Relokatis, Pasintabi Column, Pinoyweekly.org

by rolandotolentino

picture-339

picture-341

Relokatis

Ironiko ang tawag sa kanilang lugar sa Montalban, Rizal—Kasiglahan Village. Hanay-hanay ang mga konkretong bahay na tig-iisang palapag. Mas marami kaysa mayroon ang walang pinta. Marami pa rin ang walang sariling pintuan at jalosi sa bintana. Kanya-kanya raw itong kabit, kung hindi makakapag-antay sa mahabang nakapila.

Relokatis ang tawag sa kanilang inilipat dito sa kapatagang pinapalibutan ng magagandang bundok ng Rizal. Para itong ‘bakwet sa evacuees o internal refugees na napilitang lumikas sa kanilang lugar dahil sa operasyon ng militar. Mga bagong salita na hindi pumupwesto sa patimpalak ng “Salita ng Taon” ng UP dahil hindi naman pambansa at gitnang uri ng saklaw ng bagong termino.

Dati silang squatter sa Metro Manila. Dinemolish ang tirahan nang gayun-gayon na lang. Nakatira sa riles o sa bagong tatayuan na gusali at mall. Binawi na ng pamahalaan ang kanilang lote nang higit na mapakinabangan ng malalaking negosyo at serbisyo. Karamihan, tulad ng bagong sistema ng tren, ay nasasangkot sa kaso ng malakihang korapsyon.

Dito sa kanilang bagong tahanan sa Montalban, malayo sa kanilang pinagtratrabahuan. Marami ay manggagawa sa konstraksyon na periodiko lamang ang trabaho at sweldo. Marami pa rin ang nagtratrabaho sa Manila. Nagbobote, tulad ng isang lider ng komunidad. O tulad ng asawa ni Tere, arawang umuuwi sa pamamasada sa Makati.

Lampas isang daan kaagad ang pamasahe patungo at pabalik dito. Marami ay umuuwi kapag tapos na ang kontrata, o lingguhan na lamang. Para makatipid, dahil ikatlong bahagi na ito ng kanilang arawang sweldo. Ang tanging empleyo ng marami rin dito ay ang tambakan sa Rizal. Nangangalahig ang marami sa taga-rito.

Ang halaga ng bahay ay P165,000, na may interes at 30 taon ang bayaran ng tig-P500 bawat buwan. Walang ilaw sa kalsada kaya kapag gabi ay libreng nakakapaglipana ang gangs dito. Marami rin ang kaso ng rape, na hindi nareresolba. Pati patayan ay madalas din sa lugar na ito, kahit malapit lang ang stasyon ng pulis.

Sampung libo ang pamilyang ganito ang lagay sa Montalban. Kapag tatlong magkasunod na hindi nakabayad, maari nang remitahin ang bahay. Marami rin ang bahay na hindi pa nareresolba ang pagmamay-ari. Upa ba ito o hulog sa bahay at lupa? ito ang hindi masagot ng National Housing Authority sa mga taga-rito.

Kaya marami ay nagiging pedicab driver dito. Nagtitinda kapag may puhunan o nagmamay-ari ng beauty parlor at iba pang negosyong nakabase sa kani-kaniyang bahay. Ito ang mga nakakaangat sa Kasiglahan. Marami na rin ang nakapasok na hindi dating squatter sa Metro Manila. Maraming bahay ang may ikalawang palapag na. May building na rin sa pangunahing kalsada. Marami na rin ang nagiging biktima ng sindikato rito.

Maraming nangangariton ang lingguhan na nga lang umuwi. At kapag napunta sila sa Manila, ang kariton ang kanilang nagiging tahanan. Sabi nga ni Tere, mabuti pa nang squatter sila sa San Andres Bukid dahil malapit sila sa trabaho. Tahimik doon ang buhay. Nang mapunta sila sa Montalban ay para na lang silang namumulubi.

Wala na silang kuryente. Kailangan nilang magbayad ng backlog sa upa o hulog. Hindi sila kakabitan ng Meralco kapag wala itong sertifikasyon. Tatlong anak niya ay nakatengga sa kanilang bahay. Kapwa nag-endo na (end of contract). Ang kanyang asawa na lamang ang kumikita sa pamamasada. Mahina ang kita ng pagmamaneho dahil mataas ang upa sa dyip, mahal din ang diesel, at tila mas kaunti ang sumasakay.

Kaya ang take-home na lamang ng asawa ni Tere ay P350. At dito nga, P150 ang balikang pamasahe. Ngayon ay ang inuuwing pera ay pambayad na lamang sa utang ni Tere sa mga kaibigang kapitbahay. Pambili ng bigas. Ang kanyang kapitbahay ay may malaking bote ng bagoong, pang-ulam kapag walang ulam. Madalas din ay pinaghahatian ng pamilya ang instant noodles bilang ulam.

Marami ang may sakit na UTI (urinary track infection) dito dahil mataas sa asin ang inuulam. Kasama rito ang isa sa anak ni Tere. Kapupunta lang nila sa doktor ilang araw bago namin siya makipagkwentuhan. May infirmary, pero kanya-kanyang pagasolina sa ambulansya kapag may emergency. May doktor pero ipinapasa rin sila sa mas malalaking ospital. Bawal ding ma-confine sa infirmary.

Bago sila lumikas sa kanilang tinutuluyan sa Metro Manila, pinangakuan sila ng gobyerno ng bahay, kuryente, tubig, ospital, paaralan, at iba pang institusyon ng serbisyo publiko sa kanilang lilipatan. Walong taon matapos una silang lumipat sa Kasiglahan, tunay na nananamlay ang marami sa kanila.

Silang dating squatter sa Manila ay ngayon natatagpuan ang sarili na muli uling nagiging squatter sa kanilang nilipatan sa Montalban.

Advertisements