Krus na Ligas (Pasintabi Column, Pinoyweekly.org)

by rolandotolentino

krusnaligas

summerfun-1

imahen mula sahttp://media.photobucket.com/image/krus%20na%20ligas/annpablo/krusnaligas.jpg

Krus na Ligas

Ibang mundo ang Krus na Ligas, sa laylayan ng kampus ng UP.  Siksikan sa tao, sasakyan, tirahan, at mga building na naglalakihan para sa mababang gitnang uring komunidad, ang Krus na Ligas ay sabayang kontest sa soberenya ng taumbayan na nakakapagtatag ng individual at kolektibong buhay sa lunan na ito sa isang banda, at paglalatag ng lokal na pagkamamamayang alinsunod sa pamahalaan at politiko ng Quezon City sa kabilang banda.

Ang tampok na landmark sa lugar ay ang arko.  Ito ay nasa harap ng CP Garcia, puti at matayog-tayog ang arko.  Sa paanan nito nagsisiksikan ang mga pwesto ng mani, goto, fried chicken at iba pang makakain, at tindahan at mga karinderya sa magkabilang bahagi ng kalsada.  May sarili itong talipapa para sa wet produce.  Nandito rin ang tricycle na pangunahing sasakyan paloob at palabas sa lugar.

Ang tampok na nagpagitnang uri sa lugar ay ang mga kawani ng UP na naninirahan doon.  Pati na rin ang mga estudyanteng nagbo-board sa komunidad sa ngayon ay nagtataasang mga building doon, apat hanggang limang palapag, ay nakatahi rin ang mga serbisyong inaalok sa komunidad:  internet café, tindahan ng pagkain, grocery, at siempre, inuman.

Ang Sara’s ay nandito rin sa bukana ng arko.  Ito ang ofisyal na inuman sa kampus.  Ilang beses na itong naipasara sa bisa ng ordinansyang nagbabawal ng malapit na proximidad ng inuman sa eskwelahan, pero parati pa rin itong nagbubukas at lumalakas muli.  Ang isang indikasyon na binubulong ng mga umiinom dito, karamihan nga ay mga estudyante at guro sa UP, ay ang dami ng kotse, marami ay bago-bago, ng may-ari sa driveway nito.

Walang pretensyon ang Sara’s na magarbo itong inuman.  Sasalampak lang ang iinom ng monoblock na silya na wala pang sandalan sa pwesto-pwesto sa garahe at teresa ng establisyimento.  Kanya-kanyang order ng beer, kanya-kanyang bantay ng tab at bill na hindi ma-double charge, kanya-kanyang hanap ng pulutan.  Pwedeng umorder din sa Sara’s o bumili ng isaw, mani at balut sa karatig-tindahan.

Kapitbahay ng Sara’s ang bistro na may pretensyon pang healthy.  Kaya rin naman relatibong mahal ang mga vegetarian dishes, pati na rin ang kape at dessert.  Ito ang Likha Diwa na mistulang art haven sa komunidad.  Exklusibo ang lugar sa mga exhibit at performances, sa nakakapagbayad lamang.

Kaya ang batayan at sobrang yaman ng mga estudyante ng UP ang nagpapagitnang uri sa Krus na Ligas (KNL for short, na katawagan din kay Jun Cruz—imbes na Reyes na pangalan ng kilalang manunulat at tambay sa lugar—na Ligas).  Hindi kasya ang populasyon ng estudyante—karamihan din ay nanggaling sa mababang gitnang uri—sa mga dormitoryo ng kampus.  Kaya marami sa kanila ay dito naninirahan habang sila ay nag-aaral, maging kahit na sila ay nagsisimula pa lamang magtrabaho.

Kung ang mga estudyante ng Ateneo de Manila University ay nagbo-board sa high-end na condos at apartments sa Katipunan at karatig-lugar (maliban sa mismong KNL), ang mga sobrang estudyante ng UP ay nandito sa KNL.  Ito rin ang isang tagong bukal ng tensyon sa komunidad:  marami ay hindi nakakapasok sa UP.  At ito rin ang ipinapaalaala ng mga maykaya at pribilihiyadong estudyante ng UP na nakatira sa KNL.

Nananaturalisa lamang ang presensya ng mga taga-UP dahil dito rin naninirahan ang mga pamilya ng kawani ng UP.  May relatibong bilang sa kanilang mga anak ang nakakapasok sa UP.  Sila ang may lehitimong claim sa mga seksyon ng KNL kahit pa tunay nang napasukan ito ng iba’t iba pang uri ng mamamayan.  Nandito ang mas abang uri, pati na rin ang lumpen na uri, OCW na pamilya, maging ang nakaangat na sa mababang gitnang uri pero, dahil sa katipirang mamuhay sa KNL, ay hindi na lumisan sa lugar.

Ang ligas ay isang parasitikong halaman na may nakalalasong dagta at dahon.  Sino ang parasitiko sa lugar?  Ang kalakhan ay walang titulo kahit pa nabebenta ang rights sa mga lupa.  Ang lahat ay nagnanasang bumuti ang kanilang buhay, sa tulong man o wala mula sa lokal na pamahalaan.  Ang lahat ay temporaryo lamang dapat sa lugar.

Ang mga matataas na building, tindahan at labandera, maging droga at hada sa KNL, kalakahan ay laan sa sobrang populasyon ng mag-aaral ng UP.  Silang matagalang nakatira ay nangangarap na lamang—kundi man tanggap na hindi–na maging lehitimong sabjek ng pangunahing state university ng bansa.  At silang mga sobra—kalakhan ay galing sa probinsya, hindi natanggap sa dorm pero hindi kaya ang mahal na boarding sa karatig villages—ay nangangarap din naman na makaalis sa lugar.

Sa loob ng KNL, ang pangarap ay umangat at makalabas.  Para sa marami, temporaryo lamang na tahanan ang komunidad.  At sa mga nakalabas, ang mga landmark ng komunidad ay periodikong binibisita bilang integral sa formasyon ng sarili sa lilim at laylayan ng UP.  Habang hindi lumalabas at dumadami ang sobrang estudyanteng naninirahan sa komunidad, maging ang pamilya at iba pang dayo sa lugar, unti-unting nagiging gitnang uri ang infrastruktura ng pagkamamamayan at individual.

Kahit pa ang pisikal na espasyo ay hindi kayang lampasan ang historikal na puwang ng lugar.  Hindi na pwedeng palawakin ang kalsada, magsisiksikan at magsisiksikan ang mga sasakyan, tao, tirahan at building—pahiwatig na sa kasalukuyang dispensasyon ng politikal at ekonomiyang kapangyarihan, matumal kaysa madalas, ang mga posibilidad ng pag-aangat ay lubhang napakalimitado, kundi man nakasiksik sa napakaliit na lugar.