Piolo Pascual at corporate homophobia

by rolandotolentino


Imahen mula sa http://brechto.blogspot.com.

Unang nailathala sa Lokusyonaryo ng Kulturang Popular kolum noong ika-5 ng Disyembre, 2011, Bulatlat.com

Balitaktakan itong paksa ukol sa sexualidad ni Piolo Pascual na pinasabog ng interview ni Boy Abunda kay KC Concepcion. Ang sanhi: nagkumpisal si KC kay Boy Abunda. Sa clip na gamit ay close-ups ng mga mukha ng dalawa. Si Boy ay pinapalabas na interrogator, walang pinapanigan, walang kinikilingan-mode. Si KC naman ay biktimang umaapila: gusot ang buhok, minimal ang make-up, umaagos ang luha.

Hindi naman bago ang usapin ukol sa sexualidad ni Piolo Pascual. Madalas itong nababalitaan, kahit hush-hush (o pabulong), kasama ang mga lalaking nalilink sa kanya (kalakhan ay ang bagong binu-build-up ng kanyang stasyon), ng sirkumstansya ng intimacy (sex, date, condos na gamit, saan at sino ang nakakita) at ang modalidad ng pagpapakalat nito (blind item, Youtube clips, cellphone niya raw mismo, at iba pa).

Sabi nga sa akin dati ng kaibigan hinggil sa pangangailangang iulat ng mga estudyante ang mga professor sa sexual harassment ay para gumawa ng trail of incidence, na kahit nga hindi mapatunayan sa isang kaso, mayroon na itong rekord. At sa pagkaipon ng rekord ng mga insidente, humihina ang pagtatanggi nito.

Hindi na rin bago ang nababalitaan (hush-hush mode pa rin) ng mga heterosexual na lalakeng bosses na nakakapili ng babaeng star, o ang baklang vice presidents ng lalakeng star. Ang indikasyon daw ay kung sino ang artistang nasa maraming palabas sa stasyon, yon ang mga flavor of the month. Sa kabilang sangay, ang lesbianang boss ay may karelasyong babaeng artista. At sa kabilang stasyon naman, sinasabing ang big boss daw ay mahilig tumanggap ng regalo, basta branded ang bigay.

Pero iba naman ang sexualidad sa sexual harassment at ethical standards. Gayunpaman, sa corporate business na aktibong kalahok sa produksyon ng malinis na imahen ng artista, ofisyal at negosyo bilang mabebentang produkto, may pagkakahalintulad ito: tulad ng alingasngas, kapag bumuyanyang, kailangang pabanguhin at pagandahin, o i-damage control para hindi maapektubhan ang negosyo, korporasyon at ang pangunahing imahen ng tagapaghatid ng wholesome na imahen.

Sa balitaktakan sa Internet, ang kaso ng kumpisal ni KC ay nagpalagay sa hot seat kay Piolo. At siempre, umariba na naman muli ang “alingasngas” na kailangan na namang punasan ang pwet para maging malinis. Sa Facebook at viral media, marami ang “nagtanggol” kay Piolo at binansagang ang mga humusga at tumutya kay Piolo bilang homophobia o may galit sa bakla.

Sa isang banda, totoo naman na may ahensya (agency) si Piolo na magdeklara o hindi sa publiko ng kanyang sexualidad. Siya lamang ang may kapangyarihang makapagsabi: umamin sa sarili, at umamin sa publiko. May kiss-of-death ang deklarasyon at coming out, tulad ng pagkabinbin sa acting careers ng mga nauna sa kanyang matinee idol, mula sa Sampaguita Studio hanggang sa idol na nag-bold star noong 1970s at sa anak ng aktor na naging matinee idol noong 1980s.

Sa kabilang banda, ang homophobia na tinukoy sa publiko ay isang pinaningas din ng corporate homophobia. Nangyari na ito sa manipulasyon ng Hollywood studio kay Rock Hudson, at nabuyanyang lang ang kanyang “sikreto” nang mamatay ito sa AIDS. Pero mula rito, periodiko nang may nababalitaan ang publiko ng paisa-isang pag-amin sa kanilang non-heterosexuality: Ellen Degeneres, Cynthia Nixon, Ricky Martin, Neil Patrick Harris (si Doogie Howser!) at George Takei (ng Startrek!) bilang ilang halimbawa.

Ang naghuhulma ng diskurso ng sexualidad at homophobia ay ang mismong entertainment corporation. Bawal ang openly na bading o lesbiana sa harap ng kamera (maging news reporters ay binabahiran ng rekisitong heterosexualidad), pwede ito sa likod (mga vice president, manager, director, scriptwriter, talent coordinator, at iba pa). Ang exemption lamang ay kung sila ay nasa entertainment magazine formats, tulad nina Boy Abunda, IC Mendoza, at iba pang “showbiz” reporters.

Ang entertainment corporation ang may kapangyarihan sa diskurso ng sexualidad, backfiring na lang itong mag-comeback sa homophobia kay Piolo. At ang anumang nangyayari sa ground level, pati sa Internet, ay artikulasyon lamang ng individual na ahensya. Ang pagpapatahimik sa ground level ay produktibo hanggang sa pag-call lamang ng atensyon sa kalabisan na ng pandudusta sa publikong sexualidad ni Piolo.

Pero ideolohikal ang pag-ayon sa malaking negosyo. Hindi lubos na nag-zero-in ang diskurso sa mismong tagapagpatinding ng diskurso ng sexualidad, ang entertainment corporation at ang set-up nilang walang ibang rekurso ang kanilang mga artista kundi maging publikong heterosexual. Kung mayroon pinakamalaking galit sa bakla, walang dili’t iba ito kundi ang entertainment corporation.

At itong tahimik na corporate homophobia ang pinakamapanganib, dahil pinakamasaklaw, sa lahat.

Advertisements