Lohika ng Rali
Naitatanong ko sa mga estudyante kung nakadalo na ba sila ng rali. At parati pa rin akong nagugulat na mangilan-ngilan lamang ang magtataas ng kamay para magsabing nakadalo na sila. Iniisip kong ang rali ang isa sa mga check-activity sa UP, kundi man sa buhay-kolehiyo.
Hindi ba’t ito ang exemplaryong aktibidad bilang patunay ng liberal na edukasyon sa kolehiyo’t unibersidad? Kaya nagtatagumpay ang reaksyonaryong edukasyon sa kapasidad nitong ipaloob ang introspeksyon—pumukaw sa sariling pagkatao at individualismo, o gawing personal na justifikasyon ang postmodernismo, pluralidad ng identidad at subject-position para sa individual na proyekto.
Kung papaloob ito, nakokompartamentalisa ng reaskyonaryong edukasyon ang kaalaman sa individualismo lamang. At sa akin, given na ito sa tertiaryong edukasyon. Ano pa ang aasahan kundi sa pangkalahatan, ang kamulatan ay yaong bite-size lamang, madaling nguyain, lunukin at matunawan na kaalaman—mga hindi nakakayanig ng estado poder?
Kaya iniisip kong nandito ang puwang ng aktibismo sa sektor ng edukasyon: ang kapasidad ng politikal na proyekto na mailabas ang panloob na pagpapailanlang ng kaalaman, mailabas ang kaalaman para maging giya sa mapagpalayang pagkilos. Kung hindi inaasahan ang politikal na pagkilos kahit pa sa pinakaliberal na sityo ng tertiaryong edukasyon, ang politikal ay iaasa sa aktibismong peripheral sa mismong tertiaryong edukasyon.
At ang temporal na formasyon ng aktibismo ay ang rali. Ito ang pagpukaw sa damdamin ng mga tao, mag-isip at mapaisip na kumilos sa lambas ng kanilang comfort zone, makiisa sa kolektibong kahalintulad kundi man mas maigting ang lagay sa estadong karahasan at kahirapan. Sa pamamagitan ng mob (mobilisasyon), naisasabuhay ang pag-aaral sa teorya at praktika ng pagkilos at pag-oorganisa.
May kaayusan ang mob, taliwas sa “mob mentality” o ang insureksyonaryong katangian ng mga abang nagkakaisa at nakakapaghasik ng sporadiko at spontanyong paghihiganti sa umaapi, kalakhan ay simbolo lamang ng umaapi (tindahan at katawan ng Tsino bilang representatibo ng lahat ng nagpapahirap na dayuhan sa bansa, halimbawa). Ang mob ay nagsisiwalat ng alternatibong formasyon ng potensyal ng kasalukuyang aktibismo tungo sa hinaharap nito.
Sa mob, nauuna ang mass leaders, sila ang literal na nagdadala ng tarpauling nagbabandera ng call ng pagkilos. Matagal na pinanday ng pagkilos at pag-aaral, pag-oorganisa ang marami sa mga lider. Sila ang mga mukha ng kanilang sektor at ang isyung dinadala ng mga sektor. Sa likod nito ay ang flags ng mga organisasyong kasapi sa rali. Ipinapakilala ng mga nagkakaisang hanay ng bandera ang nagkakaisang hanay ng mga sektoral na organisasyon.
Compo (composite) unit ang madalas ay nasa likuran ng mass leaders. Sila ang mga tagapagtanggol sa mga lider, kung sakaling may maganap na gulo at dispersal. Sila ang pumapaharap sa mob kung sakaling di magkasundo ang negosasyon, lalo na kapag nagsimula nang i-disperse ang mob. Samakatuwid, sila ang nagbibigay-proteksyon sa mga lider, at ang haharap sa mga pulis sa pagkakataon ng dispersal ng mob.
Sa martsa, bawat organisasyon ay nakapaloob sa mga sektor. Kung ito ay pagkilos para sa Mayo Uno, ang bulto ng mob ay ang mga manggagawa, at natural na sila ang nasa unahan ng martsa. Sesegundahan sila ng mga iba pang kaisang sektor: magbubukid, kababaihan, youth, teachers, government employees, health, science, at iba pa. Maayos ang formasyon ng bawat organisasyon at sektor, na magtitiyak nang maayos na formasyon ng mob.
“Buddy-system” ang karaniwang tawag sa sistemang seguridad sa loob ng mob. Ibig sabihin nito, ang bawat kalahok ay may katuwang. Sila ang magtitiyak ng kabutihan at kagalingan ng bawat isa sa loob ng mob. Magkasama sila sa paggawa ng errands (tulad ng pamumudmod ng statement, pagkuha ng donasyon, pagpinta ng calls, at iba pa), sa talakayan, sa pagkakapit-bisig.
Gusto ko ang konsepto ng kapit-bisig. Nagaganap ito kapag malapit na, kundi man nasa poder na nang paggaganapan ng rali. Nagkakapit-bisig bilang literal at figuratibong pagpapakita ng nagkakaisang lakas ng mga kalahok sa rali. Pumupostura ang formasyon na handa ito sa anuman, maging sa dispersal. Parang kadenang di mapuputol ang formasyon kapag nagkapit-bisig.
Natatangi si dakilang filmmaker na si Lino Brocka dahil sa inkorporasyon ng rali sa marami niyang mga pelikula. Sa pelikulang Maynila Sa Kuko ng Liwanag (1975), dinagdagan ni Brocka ng pagpipilian ni Julio Madiaga. Nakabatay ang pelikula sa nobela ni Edgardo Reyes, na seryalisado sa Liwayway mula 1966 hanggang 1967. Sa nobela, walang pagtukoy sa rali bilang representasyon ng kolektibong opsyon sa predikamento ni Julio, at sa kanyang sistemikong pagkasadlak sa syudad.
Dalawa ang inobasyon ni Brocka sa pelikulang ginawa halos isang dekada nang unang lumabas ang nobela sa pahina ng magazin. Una, binakla ni Brocka ang isang modalidad ng pag-angat ni Julio. Sa nobela, hindi pumasok sa massage parlor si Julio. Sa pelikula, nag-sideline si Julio. At sino nga namang piyon ang hindi gagamitin ang sariling katawan, lalo na kung may hitsura katulad ni Julio, para sa sexual-kapalit-ay-pera na temporaryong pag-angat?
Nakatanggap si Brocka ng paglalait mula sa iba pang kasapi ng Agos Sa Disyerto na pakiwari ay binaboy ang obra ni Reyes. At ikalawa, ipinasok ni Brocka ang isang pang modalidad ng pag-angat: ang pagsali sa rali. Naglalakad si Julio sa eksena, walang misyon sa araw na iyon kundi mag-isip at nagawi siya sa kahabaan ng Recto. Tumanghod siya sa nagmamartsang raliyista, at binati siya ng isang kakilala.
Kung tama ang alaala ko, nagkumustahan sila, at para pa nga yatang inaya ng kakilala si Julio. Pero kumukulo na si Julio, kamamatay lang ni Ligaya. Pinatay ni Ah-tek si Ligaya at nag-iisip siya ng paghihiganti. Bawat kabanata ng nobela ni Reyes ay ang unti-unting paglubog ni Julio sa kumunoy ng syudad, hanggang sa huling kabanata, tunay na siyang nilamon ng syudad. Ni kukong laki ay walang nakitang liwanag si Julio.
Binigyan ni Brocka ng liwanag si Julio, kahit hindi nito napansin. At ito ang historisasyon ng individual na kaganapan sa panahon ng diktadurya ni Marcos—na ang rekurso ay hindi ang lumpen na paghihiganti na uulit-ulitin ni Brocka sa Jaguar at Bona. Ang rekursong isinawalat niya, kahit katiting man, ang rali at pagkilos ay magiging lagusan ng sukdulang pagpili sa isa sa mga huling obra ni Brocka, ang Orapronobis.
Dito sa pelikula, ang rali ay hindi na nakakasapat para sa antas ng pang-estadong karahasan at pagpapahirap. Ang pipiliin ng tauhan ay ang pagpapatuloy niyang pagkilos sa kilusang andergrawnd, matapos nang mahabang pagproproseso ng mga panlipunang kaganapan, pati ang pagbibigay ng pag-asa sa rehimeng Aquino.
Matagal nang patay si Brocka, at nakaratay naman si Aquino. Patuloy pa rin ang fasismo at sistemikong pagpapahirap ng estado ni Gloria Arroyo. Tulad ni Marcos, at ang iba pang nagtangkang maghari magpakailanman, nagbabadya si Arroyo nang panibagong pag-aakda sa konstitusyon para magtagal pa ito sa kapangyarihan. At kahit simple ang kahilingan para matinag ito—ang dagdag na bilang ng pinakamaraming katawan sa kanyang dapat ay huling SONA—wala pa rin ito sa bokabularyo ng maraming nagkikibit-balikat na lamang o umaasang iba ang gumawa ng laban para sa lahat.
Ang lohika ng rali ay ang ehersisyo ng pakikibaka sa tagumpay. Sa rali, pakiramdam ko ay para na rin tayong nagtagumpay, malaki man ang bilang o hindi. Nagkakaisang-hanay ang mga individual at sektor, nabubuo ang alternatibong formasyon ng mamamayan laban sa panunupil ng estado. Sa pagkakapit-bisig, dama ko ang pakiwaring tagumpay: hindi man sa aktwal, sa sandali ng kaisahan, na pwede ngang magtagumpay kung patuloy ang paghayo’t pagpaparami.
At ito ang lohika ng rali, kung bakit sa SONA ay lalabas ako ng opisina at unibersidad, tulad ng marami pang iba sa kanilang mga bukid, pabrika, tahanan, at pamayanan, para irehistro ko ang pagtutol sa isang mapanupil na estado, para matiyak, sa pagkakataong ito, na hindi na muling maghari ang dapat ay matigil na ang paghahari. At sa ilang saglit, madadama ko ang kaisahang magbabadya ng pakiwari ng tagumpay sa mas matagal na hinaharap.