2,600 empleyadong sinibak

by rolandotolentino

Unang nailathala sa Lipunan+Kasaysayan+Pagkatao kolum noong ika-4 ng Nobyembre, 2010, Pinoyweekly.org

Hindi na maaring maitatwa pa. Ang administrasyon ni Noynoy Aquino ay tunay na pro-kapitalista. Ang lakas naman ni Lucio Tan, ang may-ari ng Philippine Airlines (PAL). Nabili niya ito sa bargain price, nagkaroon ng exklusibong airport para rito, at ngayon naman ay kinampihan pa ang desisyon ng kanyang management na sibakin ang kanyang 2,600 na empleyado para higit pa itong kumita.

Nalugi raw ang PAL ng US $312 milyon mula 2007-2009 dahil sa pandaigdigang resesyon. Dagdag pa rito, parang isinasaad na ito na ang mapait na pilduras na kailangang inumin ng kompanya para di pa kumita, kundi para hindi magsara na mas lalong maglalagay sa peligro sa 7,500 nitong manggagawa.

Sa pagsasara ng ilang tinaguriang di mahalagang larangan ng PAL, marami sa gawain ay isa-subcontract na lamang. Lilikha ng 3,000 “zombie” na pwesto para sa pangangailangang ito, na nangangahulugang mas mababa ang sweldo, walang benefisyo, seguridad sa tenure at karapatang lumahok sa unyon.

Marami raw sa sinibak na manggagawa ay maaring mag-apply at tanggapin bilang kontraktwal. Hindi ba naman nakakainsulto ito? Kaya nga walang gagawing pakikisangkot si Aquino sa isyung ito. Nagdesisyon na ang kanyang Labor Secretary. At malinaw pa sa tanghaling tapat ang mangyayari. Sibakin mo, Lucio Tan, hanggang gusto mo, at ikaw ay nakasandal sa pader ni Aquino.


Imahen mula sa http://www.dipity.com

Itong pro-kapitalistang paninindigan ni Aquino ay hindi hiwalay sa kanyang uring pinagmulan at sumuporta sa kanya sa pagkapangulo. Sinasabing mayroon lamang 308 na individual sa higit na 50. 7 milyong botante ang nagpondo ng kampanya ng 2010 na eleksyon. Kung isasaalang-alang ang nagbigay ng P10 milyon o lampas pa, 48 na individual lamang ito, ayon sa Philippine Center for Investigative Journalism. At itong 48 milyon ang nagpondo ng 80 porsyento ng P1.58 bilyong pondo ng mga kandidato para sa eleksyon.

Bakit naman susuwagin ni Aquino ang kanyang kauri? Mangilan-ngilan na nga lang ang individual at angkang may kakayanang makapagluklok ng pangulo. At kung kaya nilang makapagluklok, kaya rin nitong lumikha ng alingasngas para hind imaging mapayapa ang pagkapangulo nito. Kung gayon, business-as-usual lamang ang paninindigan ni Aquino.

Walang personalan, trabaho lang—na higit na nakadirekta sa manggagawa kaysa sa kapitalista–dahil ang personal nga ay itinatayang nakakiling sa higanteng negosyante, at ang trabaho nga na sinasaad nito ay ang profesyonal na gawain para manatiling nakalutang at umaalagwa ang negosyo nito. Kasi nga rin, wala namang trabaho ang isinasaalang-alang para sa mga empleyado, sa kaso ng PAL.

At dahil ang mantra ni Aquino ay paboran ang negosyong inaasahang magdadala ng kitang magpapaunlad sa pambansang ekonomiya kahit pa sa ground-level ay nawawalan ang permanenteng trabaho ang kanyang mamamayan, walang pagsasaalang-alang sa bulto ng mamamayang lalo pang maghihirap sa predikamentong ito. Ito ang tunay na private-public partnership na siyang road map ni Aquino para sa pambansang pag-unlad.


Imahen mula sa http://luisitamagsasaka.wordpress.com

Dalawa ang dahilan kung bakit guni-guning mito lamang itong balikatan mode. Una, ang diin ay sa private, kaya nga inuna ito, na magtitiyak nang higit pang pribatisasyon ng publikong serbisyo, pati ang pagtanggal ng safety nets sa mayoryang malalaglag sa malakihang aksyon ng iilang pribadong negosyanteng nagdedesisyon nito. Ikalawa, ang papel ng public o publiko ay para manilbihan sa interes ng pribado. Kaya nga imbis na protektahan ng Department of Labor and Employment, na isang kakatwang departamentong may nililikhang “pagbalanse” ng magkatunggaling interes, ang papel na nito ay susugan ang inisyatiba ng pribadong negosyo.

At ito ang window opening ni Aquino, ang ilatag ang krisis bilang batayan kung bakit nga tayo nangangailangang uminom ng mapait ng pilduras—pero hindi naman nakikitang pati si Lucio Tan at ang kanyang managerial team ay nakikiinom sa kolektibong paghihirap. May krisis kaya kailangang maghigpit ng sinturon, magtipid, tanggapin ang intensifikasyon ng mga reformang ilalako bilang magpapabuti ng pambansang lagay: dagdag na buwis, bawas sa serbisyo, kawalan ng permanenteng trabaho, pag-ako ng subkontrakwalisasyon, at iba pa.

Kahit pa nga ang krisis na isinisiwalat ay perenyal na estado ng estado. At ang konsiderasyon sa “pambansa” ay para kay Aquino—bilang kabahagi ng angkang Conjuangco at Aquino—at ang iba pang kauri nito. Dahil hindi nga isinasaalang-alang ang kondisyon ng manggagawa at empleyado rito. Tayo lamang—kasama ang nasibak na 2,600 na empleyado ng PAL–ang aako ng pinipindehong krisis. Sa iilang kapitalista, business-as-usual at ito ang business ng estado.

Advertisements