Makabayang pagbabago, Pasintabi Column, Pinoyweekly.org

by rolandotolentino

img_6838

img_6414

imahen mula sa http://www.arkibongbayan.org/2009/2009-04-April16-Makabayan/makabayanlaunch.htm

Makabayang pagbabago

Dumalo ako sa pagtatatag na asembleya ng Makabayan noong Abril 16, 2009. Formal na pagtitipon ito ng mga progresibong partylist ng Gabriela, Bayan Muna, Anakpawis, ACT Teachers Partylist, Courage Partylist, at Kabataang Pinoy. Pag-abante ito sa parliamentaryong pakikibaka ng progresibong kilusan. Konsolidasyon ng mga tagumpay, at higit pang pagpapalakas sa natamo nang antas ng parliamentaryong pakikibaka.

Gusto ko ang ganitong pagtitipon sa kilusan. Hindi para magprotesta o maningil sa estado, kundi magpugay sa sarili sa mga nakamit nang tagumpay. Na nililigwak man ng estado—marami sa mga politikal na pagpaslang ay mga kasapi ng partylist, kasama pa ang paratihang pagsasakdal, pati pagkulong sa kaso ni Satur Ocampo at Crispin Beltran, sa mga representante ng mga partylist.

Magaan ang pakiramdam. Nandoon ang mga nakakatandang manunulat at kritiko na dumadalang nang makita sa publiko, sina Alice Guillermo, Elmer Ordonez at Gelacio Guillermo. Nandoon din ang mga batang aktibista, sina Vencer Crisostomo at Alvin Peters. Nandoon din ang dating mga estudyante ng UP na nag-fulltime na sa pag-organisa ng batayang sektor.

Bagamat masaya ang pangkalahatang paligid, natatangi ang Gabriela Women’s Party. Magkakasama sila sa mga hanay ng upuan. Handa sa periodikong pagkilala sa kanila at kanilang pamunuan. May lilang mga lobo at headdress, maingay, fiesta pero hindi trapo. Tunay namang marami ang nagbuhos ng kanilang pawis, dugo at buhay para sa mga nakamit na tagumpay sa parliamentaryong larangan.

Sa aking sektor, ang sektor ng mga guro, natuwa ako sa dami ng gurong dumalo sa okasyon. Maraming taga-QCPSTA (Quezon City Public School Teachers Association) at mga chapter ng ACT (Alliance of Concerned Teachers). Bagong arena ito ng pakikibaka sa aking sektor, at maganda itong pambungad na paglahok at pagtanggap ng kanyang kasapi.

Na katuksuhan na rin ang mga kasapi ng Kabataang Pinoy hinggil sa pagkahati ng boto. Siempre ay wala namang gayon. Ang totoo ay mas masaklaw nga ang net na pangkabig ng boto sa mga sektor. Isipin na lamang ang bilang ng guro sa bansa, maging ng estudyanteng nakakaboto (nagrehistro na kaya sila?), at maganda ang posibilidad.

Ang parliamentaryong pakikibaka ay tinitignan na sekundaryo sa kilusang masa. Na dinadala nito ang isyu at kampanya ng kilusang masa, kaysa nagpapadala ito sa kilusang masa para sa kanyang isyu at kampanya. Tunay na kinakailangan ng pasensya biskwit sa ilang beses na pagpasok sa Batasang Pambansa at tumunghay sa mga sesyon. Mabagal at lantarang ang palitan ng pabor.

Maraming absent, maraming bulungan, maraming pagpapapogi, at projek para sa ganda points, maraming politikahan. Mayroon ibang sensibilidad at kalakaran itong larangan. At dito pa lamang ay binabati ko na ang magigiting na kongresista mula sa hanay ng progresibong partylist. Tunay na mahaba ang inyong pasensya sa kalakarang tunay na elitista (wika ng abugasya at Ingles ang kalakaran sa Batasan), at talas ng talino na makapanghatak ng iba pang kapanalig tungo sa progresibong layunin.

Gusto ko ang pangalang “Makabayan” hindi lamang sa sinasaad nito nasyonalistikong layon sa isang banda, at sa pagpopook ng sarili sa ugat na pinagmulan sa kabilang banda. Gusto ko ito dahil pang-araw-araw din itong ginagamit sa panaderia.

Nang tumungo kami sa relokasyon ng maralitang tagalunsod sa Montalban, ang marami sa mga kasama kong estudyante ay piniling bumili ng bagong lutong tinapay na ang pangalan din ay “Makabayan” kaysa kumain sa mga karinderya sa labas ng bahay. Kulay dilaw hanggang kayumanggi ito, lalo na kapag tostado. Ang kakatwa sa Makabayan ay hugis sombrero ito. May umbok na pataas sa gitna.

Tumikim ako nang alukin ng isang estudyanteng haping-happy sa kamurahan ng tinapay. Manamisnamis, tulad ng maraming tinapay sa panaderia pero may kahalihalinang maantang lasa. Simple pero sa praktikalidad ng mga bagay sa kulturang Filipino, mahalagang nakakabusog.

Simple ang seremonyas sa paglulunsad ng Makabayan, pero nakakataba ng puso. Na sa mga buhay na nasawi, sa pawis at dugo ng mga kasama sa pagsulong sa bagong larangan at sa pagpapalawig ng mga nakasanayang daluyang ng kilusang masa, nandito pa rin tayo, lumalawak, lumalaban.

Advertisements