Mga oras ng pagkaligalig (Pasintabi Column, Pinoyweekly.org)

by rolandotolentino

4235_1163218042633_1293317554_30454345_7814154_n

PICT0663s

imahen mula sa http://www.arkibongbayan.org

Mga oras ng pagkaligalig

Ito ang bansang ang mga nagsasabi ng katotohanan—“whistleblowers” ang tawag sa ingles—ay nire-restback-an ng mga alipores ni Gloria Arroyo, at ang mga mapayapang nag-aasembleyang magbubukid sa Konggreso ay pinaghihinalaang kabahagi ng destabilization plots at marahas na dini-disperse.

Noong Huwebes, sa forum ng Pagbabago!: People’s Movement for Change, “Trumped-up Charges: Suppressing the Truth and Silencing Dissent,” naging malinaw na ang sistemang kriminal at korte ay kinakasangkapan ng administrasyong Arroyo para makapaghiganti sa kanyang mga kritiko.

Nagmistulang reunion ang forum sa muling pagtatagpo ng ZTE-NBN witness Jun Lozada, may 16 na kasong isinampa; Rez Cortez ng Fernando Poe Jr. Movement na matapos tumulong sa paglalantad ng “Hello, Garci” tapes ay patuloy ang na kumakaharap sa revival ng kaso; Atty. Remigio Saladero Jr. na naging bahagi ng “ST 72” na mga 72 aktibista mula sa Southern Tagalog na kinasuhan ng murder at multiple murder, ngayon naman ay kumakaharap sa kahalintulad na kaso ng “Montalban 62” o 62 aktibistang kinasuhan sa Montalban, Rizal; at Representante Satur Ocampo na matapos maging bahagi ng “Batasan 6” at patuloy na humaharap sa kaso sa Hilongos, Leyte na kamuntik pa siyang i-airlift ditto.

Mapaghiganti ang administrasyong Arroyo at ganito ang ginagawa niya sa mabubuting anak na nagtatanggol sa katotohanan, sa mga nagtataguyod ng karapatang pantao at lumalaban sa korapsyon.  Sistematiko na ang gamit nito sa sistemang kriminal at korte para ubusin ang oras, enerhiya at emosyon ng kanyang kinakasuhan.  Si Randall Echanis ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas ay nananatiling nakakulong sa miserableng kondisyon ng Manila City Jail.

Na tila hindi pa nakakasapat ang may isang libo nang biktima ng politikal na pagpaslang at 200 biktima ng sapilitang pagkawala.  May isang libo ring naging biktima ng tortyur at mga 1,500 na kaso ng iligal na pagkaaresto.  Tunay na nakakaligalig ang panganib at pandarahas sa ilalim ng administrasyong Arroyo.

Nitong Biyernes naman, bigla na lamang nagkalat sa social networking site ng Facebook ang napipintong dispersal ng mga nag-camp-out na magbubukid hinggil sa pagsasabatas ng Genuine Agrarian Reform Bill.  Nakakaalarma ang anunsyo na naging balita na sa notes ng mga tao na dinidisperse na nga ang hanay ng magbubukid.  Kaninang umaga, nang magbukas ako ng Facebook, heto ang tumambad sa akin.

May isang text raw na galing kay Speaker Prospero Nograles kay Representante Ocampo, “Yes satur. All Intel report says that monday will be big rally thats why the camps must be removed per recommendation of house security and police authorities. Sorry partner its beyond me.”

Nandito na sa ating paligid, kundi man matagal nang nandito at dinaranas ang fasismo ng estado sa pang-araw-araw na buhay ng mamamayan.  Dati ay sa mga pabrika sa rehiyon ito ginagawa, o sa mga lugar ng Moro sa Mindanao; kundi man sa kanayunang malayo-layo sa imahinaryo ng pagkabansa sa ordinaryong mamamayang nagmamaan-maangan sa mga karahasan ng estado.

Nandito na ito sa Metro Manila, sa Batasan nga lang, sa pusod ng Quezon City.  Nandito na ito sa puso ng mga biktima ng pagkakaso ng administrasyong Arroyo.  Umiyak si Cortez nang banggitin niya ang pagtungo sa Chinese General Hospital, kung saan naka-confine at nag-aagaw buhay pa si Samuel Ong kinagabihan ng forum.  Inisip ng artista kung bakit ganito ang trato ng sistema sa mga taong nagtaguyod ng katotohanan.  Si Ong ang unang nagsiwalat ng pagkakaroon ng “Hello. Garci” tapes.  Si Atty. Saladero ay nagsabing mainam ang pagtitipon-tipon, naging therapy sa kanya ang paglalahad sa mga kaganapan ng maling paggamit sa katarungan.  Si Lozada naman ay di sumang-ayon sa therapeutic na reaksyon, siya raw ay nagagalit sa trato sa kanya ng administrasyong Arroyo.

Sa oras ng pagkaligalig, sa politikal na persekusyon ng mga tao at mamamayang nakikipaglaban para sa isang makatarungang lipunan, walang tunay na rekurso kundi ang politikal na paglaban.  Magparami ng hanay, paigtingin ang pakikibaka, muling kamtin ang lunan ng camp-out.  Huwag manghina.  At higit sa lahat, magtiwala na sa huling pagtutuos, ang masa at kasaysayan ay nasa likod ng wasto at katotohanan.

Advertisements