Lakan ng Parokya 2009 (Kulturang Popular Kultura Column, Bulatlat.com)

by rolandotolentino

fili4

posterus9

3033853719_28195a098b

imahen mula sawww.nlbelardes.com/blogger/2006_07_01_bakersf…

www.voy.com/72738/1/

flickr.com/photos/cleevillasor/3033853719/

Lakan ng Parokya 2009

Ito ang male beauty pageant sa pista ng Krus na Ligas (KNL).  Nastandardisa na ang pageants—tig-isa para sa kababaihan, bading, at kalalakihan.  Sa media na lipunan kasi, natutunghayan ang beauty pageant sa telebisyon, mall, billboard, Boracay at iba pang beaches, at heto nga, sa covered court ng KNL.

Magastos ang paglahok dito dahil may apat na costume na kailangang isuot:  fantasy wear, sports wear, summer wear at formal wear.  Kahit pa tiglilimang puntos lang naman ang bawat isa, hindi lamang sa may malaking diprensya sa scoring kung kulang ka ng costume, inaasahan na kumpleto ka talaga.  Hindi ka sasali rito kung wala kang matibay-tibay na sponsor.

Gitnang uri ang panuntunan ng Lakan ng Parokya.  Pinagkagastusan ang fantasy costume na dwende, zombie, tikbalang, taong lobo, engkanto, halimaw at taong-ahas.  Lamang-lupa ang motif ng buong pageant, na na-assign na tema mula sa apat na elemento para apat na tampok na aktibidad sa gabi sa fiesta.  Sa sports wear naman ay scuba diving (“scooba” ang spelling sa programa), airsoft, gold, polo sport, equestrian, arnis at surfing ang tinangkang gayahin ng mga kontestant.

Mamahalin din ang ilang costume sa formal wear, bagamat ang iba ay tumangkang mag-make-do na lamang sa kanilang gamit sa bahay para sa interpretasyon sa suoting formal.  Modest dapat ang mga costume dahil ang parokya nga mismo ang sponsor nito.  Pero konserbatibo man ang costume ay tinilian pa rin na parang matinee idol ang mga kontestant.  Ang kahalayan ay naramdaman ko pa sa ibang portion ng pageant.

Alas-nuwebe ang simula dapat ng kontest.  Alas-dyes ito nagsimula at alas-dos nagtapos.  Sa pagitan ng bahagi ng male beauty pageant ay dance numbers ng mga grupo ng iba’t ibang edad—mula paslit hanggang young adult.  Kaya inabot ng siyam-siyam na hindi naman inantala ng manonood.  Mas mahaba pa nga, mas maganda para sa manonood at kamag-anak na handang magpaumaga sa kontest.

Ang mga paslit na babae ay mahahalay ang giling.  Isipin na lamang si Beyonce na isinasayaw ng mga batang di pa pumapasok sa eskwelahan.  Sa katunayan, isipin na lamang si Beyonce na isinasayaw ng mga paslit na bading.  Effeminate ang mga batang bading.  Ito ang role model nila ng kabadingan.  At marami silang namamayagpag sa male beauty pageant.

Sila ang backup dancers habang isa-isang pinakilala ang mga kontestant.  At kung makapag-sway ng katawan habang nakaluhod na pumupwesto sa mga tagiliran ng lalakeng kontestant, matutuwa ang kanilang mga parloristang lola.  Sa katunayan muli, sponsor sa gabi ang Gay Society kaya ang kanilang presensya ay ramdam sa buong palabas.

Namumutiktik ang tarpaulin sa covered court.  Sisikang lugar ang KNL.  Ang covered court ay bukana ng elementary school, na kabahagi rin ng baranggay hall, opisina ng parish, at ng simbahan.  Malaki ang tarp ni Nanette Castelo Daza na nagyayabang sa “completed project” ng “repair and construction” ng KNL Elementary School.  Multi-purpose hall ang covered court.  Nandito ang K-Man Cup Season 1 para sa Second Interpurok Volleyball Tournament for All Mothers.

May pagbati ng “Congratulations Graduates!” mula kay Atty. Jun Ferrer, “Happy Fiesta!” mula kay Mayor Sony Belmonte, at “P5 akto! na ngayon” mula sa Coke.  High-tech naman si Fely “Inday” Ong, kapitana ng baranggay, dahil naka-LCD ang kanyang picture slideshow kahit pa may tarp rin ito bilang pangunahing sponsor ng gabi.

Mababang gitnang uri ang mga kontestant.  Sa isa sa mga spiel, ang kanilang mga pangarap sa buhay ay maging “successful” nurse at seaman ang anim na kontestant.  Ang isa ay nagsabing maging “famous journalist.”  Kalakhan ay nagsabi rin na ang mga magulang ang kanilang role model, at may isang nagsabing ang artistang si Piolo Pascual.

Pero ang pagsasala ng pagiging gitnang uri ay hindi lamang nadaan sa costume, interview at pagbasa ng kanilang aspirasyon sa buhay.  Nasala ang mga kontestant sa formal na question-and-answer portion ng pageant.  Isa lamang ang katanungan na pinaghirapan pang i-coordinate ng organizers.  Inilagay ang mga kontestant sa isang kwarto sa ikatlong palapag na may aircon.  Isa-isang pinababa para hindi magkarinigan sa sagot.

Ang tanong ay “Dahil ang theme ng gabi ay lupa, paano mo maipapagmalaki an gating lupang sinilangan?”  Tulad ng beauty pageant ng mga kababaihan, lalo na ang televised, dito na nga nagkatalo ang mga kontestant.  Ang iba ay maiigsi ang sagot.  Ang iba ay malalawig pero walang tinutumbok ang mga sagot.  Ang iba ay nasapol ang pagsagot.

May dalawang kontestant na paborito kung pagbabatayan ang tili ng audience.  Ten percent rin ng score ang audience impact.  May tarpaulin pa ang isa na laman ang mga studio shots ng kontestant.  Moreno ito.  Iyong isa naman ay may placards na nag-aanunsyo ng pangalan.  Tisoyin ang isang ito.  Parehong di naputungan ng titulong Lakan ng Parokya 2009 ang dalawa.

Natalo sila ng isang Pinoy ang hitsura, matikas maglakad (ang iba kasi ay kakabinata pa lamang na hindi pa kumportable sa katawan), at may sponsor para sa iba’t ibang costumes.  Matatas din itong nakasagot sa napakahalangang q-and-a portion.  Masaya siya dahil siya rin ang isa sa magiging escort ng isa pang beauty pageant na inaanunsyo nitong gabi—ang Hiyas ng Quezon City.

Ito ang katawang kapital na tampok sa kabataan.  Sa pamamagitan ng beauty pageant—rurok ang pagiging kontestant kahit pa may pagpribilehiyo rin sa mga iba’t ibang edad na may halay sa pagsasayaw—naiinternalisa at normalisa ang kalakaran na paggamit ng katawan para makaangat sa lipunan.  Sa kaso rito, ang lipunan ng KNL bilang representasyon kundi man isang pagkakataon ng ehersisyo ng mediang lipunan.

Na sa isang pagkakataon ay feeling matinee idol ang mga kontestant, kundi man lima sa pito ay magiging Lakan at ang kanyang mga konsorte.  At sa pamamagitan ng katawang kapital na ito, maaring mapaunlad sa panlipunang (sosyal na) kapital.  Dahil ang beauty pageant ay pinopondohan at pinapaligiran ng sponsors—tarp sa politiko, magulang at bading sa gastusin ng kontestant—gamit ang katawan para maka-attract ng mga kakilalang makakatulong sa layunin ng panlipunang pag-angat.

Ang sosyal na kapital ay pangangalakal sa kung sino ang kakilala para maging katulong at kabahagi ng aspirasyong makaangat sa lipunan.  Ang katawan ay sentral sa networking.  Hindi ba’t ito ang dinadamitan—o hinuhubaran—sa beauty pageant?  Ito ang batayan ng score, na sa personalidad (tikas, boses at pakikitungo) ay kayang pabagsakin ang mahalagang q-and-a.

At ipinapaalaala sa manonood ang kasaysayan ng katawan ng Lakan.  Nandoon ang mga dating nanalo, at nagkaroon sila ng pribilehiyong makaakyat muli sa entablado.  Nandoon ang paulit-ulit na pagpapaalaala sa mga sponsor ng gabi—kura paroko, kapitana ng baranggay, dating kapitan, at kung sino-sino pang mahalagang tao sa komunidad.  Nandoon ang pagdambana sa Lakan 2009 at ang kanyang konsorte.

Balita ay mulat ang parish na magtaguyod ng Lakan at ang katumbas nito sa mga babae bilang paraan ng pagrekruta ng paglahok sa gawaing simbahan.  Ibig sabihin, maging ang simbahan ay aktibo sa paggamit sa katawang kapital bilang lunsaran ng sosyal na kapital (hindi ba’t ang “sosyal” ay referensiya rin sa pagiging high class, at kung gayon ay ang substansya ng high society sa produksyon ng kapital?).

At ito na ang mga pagpapahalagang titingalain ng mga henerasyon ng kabataan—paano literal at figuratibong magamit ang kanilang katawan, maging ang katawan ng iba, para sa sariling pag-angat?  Sa isang banda, paano huhulmahin ang katawan para magkaroon ng marka ng gitnang uring panuntunan?  Sa kabilang banda, paano kakasangkapin ang katawan para matupad ang aspirasyong panlipunan?

Dito, hindi lamang tampok ang utak o skills.  Mas higit na tinatanghal ang pisikalidad—dinidispley ang katawan bilang pisikal na lahok sa aspirasyong makaangat sa lipunan.  At sa kitid ng lagusan sa mobilidad sa administrasyong Gloria Arroyo at estadong Filipino, mas kailangang mag-sing-and-dance ang katawan ito para mabigyan ng pansin, kundi man makaapak palampas sa iba pang kumakasangkapan din sa kanilang katawan.

“Ingatan ang katawan,” ayon sa nagtatanghal na machong pagkalalakeng grupo ng Hagibis.  Ingatan para mapagkakitaan.  Ang pag-iingat ay nakalahok sa pagtingin sa katawan sa purong pisikalidad nito.  Nagpapabili sa pinakamataas na bidder.  Na nagpapahiwalay sa nosyon ng katawan sa lakas-paggawa.  Hindi na kailangang may kapangyarihang makagawa ang katawan, kailangan lang ng katawan ng–gitnang uri o purong imahen ng—pisikalidad.

Kaya sa huling pagtutuos, ang dinidispley na costume at personalidad ng mga kontestant ay ang katawang walang kapangyarihan, kundi man sumuko na, sa lakas paggawa.  Katawan ito ng imahen ng katawan mas madaling mabili sa pamilihan ng kapitalismo sa bansang ito.  Mabuhay ang Lakan 2009 sa kanyang pagkahirang, at ang kamatayan ng kanyang kapangyarihang makapag-akda ng konkretong kasaysayan.

Advertisements