Glee at ang gitnang uring buhay bilang musical

by rolandotolentino

Unang nailathala sa Lokusyonaryo ng Kulturang Popular kolum noong ika-27 ng Oktubre, 2010, Bulatlat.com

Sa isang forum, dahil puro high school ang mga estudyanteng nakikinig, humugot ako ng isang baraha para ipasok sila sa diskusyon. Tinalakay ko ang opening episode ng second season ng “Glee.” Kapapalabas pa lang nito, at siempre ay hit dahil nga si Charice Pempengco ang kasama rito. Sa nakaraang gabi lang ito pinalabas, pero marami na ang nakapanood nito.

Ang pangunahing atraksyon ng “Glee” ay ang pagpasok ng musical na anyo sa telebisyon. Ibig sabihin, tulad ng film genre, bigla na lang sa matinding hapis ng emosyon, kakanta at sasayaw ang mga bida at iba pang tauhan. Mawawala sila sa sarili nilang mundo at tutungo sa mundo ng introspeksyon at pagpapaliwanag ng kanilang dinaranas.

Siempre ay thought balloon lang ito. Sa utak lang nila nagaganap ang mga bagay-bagay. Dahil sa utak nila, sila ang bida, ang sentro ng mundo kundi man ng unibersong sa tunay ay nagkakait sa kanila ng kaligayahan. Kaya nga “L” sa itaas ng noo, na sa unang panahon ni Ninoy at Cory Aquino ay ibig sabihin, “Laban,” pero sa “Glee,” ito ay simpleng “loser” o sa makulay na salitang bading, Lucila Lalu, Luz Valdez, Arturo Luz, Luzviminda, at iba pa.


Imahen mula sa http://www.buddytv.com

Hindi naman hiwalay ang sandaling “Glee” sa pagkaunlad ng teknolohiya ng mobile music players, MP3 at ngayon ay MP4, at ang pinakanakakapagpalaway na ehemplo, ang I-pod player. Dati ito ay Walkman na cassette ang naglalaman ng musika, naging Diskman nang mauso ang CD format, at sa edad ng computer at internet compatibility, ito na ngang MP4 player.

Higit na interaktibo ang tunguhin ng pagkaunlad na nagpapaunlad din ng nosyon ng individual na ahensya. Ang individual ang pumili at bumibili ng hardware, siya ang maglalagay ng playlist batay sa musikang gusto niyang mapakinggan, siya ang makikinig sa sandaling may pagnanasang magsarili, humiwalay sa aktwal na mundo. “Tune-off” mode, huwag mo akong salingin, este kausapin dahil nga nakikinig ang sarili sa sariling playlist.

Distansya sa aktwal na realidad, pasok sa intimate na realidad na fantasya ng sarili—ako, ako, puro na lang ako (hindi maysala, kundi ang bida ng uniberso ng musika at metapisika ng pagpili at resepsyon nito). Segue-way sa “Glee” at ang visualisasyon nitong narsisistikong fantasya ng sarili. Mash-up mode o ang pagsasama ng dalawang di naman lubos na magkatugmang melodya pero makatugmang tematiko ng awit, at ang sarili ay naisasabuhay.

Hindi nga ba ito ang ethos ng pangunahing karakter na pabidang si Rachelle Berry na kahit nga siya loser sa kanyang social skills at mundo, siya naman ay nagiging bida sa pamamagitan ng kanyang lead role sa Glee Club. Kada awit niya—formal sa entablado at informal sa hallways at iba pang sityo ng kanyang pagdarahop—ay natratransforma ang loser para maging winna (winner).

Ang nangyayari sa ganitong transformasyon ay ang mismong fantasmagorikong transformasyon ng manonood: double-detachment sa double-attachment. Detachment dahil nga hindi naman siya ang aktwal na karakter sa “Glee” na namamantasya rin ng kanilang pagkabaklas sa sariling mga mundo. Attachment dahil ipinapakat ng manonood ang kanyang sariling fantasya (aksesorya ng sarili) sa fantasya ng mismong karakter (dobleng-fantasya dahil nga ang parehong tauhan at ang kanyang alter-ego ay hindi naman tunay kundi imahen lamang sa telebiswal na mundo).

Ang detachment-attachment ay hindi naman hiwalay sa uri ng identifikasyon ipinapahiwatig, primaryo sa noontime gameshows at iba pang genre sa telebisyon—mula “Wish Ko Lang” hanggang sa mga medikal na palabas–na nakabatay sa pag-ani ng bulto ng tematiko ng kahirapan ng mga tunay na taong nanghihingi ng tulong, at ang debosyon ng mga manonood nito. Napaghandaan na ng telebisyon sa Pilipinas ang pagkatagumpay ng “Glee” bagamat sa ibang demograpiko—may pinag-aralan, may panlipunan at intelektwal na kapital, at may cable at internet-akses na kabataan.


Imahen mula sa http://boomtron.com

Hindi katakataka na ang musical na pelikula ang pinaka-self referensyal na genre. Ibig sabihin, dahil ang musical ay tungkol sa paggawa ng isang musical production, kadalasan sa pagtatapos ng pelikula, isinasaad ng musical ang mode of production nito—kung paano ang mismong pelikula ay nalilikha. Sa pangkalahatang kalakaran ng pagtunghay sa pelikula, ito ay tinatago sa pamamagitan ng narrative structure, star system, editing, at music.

Hindi mo dapat alam kung paano nabubuo ang pelikula, at wala kang pakialam dito dahil sa kapitalistang fetishismo ng komoditi, ang mahalaga ay ang natransformang produkto, hindi kung paano ito natransforma na nakaangkla sa pagmamalupit sa manggagawa at ang exploitatibong relasyon ng produksyon para sa kapitalista. Pero ang kakatwa sa “Glee,” lalo pa nitong ibinuyanyang ang proseso ng pagkalikha ng music at dance sequences sa paraang inkorporado at implikado ang manonood sa mental na prosesong ito.

Hindi niya isinisiwalat ang kritikal na distansiasyon, tulad ng musical na pelikula, kundi ang inilalatag ay ang fantasya ng inkorporasyon: Pasok, pasok sa perya, sa perya ng lipunan, sa perya ng fantasmagorikong bayan! Na ang mga problema sa edukasyon ay hindi naman inuugat (madalas lang banggitin ang budget cut), bagkus nagiging batayan ng mas pag-alagwa ng mga altabidang karakter: mas mapait na kaapihan, mas matamis na pagtatagumpay.

At ito ang seryalidad na hindi pa nauumay ang manonood. Kahit habang nagtatagal, nagiging mas malabnaw ang spektakulo, bawas na ang grand production numbers (a la Kuya Germs at “Walang Tulugan” na ethos ng palabas nito). Pero mas dumarami ang production numbers. Ang karakter ni Charice Pempengco ay naghamon kay Rachelle ng match-off sa loob ng CR (banyo), gamit ang “Telephone” ni Lady Gaga.

Ang nangyayari pa, nagkakaroon ng tematiko ang mga palabas sa “Glee” batay sa awit ng isang musikang personalidad: Rocky Horror Picture Show, Madonna, Britney Spears, at Lady Gaga nga. Mas nakaukol na ngayon ang “Glee” na idugtong ang kanyang brand sa mas malaking brand ng musikang personalidad na nauna sa kanya.

Dati sa slam book, may tanong na paboritong theme song, mang-aawit o musikang pinapakinggan. At natatangi ang mga ito kahit pa heneriko ang tanong. Ibig sabihin, panlipunang kapital ang pinapa-fill-in-the-blanks na ang sagot ay mas nakaukol sa personalidad ng mismong sumasagot, ang kabataang inalok sumagot sa slam book.

Ngayon, ang mismong piniling musika sa MP4 player at I-pod, maging ang iniligay na personal na detalye sa Facebook at blogs ay nakaukol din sa individual na preferensiya. Kahit pa nga ang mga ito ay overdetermination lang naman ng kapitalismo at kanyang mga komoditi sa mga kabataang mayroon at walang kapasidad ng bumili at tumangkilik ng brands at brand names.

Itong kapasidad at kawalan ay patungkol din sa gitnang uring kabataan na umaasang ang kanilang buhay, tulad ng sa “Glee,” ay ang arena ng kanilang materialisasyon ng fantasya ng katagumpayan ng personal na buhay, na ang loser sa historikal na realidad ay winner sa fantasyang realidad.

Ano ang musikang tumutugtog sa utak mo? Na referensiya sa LSS (last song syndrome na ang pangit ay nagiging maganda sa pagdaan ng repetisyon at panahon), at ang lahat ng sagot na maiisip ay sagot na napangunahan ng kasaysayan ng konsumerismo. Nakalutang ito sa media bago naging makahulugan at natatangi sa gitnang uring individual na may akalang para sa kanyang sandali lamang inalay ang isang masang produkto. Alam ang henerikong kalidad na ito ng individual pero nagagawa pa rin nitong natatangi ang heneriko.

Paano hindi, kapag hindi ay pati ang individual ay matuturing na heneriko na rin? At hindi ito ang fantasya ng gitnang uring kabataan na ang nais ay nasa kanyang mga palad at katawan at lahat ng marka ng pagiging espesyal, hindi regular, na halo-halo.

Advertisements