Kwento ni Melissa, Pasintabi Column, Pinoyweekly.org

by rolandotolentino

mula sa http://tatayk.files.wordpress.com/2009/05/4542_84309454310_641384310_1665698_546967_n.jpg

4542_84309454310_641384310_1665698_546967_n

Kwento ni Melissa

Kumalat sa internet ang kwento ni Melissa C. Reyes, isang Filipina Amerkano na graduate ng University of California San Diego. Exposuree si Melissa sa Bayan-Central Luzon.

Nagnanais siyang makangalap ng materyales sa kahirapan, gawing nobela sa hinaharap. Laking gulat niya nang ang dumating sa kanya ay lampas sa kanyang inaasahan.

Noong 19 Mayo 2009, habang nanonood ng palabas sa TV sa tanghali, may dumadagundong na tunog at utos sa labas ng pinto ng bahay. Palapit siya nang biglang may 15 armadong sibilyan—may malalaking baril at naka-ski mask o bonnet—ang sapilitang nakapasok sa loob ng bahay na kanilang tinutuluyan.

Nanlaban si Melissa. Balak sanang teypan ang kanyang bibig at posasan ang kanyang mga kamay. Limang lalake ang nanghawak sa kanyang kamay at hita. Ilang beses niyang isinigaw ang kanyang pangalan. Ilang beses din siyang sinapak sa kanyang tagiliran.

Piniringan siya at pinosasan sa loob ng van. Hindi mateypan ang kanyang bibig dahil nagsimula na siyang magsuka. Matapos ng isang oras, tumigil ang sasakyan. Hindi na alam ni Melissa kung nasaan ang dalawa niyang kasamahan, sina John Edward Jandoc at Juanito Carabeo.

Sa loob ng isang kwarto, nagsalita si Melissa na gusto niyang makausap muna ang kanyang abugado. “Walang abogado-abogado dito?” sagot ng kausap. May pagbanta pa, “Malinis ka naming nakuha at alam mo naman bakit ka nahuli?”

Ito ang magiging diin ng ilang araw na paulit-ulit na interogasyon: na si Melissa ay kasapi ng CPP-NPA. Sa katagalan ng kanyang detensyon, si Melissa ay paratihang nakapiring at nakaposas. Inaaninag lamang niya ang mga tunog, tila may konstruksyon sa paligid. May mga eroplanong lumilipad at nagla-landing. May firing range, may regular na putok sa tabi. At paulit-ulit din ang tunog ng mga kambing.

Isang kamang kahoy, walang kutson ang laman ng kanyang selda. Sa interogasyon, palipat-lipat sa karatig-gusali si Melissa. Ipinagkakatiwala siya sa isang Rose. Ito ang naglinis ng suka nang una itong dumating, naghahatid ng kanyang pagkain, at napapag-utusan ng mga kalalakihan.

Ang isang tinatawag na “Tatay” ang una niyang torturer. Iaangat siya habang siya ay nakaupong sposisyon, at hahagupitin siya ng kamao nito sa mataas na bahagi ng dibdib, at ang isang daliri ay mariing sumasakal sa kanyang leeg. Hindi siya makahinga. Paulit-ulit ito, pati ang tantyadong oras ng pagtanggal ng daliri sa leeg.

Magaan ang kanyang mga tulog sa gabi. Gusto ni Melissa na alalahanin ang mga oras kahit parating may piring. Patuloy ang interogasyon at torture: “Handa ka bang mamatay?” “Bago namin patayin ang isang tao, mapapaihi at mapapatae muna namin siya.”

Inulit ang pagsuntok sa kanyang dibdib at magsakal sa leeg. Inulit din ang suntok sa kanyang panga, may matiniis na tunog sa loob ng kanyang tenga. Hinawakan ang kanyang ulo ng dalawang kamay ng torturer, at iuuntog ang kanyang ulo sa dingding. “Ayaw mo pa din magsalita?” At muli siyang susuntukin sa kaha ng kanyang dibdib.

Walang patlang ang interogasyon at torture. Mayo 21 na. Iniba ang taktika. Ang kausap na niya ay si Dex, isang “kasangkapan ng Diyos para magbagong buhay ang ang rebelde.” Tinanong siya kung naniniwala siya sa Diyos. Ang sagot niya ay hindi siya naniniwala sa diyos na sumasang-ayon sa torture. Binigyan siya ng 24 na oras para magpalit ng desisyon.

Mayroon pang isang kausap na may puntong Bisaya na hinihimok din siyang magbalik ng loob sa Diyos. Nabali na ang kanyang balikat sa paghampas. Dumating naman ang isang Junaito Carabeo sa kwarto. Paulit-ulit nitong pinipisil ang kanang bahagi ng kanyang balikat habang nakikipag-usap sa kanya ukol sa literature, kabilang ang stilong magic realism ni Gabriel Garcia Marquez.

Sa katunayan, binigyan pa nga siya ng kopya ng libro ni Marquez, Love in the Time of Cholera, ukol sa walang-kamatayang pag-ibig sa panahon ng epidemya at ligalig. Pinainom siya ng Orange. Nahilo siya at bigla siyang napasalita—tungkol sa kanyang pamilya, magulang, adres sa US habang banggit ng kausap na nasa Order of Battle siya ng militar.

Kinaumagahan, Mayo 23, galit na bumangon si Melissa. Galit siya sa sarili kung bakit hinayaan niyang mawala ang kontrol sa sarili. Hindi na niya nabilang ang oras, mabigat ang kanyang tulog. Ngayong araw din siya inabisuhang papalayain. Pinapaliguan siya kay Rose, binilinan na maging asset ng militar.

Pinasahan ng papel na may sulat ng email account at password na ipinagbukas para sa kanya. Binigyan ng bagong SIM card at ipinalagay sa cellphone. Bilin ay sumunod sa lahat ng tagubilin kundi ay may masamang mangyayari. Ibinaba siya malapit sa bahay ng tiyuhin.

Pinabilang ng isang daan, matapos ay huminto. Nag-ring ang cellphone. Maari na niyang tanggalin ang kanyang piring, at maglakad tungo sa kanilang bahay. Hindi nagtapos ang kontak sa kanya. Tumatawag sa cellphone si RC, nagbibilin, nananakot, nagapaalaalang minomonitor ang kanyang bawat hakbang. Hanggang sa itapon niya ang lahat ng pabaon sa kanya ng mga kausap ng ilang araw—damit ni Rose, ang papel, ang SIM card.

Sa araw ng 29 Mayo 2009, isinulat ni Rose ang kanyang kwento. Ipinanotaryo, at ang takot ay naging tapang. Handa siyang lumaban sa paglabag sa kanyang karapatan.

Advertisements