Higanteng doodles sa Commonwealth Highway, Kulturang Popular Kultura Column, Bulatlat.com

by rolandotolentino

commonwealth-avenue-280x210

000045761

imgp2776

imahen mula sa www.tsikot.com/tag/traffic/

www.newsflash.org/2004/02/hl/hl107220.htm

www.skyscrapercity.com/showthread.php?p=26759458

Higanteng Doodles sa Commonwealth Highway

Regular akong dumadaan sa kahabaan ng Commonwealth Highway. Linggo-linggo ay mayroong bagong doodles sa kalsada. Doodles ang tawag sa tila random na drawing ng mga young adult. Kapag bored sa klase, at para tila attentive pa rin, magdo-doobles ang estudyante sa klase.

Kung ano-ano lang naman na imahen. Hiwa-hiwalay na walang lohika. Mayroong figures at mayroon din namang abstraktong objek. At ganito ang hitsura ng Commonwealth Highway bilang showcase ng papoging Metro Manila Development Authority, sa pamumuno ng kapal-muks na si Bayani Fernando, forever wanna-be President ng bansang ito.

Makalampas ng Philcoa, bigla na lamang kinuha ang kalahati ng kalsada—apat na lanes—at inilaan para sa u-turn. Ibig sabihin, kalahati lang ang lanes na nakalaan para sa pagdiretso sa kasagsagan ng Commonwealth Highway. Hindi lang ito, bigla na lamang, pagkalagay ng u-turn mark sa bahagi ng highway, biglang inilipat ang u-turn slot.

At dito makikita kung kanino ang loyalty ng MMDA. Hindi ito sa kumbinyente ng nagmamaneho at pasahero. Ito ay para tiyak na makadaan sa pagpasok ng bagong strip mall, ang UP-Ayala Techno Hub. Matapos masanay ng maraming biyahero, bigla na lamang silang pinausad pa para lamang matiyak ang pagliko sa mall! Na kahit hindi liliko, tiyak na magkakaroon ng familiaridad sa bagong tayong mall.

Nitong linggo, bigla na lamang may manipis na dilaw na lane na ipininta sa highway. Hindi ko alam ang ibig sabihin nito. Tila minamarkahan ang paglalagay ng permanenteng struktura para sa pagtakda ng kaangkupan ng pagdiretso at pag-u-turn. Pero who knows! Maraming pagbabago ang wala namang kaakibat na motorists’ education. Sino ang magtitiyagang manood sa MMDA channel? Sino ang gustong maging drone sa informasyong tunay na pagpepedestal sa sariling accomplishments?

Makailan ulit na akong nakatunghay sa aksidente sa pag-akyat ng Commonwealth Flyover. Bigla na lang kasi ang harang na konkreto. Wala pang luminous signage. Tila mga mumurahing sticker o pintura ang ginagamit para markahan nga itong bloke ng konkretong panghawan ng daan.

Matapos ng flyover na ito, patungong Fairview, bigla na namang may putting pintura na nagmamarka ng apat na lanes para sa u-turn sa kalayuan. Inaasahan ba ng MMDA at ni Fernando na hindi dapat gamitin itong kalahati ng kalsada? Bakit pa ginawa ito kung gayon?

Ang nakakagulat sa u-turn slot ay ang kalapitan nito sa unang pakanan na kalsada. Sa tantya ko 200 metro lang ito na hindi nakakasapat para maka-crisscross ang nagmamaneho sa kanyang kanto. Nagmamadali, at malimit mas nagmamadali ang dumidiretso sa highway. At sa kamamadali ng dalawang sasakyan, deadly ang salpukan.

Madalas pa, pabago-bago ang u-turn slot. Sa di mawaring dahilan, parang bigla na lamang gumising ang MMDA at naisip na ilipat naman ang slot. Pati ang linya, gayon din. Mayroong putol-putol na linya sa ilang bahagi ng highway, gayong wala naman sa mas delikadong bahagi. Ano ba talaga, Kuya? Bakit ginagawang kumplikado ang buhay?

Ang remedyo ng MMDA, tulad sa Kalayaan-C-5 intersection ay gumawa ng permanenteng u-turn slot na sa pagiging tuwid ay walang konsiderasyon sa natural na pagkurba ng nag-u-u-turn na sasakyan. Kaya ingat sa katabing nag-u-u-turn o gilid na kongkreto ng elevated na u-turn slot. Tanging sa Pilipinas ko ito nakita. At ang buong kalsada ng Metro Manila ay isang malaking experimentasyon ng MMDA.

Ang ipinagbubunyi ng MMDA sa Commonwealth ay ang interfacing ng bikers, pedestrian at sasakyan na bahagi ng kalsada. Ito iyon anim na buwan lamang ang nakararaan. At nagawa naman ito sa stretch ng UP. Matapos nito, no man’s land na naman ang mga siklista, pedestriano at driver. Matapos naman, kamakailan, bigla na namang naisip na tanggalin ang bike at pedestrian lanes at gawin na lamang itong bahagi ng highway.

At mahilig magpaubaya ang UP sa anumang gawin ng MMDA. Libre pabakod kasi sa Balara na seksyon ng kampus. Ipinagpaubaya na rin ng UP ang Ripada sa gagawing pagdiretso ng C-5 lampas sa Commonwealth at diretso sa Novaliches. Overpass ang tugon ng karibal ng MMDA, ang Department of Public Works and Highways. Pero MMDA ang nasusunod.

Doodles ang buong highway. Mayroon at maraming seksyon ang namumutiktik sa kung ano-anong linya. Parang pinaglalaruan ang kalsada, at siempre ang gumagamit nito: driver, pasahero, siklista at pedestriano. Huwag pang isaalang-alang ang haphazard na konstruksyon ng MMDA. Basta sablay, natitiyak nating ito ay isa na namang MMDA production.

Sablay ang pedestrian overpass. Bigla na lamang matatagpuan ng pedestriano na nasa gitna siya ng highway. At para makatungo sa sidewalk, kailangan niyang tumawid sa mismong highway. Saan ka nakakita ng pedestrian overpass na hindi ka ilalapag sa sidewalk? Na kailangan mong tumawid ng ilang lanes para makatungo sa overpass, makatawid o makapag-antay ng sasakyan?

At itong stasyon ng antayan? Sa pagpasok, halimbawa, sa Don Antonio, mayroong itinayong stasyon para sana sa pag-antay ng jeep. Permanente itong struktura kaya kahit hindi ginagamit, nakaharang sa daan. At mayroon pang isa sa susunod na pedestrian overpass na, dahil sa tumal ng dumadaan, ay wala ring silbi sa nakakaraming mamamayan.

At mismong pedestrian overpass ng MMDA ay hindi akma sa sukat. Hindi nga ba’t klepto ang MMDA sa paggawa ng highway? Parang mauubusan kaya, tulad sa Quezon Boulevard, ay walang katapusan ang pagpapalawak ng kalsada? Pero ang tinayo nila mismong overpass ay hindi akma sa sukat ng pinalalawak na kalsada. Bigla na lamang, sa kalagitnaan ng pagmamaneho, kapag nagilid ka, kailangan mong huminto dahil ang lane ay nahaharangan ng akyatan ng overpass.

Hindi pa isinasaalang-alang dito ang walang ugnay na kulay na pink at blue! Doodles na linya, doodles na konstruksyon. Bakit ang turing ni Gloria Arroyo, ang pumili kay Fernando, at sa MMDA ay spoiled brat? Kung ano ang maisip, yon na. Hindi ako magtataka kung ilang buhay na ang nawala dahil sa experimentasyon ni Fernando at MMDA.

Hindi rin ako magtataka kung ilang milyon na ang natatapon ng MMDA sa ngalan ng experimentasyong ito. Pasaway ang MMDA at si Fernando. At dahil hindi sila sinasaway, hindi ba’t ang pinakamalaking pasayaw at spoiled brat ay mismong si Arroyo? Na siya mismo ay walang rhyme or reason sa kanyang pagmaniobra sa kanyang mga kaso kundi ang tanging proteksyon ng kanyang interes na makatapos ng term, at lampas pa rito?

Kung pinapaligiran ang Reyna Pasaway ng lupon ng pasaway, ang pamumuno ng MMDA, ni Fernando at ang bosing nitong si Arroyo ay may pagturing ng kagandahan (pa-pogi sa kaso ni Fernando). Ibig sabihin, tila utang na loob pa ng mamamayan na sila ang namumuno sa kung anong old old west na kalakaran! Pasaway ang pambansang kalakaran ng administrasyon at serbisyo publiko.

At dahil sa continuity ng imeldific na proyekto ng diktaduryang Marcoses, necessarily ay megalomaniac din ang sumunod na henerasyon ng namumuno. My gad, hindi pa ba tayo nasusuka sa mga higanteng tarpaulin ng kanilang mga mukha bilang may-akda at awtoridad ng proyektong itinataguyod? Lalo na itong phinoto-shop na tandem nina Arroyo at Fernando sa ika-30 anibersaryo ng MMDA at ang kondensasyon ng mga proyekto ng urban renewal sa iba’t ibang nagdarahop na espasyo?

Hindi minamaneho at tinatawid ang Commonwealth Highway, binabaybay ito. Biglang liko, biglang pihit, biglang kaskas para makaabot sa unang kanto, biglang preno. Biglaan ang reaksyon ng mga tao sa pasaway na administrasyon. Pabigla-bigla pero napapasunod, gayon pa man. Kaya turing sa ganitong pagbaybay ay machismo. Kailangang umarangkada, biglaan at tiyak dapat ang pihit. Hindi pwedeng magpabandying-bandying.

Buhay mo at ng mga pasahero ang nakasalalay sa maling pihit, arangkada at preno. At itong pabigla-biglang pagsunod ang siya ring nagtatakda ng pag-aalay sa pang-araw-araw ng mga individual na buhay sa ngalan ng pasaway na administrasyon. Ang mga mamamayan ang sinasaway pa nga sa maraming pagkakataon—hinuhuli ng MMDA, pinagagalitan ni Fernando, at hinahagupit ni Arroyo.

Walang brilliance ang doodles, at ang pagiging pasaway. Kaya dapat ay mas malaking bigwas ang itaya ng mamamayan at kilusan para mabawasan, kundi man, mapatalsik ang pasaway na administrasyon. Sa kaharian ng mga pasaway, kailangang maging mas malaking pasaway ang mamamayan.

Advertisements