There they go! politikang tarpaulin, Kulturang Popular Kultura Column, Bulatlat.com

by rolandotolentino

img_0488

img_0493

imahen mula sa  caparino.wordpress.com/…/

There they go! politikang tarpaulin

Matagal nang nagsimula ang eleksyon sa bansa. Hindi na inantay ng mga politiko ang May 2010. Ang nasa batas ay 90 araw ang campaign period. Pero ngayon pa lamang, o mas nauna na nga, matagal nang nagsimula ang eleksyon. At ang pangunahing behikulo nito ay ang teknolohiya ng tarpaulin.

Sa relatibong kamurahan nito, dagdag pa ang tagal nang panahon na hindi ito masisira, naging adbentahe ng tarpaulin na maging media-of-choice ng mga politiko, lalo na sa grassroots. Ang pambansang politiko ay kayang bumili ng ads sa diyaryo, at ikubli sa panawagang environmental, peace-and-order, at tulong sa pabalik na OCWs na komersyal sa telebisyon. Kaya rin nilang bumili ng mas malalaking tarpauling sinasabit sa billboard o harap ng kanilang mga pinapagmay-aring establisyimento.

Ang politiko—mula kagawad hanggang representatibo—ay gumagamit ng tarpaulin para sa kasalukuyang tagong pangangampanya, bilang paghahanda sa lantarang pangangampanya sa Pebrero 2010. Una ay sa kawalan ng relatibong kumpetisyon sa campaign materials dahil nga ito ay nasa inisyatibong yugto pa lamang ng kampanya. Marami ay testing balloon pa lamang kung tunay na lilipad ang pinupuntiryang posisyon sa 2010.

Kaya walang tapalang nagaganap. Hindi ito tulad ng papel na ino-operasyong dikit na madaling matapalan ng iba pang kandidato. Hindi rin naman ito operasyong pinta sa kalsada, na marumi at bulgar na tignan, lalo na sa edad ng Metro Guwapo ng MMDA. Ito ay tarpaulin na may gitnang uring panuntunan—ang mukha at ngalan ng kandidato na bumabati lang naman sa okasyon ng pasko, bagong taon, valentine’s day, graduation, holy week at bakasyon.

At ito ang ikalawang punto, ang gentrifikasyon na nagaganap sa kampanya ng politiko. Hindi ito hardsell na dinadaan sa dami, at tahasang agresibo sa pangangalandakan ng lalim ng campaign coffers. Ito ay gentile o astang maykaya dahil nga hindi tuwirang humihingi ng boto kundi nagpupunla lamang ng alaala ng politiko sa kamalayan ng botante.

Bago pa man maging politikal na hayop ang kandidatong politiko, nagiging tao muna siya sa mata ng nakakatunghay. Bakit naman sasama ang loob mo sa taong gusto lamang bumati sa okasyon na nakagradweyt ang anak mo, o sa pagbati sa araw ng mga puso? Tao lang naman sila, at nagiging makatao sa kanilang pakikitungo sa botante at prospektibong botante.

Tutal, ito pa naman ang okasyon na wala pang napipiling kandidato ang mga botante. Bukas pa sila sa sinumang makakadulog at antig sa kanilang puso. At bahagi nga ng apila sa puso ang politikang tarpaulin. Nagkakaroon ng mukhang marangal, halimbawa, si Herbert “Bistik” Bautista, at nagiging marjinal ang “Vice” at matingkad ang “Mayor” bilang aspirasyong pampolitika sa 2010. Ngayon pa lang, astang meyor na si Bistik.

Kasabayan nito, kanya-kanya ring pagpapapogi ang mga anak ng kasalukuyang meyor ng Quezon City. Ang babae ay kasama si Sonny Belmonte na bumabati sa kapaskuhan. Ang lalake naman ay nakaamerikana—hello, Jose Rizal ba tayo na naka-winter jacket sa Luneta?—at may sariling tagline rin. Para saan ang pamomosisyong ito?

May dalawang implikasyon ang kasalukuyang gamit sa politikang tarpaulin. Una, tunay na itinatakda ang dalawang panahon sa bansa. Hindi ito tag-ulan at tag-init. Ito ay eleksyon at paghahanda sa eleksyon. Ang klima ng politika sa bansa ay nakatuon, tulad ng pagtuon ng mga musmos sa kapaskuhan, sa anxiedad ng inaasam, na matutunghayan lamang sa panahon mismo ng eleksyon. Pero kabaligtaran ang introspeksyon. Sa musmos sa pasko, naging mabuti o masama ka ba sa buong taon, at ang umaga ng kapaskuhan ang moment of recknoning.

Sa politiko, ang introspeksyon ay palabas, nakapagtamasa ka ba ng sapat na yaman para maging makabuluhan ang tsansang manalo sa eleksyon? Sa nagsisimulang politiko, may sapat na yaman ka ba para makapanghimok ng botante sa iyong pabor? Sa mga kasalukuyang politiko, nakapagpayaman ka ba—finansyal at mga marka nito, tulad ng patayo ng baranggay hall at basketball court, pagkumpuni ng kalsada, at bagong klasrum sa iyong constituency, na inaanunsyo ang preparasyon at accomplishment ng tarpaulin—para muling makapanalo o makapagmaniobra ng piling manok, kung sakaling hindi na muling makatakbo?

Ikalawa, dahil ang politikang tarpaulin ay panghihimok sa klima ng eleksyon, ito ay paglikha ng politikal na animal sa hanay ng mamamayan. Ibig sabihin, lumilikha ng kultura ng dependensiya ang mamamayan sa politikong tumatakbo para sa mga pang-araw-araw na aspekto ng kanilang buhay. Para makabati ka ng “Happy Graduation” ay may natulungan ka man lamang na mga mahihirap na estudyante na maka-graduate. Para makabati ng “Happy Vacation” ay may programa ka man lang ng paliga sa basketball o Santacruzan para masabing happy nga ito.

Kung gayon, ang daluyan ng rekurso ng mahihirap para sa mahahalagang petsa at panahon ng kanilang kolektibong buhay ay sa pamamagitan ng mga politikong tumatakbo. Ang mga politiko ang nagbibigay ng dimensyon ng publikong buhay sa mamamayan. Kung walang politiko, ang rekurso ng mamamayan ay sa pribatisadong gawain, tulad ng malling, panonood ng sine, pagpi-picnic sa malayo-layong lugar, at iba pa na nilalahukan ng sariling gastos.

Ang mga anunsyo ng politikong tarapaulin ay may handog na serbisyo publiko—tuli sa sa isang kongresistang babae sa Manila, at fireman’s hotline sa isang politiko sa Quezon City na tunay na may silbi sa panahon ng malaking apoy sa tag-init, halimbawa. Kaya, lampas sa pana-panahong pagbati sa mga okasyon, ang nakakapagpalapit sa puso ng prosektibong botante ay ang konkretong aspekto ng serbisyo publiko, bilang ehersisyo sa eleksyong makakapaghalal at makakapagpanatili ng kandidato.

Kung gayon, namamatron ang politiko sa mamamayan bilang kanyang nabibili at napapaborang kliyente. Ito ang sistemang patronahe, na tulad sa relihiyosong gawi, ang pagdulog sa santong patron (hindi ba’t ang bawat santo ay may kanya-kanyang partikular na dulog: patron ng manggagawa, magsasaka, nawalan ng pag-asa, para sa mabuting panahon, at iba pa), na by chance, at ito ang mahalaga, tsamba-tsamba, ay nakakapagpadaloy ng katuparan ng aktwal na hiling, o aspekto man lamang nito.

Ang mga politiko sa lokal na antas ay walang grandeur na ipapangako. Ito ang puwang ng pambansang politiko—matatag na republika, Philippines 2000, para sa mahirap, at iba pa. Ang mga lokal na politiko ay simple lamang, pagpapader, paglilinis ng estero, gamot, pangmatrikula, at iba pang may direktang paglahok sa mamamayan. Kaya tuli-mode, o fire prevention at sports fest, mga summer activity, ang dulog nito dahil may kongkretong tugon ito sa mga kahilingan ng mamamayan.

At siempre, maalaala ng ina at ng kanyang anak na lalaki, kung sino ang naging sponsor ng kanyang tuli sa tanang buhay niya. O ang nagpa-covered court sa basketball-an para hindi lubos ang init sa liga. Nandoon ang pangalan at imahen ng politiko, nakasulat at tarpaulin man iyon. Nandoon, lalo na kapag hindi nakasulat, dahil sa personalisadong dulog nito. Ang kapangyarihan ng politikong tarpaulin ay tulad ng anumang manifestasyon ng internalisasyon ng aktwal na kapangyarihan: kahit wala ang tarpaulin, napapasunod (napapaboto sa politiko) pa rin ang mamamayan.

Ang reverence ng mga nag-donate ng silya sa simbahan o sa pagpapabakod nito, na permanenteng nakalikok ang pangalan ng mag-asawa at ng kanilang pamilya sa likod ng silya at harap na bakod ng simbahan, ay nag-aanunsyo ng pangalan ng pagiging mabubuting patron. Ang tarpaulin na nakasabit sa linya ng kuryente ay may kahalintulad na devotion. Kuryente ang batayang serbisyong tinatamasa sa domestikong lunan.

Ang asosiasyon ng tarpaulin, ang awtor ng pagbati at anunsyo, sa kable ng kuryente ay tulad ng asosiasyon ng pangalan sa silya at pader ng simbahan. Dinadambana ang patron, ang dahilan kung bakit may nauupuan ang nagsisimba, kung bakit protektado ang ari-arian at interes ng simbahan. Sa politikang tarpaulin, dinadambana ang asosiasyon ng patron sa serbisyo publiko, kahit pa hindi naman ito aktwal, kahit pa may kaakibat na peligro ang literal na pagsabit ng tarpaulin sa kable ng kuryente.

Kung hindi sustenido ang politikang tarpaulin, wala itong halaga. Hindi magiging tao ang politiko. Na kailangan niyang maging tao para makapanghimok ng boto sa may aktwal na abang lagay na mayorya ng kanyang constituency, ang politiko ay bababa sa antas ng pagiging tao para lamang maging “extra-ordinaryong” tao sa katawan ng pagiging aktwal na politiko.

At ang pakitang gilas ng Meralco at MMDA na baklasin ang mga politikang tarpaulin ay para lamang matanggal ang asosiasyon ng figura at serbisyo publiko ng politiko. Sa antas lamang na kitlin ang panganib sa sunog ng mga ito. Kaya kung tulad ka ni Bayani Fernando, na lumikha ng sariling infrastruktura ng exklusibong kabitan ng tarpaulin, o si Arroyo na nagpapasabit ng tarpaulin sa lahat ng pinondohang proyekto, lahat ng iba pang gumagamit ng teknolohiya ay masasabing walang lehitimong batayan.

Bawat politikong tarpaulin, tulad ng ad na pangunahing gamit nito, ay naghahanap ng politikal na lehitimasyon. Kaya nga nagpapatarpaulin ang politiko, para maging lehitimong politiko. At tulad ng bombardment ng materyales sa panahon ng eleksyon, kung sino na lamang ang may memory recall—ang matunog, mabango, kilala–ang siyang mahahalal. Ibig sabihin, ang tarpaulin ay deodorant lamang ng politiko para pagtakpan ang alingasngas ng baho ng pagiging politiko sa bansa.

Na walang pinagkaiba ang politikal na tarpaulin sa tarpaulin ng negosyo—nanghihimok ng solusyon gayong sintomas din ng mas malakihan at bottomless na kakulangan ng individual at bansa ito.

Advertisements