Dancing manggagawa

by rolandotolentino


Imahen mula sa http://www.girlopinion.com

Unang nailathala sa Lipunan+Kasaysayan+Pagkatao kolum noong ika-29 ng Oktubre, 2010, Pinoyweekly.org

Ito ang isa sa pinakasukdulang imahen ng paggawa at manggagawa. Ano ang pinagkaiba ng flight attendants ng Cebu Pacific sa entertainers at GROs sa red-light district? Kung pareho lang naman silang sumasayaw para sa kanilang sahod, ginagamit ang katawan para gumiling sa puntong patungo na ang eroplano sa ere, na ang kanilang paggawa ay isa nang segment sa noontime variety show?

Ang sagot dito ay maaring yung Cebu Pacific, nakauniporme man lamang. At kung gayon, may dangal dahil may pag-ako ang kapitalista sa kanilang pagtatanghal ng paggawa. Parang yung call center agents na proud lang sa pagsuot ng kanilang mga ID kahit na wala na sila sa sityo ng paggawa dahil nga reafirmado ang kanilang katawan bilang lunduyan ng kapital, at ang akses nito sa gitnang uring potensyalidad (potensyal dahil hindi pa rin lubos na nakakasapat para tunay na mapa-I belong).

Ang entertainers at GROs, siempre, nakahubad. At kung gayon, purong pisikalidad ang kumunoy ng katawan sa kapital. Walang pagpapanggap na sila nga ay may bahid ng kahit anong intelektwal na kapital. Hindi ka naman tutungo sa bar at club para mag-usap hinggil sa ekonomiya at ang lagay ng edukasyon. At dahil ito ay purong katawan, ang aksesorya nito—ang atraksyon para sa kita—ay ang kahirapan at ang moral na ethos na gamit para husgahan ang pinakanararapat isalba sa kumunoy. Napilitan lamang, may inang baldado, iniwan ng ama, at kung ano-ano pang tunay at kathang kwento ng sarili, para sa kita.

Ang kakaiba sa dancing manggagawa ay may sandali ang pagtatanghal ng katawan para sa kapital. Ritualisado, sa kaso ng flight attendant, bago lumipad ang eroplano at purposibo, para ibigay ang kaalaman hinggil sa safety sa loob ng aircraft. Sa kaso ng SM na empleyado, mapa-department store, Kultura shop at groseriya, ang pagtatanghal kada pasok ng bagong oras, at musika para ma-cue in ang sandaling ito.


Imahen mula sa http://www.ilcastoro.com

Ipinapalaganap ang kasabikan ng katawan ng manggagawa sa trabaho, ang kahandaan magsilbi sa serbisyong sektor na nagdidikta di lamang ng pleasing personality, ideal na height at weight, maging ang hitsura ng kabataang manggagawa, magiliw kung tumugon sa mga tanong at request. At dahil sabay-sabay ang galaw at indak ng mga katawan, pati ang ilang salitang isinisigaw, nagkakaroon ng high energy ang pagtanggap ng katawan sa kapital.

Hindi lamang magiliw kundi “Alive, alive!” Kaiba ito sa ortodoxong alienasyon ng manggagawa sa pabrika, hindi niya nakikita ang kabuluhan ng kanyang kompartmentalisadong gawain para sa kabuuan ng produkto. Sa serbisyong sektor, ang alienasyon ay ang nagmumula di lamang sa pagprenda ng katawan sa pagbibigay ng serbisyo kundi pati na rin sa mismong kinetikong pagtatanghal ng katawan para sa gawaing ito.

Kung sa paggawa sa pabrika, buryong na ang manggagawa sa paglagay lamang ng pangunahing rivet sa 5,000 pares ng jeans bilang kanyang kota, sa paggawa sa mall at eroplano, ang hapong katawan ay kailangang magtanghal ng aktibong partisipasyon ng individual sa front stage ng sityo ng kapitalismo. Sing-and-dance na sa entablado ng aisle ng eroplano o ng groseriya ang kailangan para kumita nang survival na sahod ang manggagawa, hindi na lamang nakalugmok sa isang sulok ng pabrika.

At ang alienasyon ay nananatili. Hindi na alam ng manggagawa kung bakit niya ginagawa ang pagtatanghal gayong kada patak ng akmang sandali, nagtatanghal ito sa pagdakila sa kapital, kapitalista at kapitalismo. Tunay na papuri sa Diyos! At hindi inosente ang ritual ng kapital: dahil nga nanaturalisa na ang pagtatanghal, wala nang hiya, bigay todo na ito, laban na kung laban dahil habang lalong tumataas ang kagalingan sa paggawa, lalong narereafirma ang inaakalang puwang ng dangal ng manggagawa.

Lalong umiigting na ang kanyang maliit na sahod ay pinaghirapan, at kung gayon, narereafirma ang “dignidad sa paggawa” ng liberal na kapitalismo. Na ang pagkalagak kahit sa pinakamababang antas ng paggawa ay isang marangal—sa humanistikong usapin—na gawain. Itong pagtatanghal sa paggawa ang siya ring nagtatanghal ng virtual na dangal, hanggang ditong spero na lamang at maraming salamat, powh!

Ang alienasyon sa paggawa ay lalo pang pinapaigting dahil sa may nanonood na konsumer na ang turing din sa mga katawan ay henerikong substitutable sa anumang manggagawa sa naturang larangan. Hindi tao, hindi hayop ang turing ng konsumer, bahagi lang ito ng fixture ng kapital, ng aparatong magtitiyak na instantaneously ay madedeliver ang kanyang ninanasa.

At kung gayon, tanging ang rekurso sa serbisyong paggawa ay ang higit pang politisisasyon mula sa organisadong paggawa. Wala sa loob ng sityo ng kapital ang daluyan tungo sa anyo ng redempsyon, kailangan itong manggaling sa labas—ang pagpapakilala sa tunay at kasaysayan para ang virtualisasyon ng paggawa sa ritual ng pagsasayaw ng manggagawa ay mailagak sa historikal nitong pagtutuos sa kapitalista.

Advertisements