publikong lugar, dahil may kamay dawn a manghihipo. Maaring mabuntis, magkasakit ng STD (sexually transmitted disease), at ma-divirginize sa pag-upo sa bowl. Sa lalake naman, marumi ang CR kaya hindi dapat umupo sa bowl.

Malas daw ang nakaangat na bowl, nakausli sa semento, dahil parating na-flu-flush lamang ang anumang ideposito rito. At naalaala ko ang bowl namin sa nasalanta ng bagyo, nawalan ng bubong ang banyo. Nang i-repair ito ay pinabuhusan ang buong sahig ng banyo na halos kasing taas ng bibig ng bowl.

Dati ay nagtataka pa ako kung bakit ang mga banyong Filipino, hindi mahilig gumamit ng flush gayong P150 lamang ang isang set nito. At naisip ko, lampas sa kahirapan, ang sikreto ng pagbabantay at pagtunghay sa sariling dumi. Hindi ba’t ang mga nakatalagang eunuchs sa emperador ng Tsina ay uma-umagang tumutunghay sa dumi ng nobilidad para tignan ang pagbabago ng kulay, hugis, konsistensi, at iba pang indikatibo ng kalusugan ng may-ari nito?

Sa isang pelikula ni Michael Douglas, buskang kinausap nito ang psychoanalyst para patunayan na normal siya. At ang isang binanggit niya ay hindi niya tinitignan ang kanyang dumi tuwing iflu-flush niya ang toilet. Therapy nightmare ang praktis na pagtingin sa dumi sa bansa! Dahil ang dumi, flinu-flush lang, vina-vacuum, inaanod ng hose, idinudura sa lababo. Para sa modernong sibilisasyon, ang dumi ay pinapadaloy sa tamang lugar para hindi na matunghayan.

Walang sewerage plan ang Metro Manila, kaya ang natural na daluyan ay ang Pasig River palabas sa Manila Bay. Kahit malaki ang binabayaran ng may bahay na sewerage service fee ay hindi pa ito napapaunlad para ma-spare ang ilog at ang baybayin. Naalaala ko nang mapuno ang poso-negro namin sa Mandaluyong. Catastrophe talaga. Sa mall kami dumudumi hanggang sa nalinis ito. Papuri sa mall!

At nang ako naman ay bagong-lipat sa tinutuluyan sa Fairview, at mangyari rin ito, tunay namang laking pasasalamat sa kompanyang ang henerikong pangalan at apelyido ay “Malabanan” nang bigyan nila nang mas mabilis na solusyon ang mabahong problema. Sa ilang libo, tinanggal ang laman ng poso-negro. At kung nagdagdag pa ako ng P1,500 na ayaw magpatawad, may tao pang bababa sa konkretong yungib para pisikal na linisin pa ito.

Labingwalong libong tahanan sa Cebu City ay walang toilet. Sa Northern Mindanao, isa sa limang tahanan ay wala pa ring toilet. Sa isang komunidad sa loob ng UP, ang RIPADA, mayroon lamang shared toilet at shower area para sa isang seksyon. May bayad kada gamit nito. Parang toilet sa Baguio City. Na hindi mo naman ikakagulat na malinis naman talaga, may bulaklak at sofa set pa nga ang iba, dahil sa kontribusyon ng mga gumagamit nito.

Pati ang ilang CR sa terminal ng bus, me bayad na rin. Mas boluntaryo, hindi tulad sa Baguio at Norte, na talagang sisingilin ka kundi man tatanggihan ka kung walang pambayad. Pati sa Shopping Center sa UP ay ipinauso na rin ang pagbabayad kada gamit ng toilet. Hindi gaanong matagumpay dahil nga tingin ng mga tao ay bahagi ito dapat ng serbisyo kapalit ng pagtangkilik sa establisyimento.

Sa mall, may pay toilet na P10 kada gamit. Kahit high-end, tulad sa Greenbelt o low-end, tulad sa Farmer’s. May likidong sabon, may bantay, may toilet paper. Ibig sabihin, hindi basic amenities ang mga ito. Binabayaran dahil ang tinataguriang basic ay limitado lamang sa malinis-linis na toilet at urinal. Kaya sa kaharian ng mall, ang lahat ay binabayaran: wala nang libreng tubig, lahat ay nasa binibiling botelya sa food court; ang pagparada ay de-oras ang bayad kapag Sabado’t Linggo, halimbawa.

Kahit pay toilet ito, marami pa rin ang hindi gagamit nito, hindi lang dahil mahal, kundi dahil walang ipinapahiram na tabo. Bahagi ng toilet semi-fixture ang tabo. Nang mag-immigrate sa US ang aking mga pamangkin, nagbaon sila ng tabo, at hanggang ngayon ay ginagamit ito. Isang profesora sa Math ang nagbabaon ng tabo sa foreign travel niya. Minsanan na rin nanghingi ng pasalubong na tabo nang mabalitaang tutungo ako sa US.

Mas malinis daw kapag gamit ang tabo. Hindi kayang tumbasan ng toilet paper. Kaya maraming CR pa rin ang hindi gumagamit ng toilet paper. Pag may okasyon lamang. At matapos, babalik muli sa tabo. Ano ba ang sa tabo na hindi kayang mapalitan? Ano ba ang intimacy na dulot ng araw-araw na pagsalat sa sariling butas sa pwet?

Ikakabaliw na naman ito ng kanluraning psychiatrist! Ang anal phase ay may kasiyahang dulot ang anal orifice at pagdumi. Ang sabi ay may dalawang impulse ito: mastery, dahil kailangan ng corporeal control, may tamang oras sa tamang lugar na gawain ito, at may relief dulot ng pagbabawas; at scopophilia, o ang pagtingin sa pagdumi, dumi at dumudumi.

Ang paliwanag pa ni Freud, ang kasiyahan ng bata ay sa paglikha ng bagay na sariling kanya. At sinasabi pa, na ang kasiyahang ito ay naililipat ng babae sa kanyang panganganak. Ang ibig bang sabihin nito ay babae lamang ang dumaranas ng kasiyahan mula sa anal phase? Kaya ba duming-dumi at bahong-baho ang lalake kapag nagpapalit siya ng lampin?

Na ang anal phase ay kaugnay sa domestikong gawain ay nagpapahiwatig ito ng kaibahan sa kasarian. Pambabae ang paglilinis ng toilet. Sa pelikulang Milan, ang first-time na paglilinis ng lalakeng OCW (Piolo Pascual) sa toilet ng kanyang Italianong amo ay halos maiyak-iyak ito sa awa sa sarili. Hindi niya ginagawa ito sa sariling bahay sa Manila.

Hindi niya ginagawa dahil may nanay o kapatid na babae siyang gumagawa nito para sa kanya. At mababa ang tingin sa gawaing ito dahil mababa ang turing sa toilet, at sa paglilinis ng mababang turing na espasyong ito. Kaya ang kasiyahan sa kontrol ng lalake ay sa kapangyarihang hindi ito maglinis ng toilet, na ang kanyang kasamahang babae ang gagawa nito para sa kanya.

Kaya rin, maiisip na lalake ang nagdisenyo ng toilet na fasilidad. Paratihan namang pantay ang laki ng espasyo ng toilet na pambabae at panglalake sa komersyal na lugar, tulad ng mall. Pero paratihan, mas mahaba ang pila sa toilet sa babae kaysa sa lalake. Walang urinal ang babae na pwede lamang siyang tumayo. Bahagi ng sosyalisasyon sa kanya ay maging lady-like sa ungracious na sitwasyon ng pagbabawas ng likido sa katawan: maingat na nakaupo.

Sa isang bansang mahilig sa regulasyon, ang Singapore, bago ako umalis, ay nabalitaan ko na nire-require na mas lakihan ang espasyo ng toilet—damihan ang cubicle–para sa babae. Na magpakagayon pa man, ang babae ay may kontrol sa sarili niyang pangkatawan na likido. Wala tayong nakikitang babaeng tumatanghod sa pader o poste para magbawas.

Sa uniberso ng MMDA, lalake lamang ang kailangan ng instant toilet sa kalsada kaya panglalake lamang ang cubicle na toilet na ginawa nito. Hindi dapat naiihi ang babae sa publikong lugar. Ang konsiderasyon ay para sa mga lalake lamang. At ginagawa ito dahil kinikilala ng ahensya ang kawalan ng kontrol ng kalalakihan sa kanilang bodily fluids.

Matapos ng pakitang gilas, wala nang itinayong bagong toilet ang MMDA. Sinara pa nga nila ang ilang dati nang gumagana. Hindi ito hiwalay sa uniberso ni Gloria Arroyo, kanya-kanya tayong paghinga at paghanap ng sariling rekurso sa mabaho’t maduming predikamentong kinasadlakan natin. Walang garantiya na magflu-flush ang sistema, o dadaloy sa labas ng natural na inaasahan.

Ang hindi isinasaad, ang pinakamalaking tumpok na dumi na nagpapabaya’t nakalutang sa ibabaw ng lahat ng mamamayan—ang rehimeng Arroyo. Ito ang dapat i-flush, kundi man, matanggal nang maging busilak ang kapaligiran. Tao ang mamamayan, hindi dumi sa lansangan na dapat tanggalin. Ang pinakamalaki at pinakamalalang dumi ang dapat matanggal.