Hostage-Taking at Spektakulo ng Krisis ng Estado

by rolandotolentino

Ano ang nagtulak sa isang dating pulis, may medalya ng kabayanihan, na mag-hotage-taking at pumatay at mapatay sa kamay ng dati niyang kahanay? Inulat ng mga nakalayang hinostage na si Rolando Mendoza ay mabait naman sa pakikitungo sa kanila. Maging ang komunidad ni Mendoza ay binigyan ito ng hero’s welcome nang dumating ang bangkay para paglamayan. Sa katunayan, binabalalan pa ng bandila ang kabaon ni Mendoza na siyang ikinagalit ng mga taga-Hong Kong.

Isang spektakular na pambansa at internasyonal na kaganapan ang hostage-taking ni Mendoza. Pinahinto ang tourist bus na kinabilangan ng 15 turistang iho-hostage sa gitna ng Luneta. Live ang coverage ng radyo at telebisyon, maging sa internet sites. At dahil may telebisyon sa loob ng bus, natunghayan ang lahat ni Mendoza, pati ang mga sandaling kinakausap niya ang mga host sa radyo at telebisyon.

At madalang itong live-via satellite na kaganapan: kundi laban ni Manny Pacquiao, ukol sa disaster tulad ng Ondoy, o ang inagurasyon ni Presidente Noynoy Aquino. Ang komonalidad ng live-via satellite na coverage ay ang pagbibigay ng supremong halaga bilang pinakanatatangi sa mga pambansang kaganapan. This is it, na nakakapitlag sa pambansang pagtunghay mula sa regular na aba nitong lagay.

Pumipitlag sa krisis kahit pa krisis rin naman ang dinadalumat ng kaganapan. Mas lalo nga lamang pinapatingkad ng hostage-taking ang matagal at malalim nang nagaganap na krisis sa bansa. At dahil sa orkestrasyon ng pulis-local government-pangulo-media, nagiging hiwalay at natatangi (mayroon sariling mundo) ang kaganapan kahit pa sa pang-araw-araw ay nagaganap din naman itong orkestrasyon.

Sa pagtawid sa kalye, pagtunghay sa teleseryeng pinagbibidahan ng mga pulis at militar, pagtungo sa mall na may rumorondang pulis pa rin, historikal na paglaan ng pinakamalaking budget para sa militar, at ang surrogate nito sa tanod at SSB sa U.P., halimbawa, matagal nang nagaganap ang orkestrasyon ng mga ideolohikal (nang-eenganyo sa mga kultural na establisyimento) at represibo (namamasista para makapagpasunod) ng aparato ng estado.


Mga imahen mula sa http://blobberboy.com at http://yousaytoo.com

Ito na ang kondisyon ng posibilidad sa bansa bago at pagkatapos ng hostage-taking ni Mendoza. Sa simula, nandito na ang mga isyu, at nag-aantay na lamang pumutok. Ito ang parehong pisngi ng Cinderella story (natatanging babaeng makukuha ang kanyang prince charming) at Efren Penaflorida (itatanghal na “hero of the year” ng isang global na media batay sa popular votes sa website nito; ang pagdakila sa pagbasa at literasi sa ingles bilang idealisasyon ng kondisyon ng paghihirap at paglaya).

Sa pagtunghay nito sa araw at gabi ng 23 Agosto 2010, nagiging self-reflexive sa estado ang operasyonalisasyon ng kondisyon ng posibilidad: kung paano nangyari ang hindi dapat mangyari, at kung paano ito pinatunghayan para madisimulado ang mismong operasyon? Ang tinunghayan ng manonood ay ang botch up job ng estado sa dalawang antas: na ang “mabubuti” nitong mamamayan ay bumabalikwas sa kanyang awtoridad, at ang katiyakan nito ng rekurso ng pagpatay at paglikha bilang demonyo ng mga paisa-isang individual na bumabalikwas.

Ang fasinasyon ng pagtunghay ng mga tao sa aktibidad ni Mendoza sa natatanging araw na iyon ay ang identifikasyon sa hostage-taker sa maraming antas: ang kapangyarihang makapag-hostage at hindi ma-hostage sa pambansang krisis na pinakikinabangan ng minorya; ang kapangyarihang itigil ang panahon at kamkamin ang espasyo ng kapangyarihan sa media (siya ang bida kahit pa kontrabida dahil sa pang-araw-araw siya ang walang papel sa pambansang naratibo ng pag-unlad at globalisasyon); ang katiyakan ng kaganapan na alam naman ang ending ng mga Robin Hood- at Rizal na martir-type, ang walang dili’t iba kundi ang spektakular na pagpaslang (at samakatuwid, ang Gladiator at Spartacus na pagtunghay sa mga abang nagpapatayan mula sa tore ng koloseo).

Alam ni Mendoza itong script na inakda niya dahil compliant ito sa akda ng individual na hayagang bumabalikwas sa estado. Magpakagayunpaman, may ahensya siya sa isang araw at gabi na siya ang bida, siya ang tila may kontrol sa kondisyon, siya ang nakapangibabaw sa historikal na lagay. Kung ito ay pedestrian maller, sidewalk vendor o squatter, walang mayayanig dahil sa mismong laylayan lamang sila kumikilos.

Pero idinawit ni Mendoza ang ibang mas mataas sa kanyang abang lagay, ang kontemporaryong premyadong turing sa mga turista sa isang banda, at historikal na mababang turing sa Tsino sa kabilang banda. Ito ang point of no return ni Mendoza. Kung ang idinawit niya ay ang kustomer at may-ari ng sari-sari store, matagal nitong non-issue, tulad ng hostage-taking ng sanggol ng maralitang tagalunsod mula sa ibabaw ng pedestrian overpass.

Hindi rin ito hostage-taking na kasama ang kliyente at white collar worker sa bangko. Maraming branch ito, at madaling ihiwalay sa pambansang kalagayan. Natatangi ang hostage-taking ni Mendoza dahil kinasangkapan niya ang hindi pwedeng kasangkapanin—ang katawan ng turista bilang makabagong katawan ng kapital o ang pagtutumbas sa turista bilang katawang may kakayahan at akses sa potensyalidad ng global na kapitalismo, lampas pa sa kanilang bansang pinanggalingan.

Kaya nga sila nandito, kaya nga iba ang klase ng hotel na tinutuluyan nila, iba ang turistang bus na sasakyan nila, iba ang pagkain na isinisilbi sa kanila, iba ang lokal na lunan na papasyalan nila kaysa sa lokal na mamamayan at turista. At ito ang matingkad sa araw ng hostage-taking. Premyadong katawan ang dayuhang turista, iba ang turing sa kanila: sa abang uri, kinaiinggitan at hino-hostage; sa may kapangyarihan, wine-welcome at hinahayaang ma-hostage.

At ito ang nililikha ng estado sa kanyang mismong mamamayan, ang matutong manlimi at lumikha ng kaantasan, kahit pa ang internalisasyon ng mismong kapangyarihan at rekursong isinasaad ay sa antas ng individualismo lamang. Ang individualismo ay isang katangian ng paranoia dahil sa individual lamang lumilikha ng konfigurasyon ng uniberso na siya ay inaapi, na ang kanyang kwento ang sukdulang melodramatikong sitwasyon, at sa anumang yugto ay maari siyang pumutok.

Nandidilim ang isip, tinulak ng demonyo kahit pa mismong estado ang nagtulak sa kanya para ilagay sa sariling mga kamay ang kanyang redempsyon, kundi man makatawag pansin sa sarili, gaya ng mga umaakyat sa tarpaulin signs sa highway at nakikipagdiyalogo pa sa media at pulisya. Inetsapwera sila at pagtunghay sa tarps sa panahon ni Gloria Arroyo ang rekurso nila dati. Ngayon nga, hostage-taking.

Ito naman ang pangamba ng estado, na ang hostage-taking ay, sa huli, magiging take-no-hostages. Dahil hindi nga ordinaryong hostages ang mga ito, at hindi rin ordinaryong mamamayan ang nangho-hostage. Ang hostage-taker ay simpleng mamamayan wala nang rekurso maliban sa pagtunghay sa kanyang aksyon bilang dramang tinutunghayan ng bansa. Egoismo ito, paranoia at kapraningan itong kondisyon.

At hahayaan lang mismo ng gobyernong mangyari ang nangyari, kasama ang media na biglang nagmaan-maangan sa kanyang etikang obligasyon at sinaad na coverage lamang ng nangyari ang kanilang ipinalabas. Sa madugong katapusan, mga bangkay ng purong kapital ang inaalayan ng bulaklak, ang bus ay iniimbestigahan, at nailibing na ang hostage-taker.

Sa lahat ng ito, puro sablay ang aksyon ni Aquino: nawala sa panahon ng krisis, ngumisi sa photo-op, ipinasara ang kanyang Tweeter account dahil sa sobrang dami ng negatibong reaksyon. Who’s in-charge? Ang kapitalismo ang lumikha ng kondisyon ng pagtunghay sa hostage-taking, ang motibasyon ng individualistikong aksyon ni Mendoza, ang galit ng mga taga-Hong Kong, at ang administrasyong kay bago at kay inutil, tulad nating lahat, kundi ang tumunghay sa palabas, gaya ng ginawa ni Mendoza sa sarili niyang palabas.

Itong intersubjectibong komunidad na likha ng burukrata kapitalismo—ang ng mismong krisis ng kapitalismo at estadong nagtataguyod nito–ang magtitiyak na parating praning ang kanyang mamamayan, at inutil ang kanyang gobyerno. Masigasig ang media na i-televisual itong ipalabas sa akto ng pamumukadkad ng kaganapan dahil ito ay nananatiling kumpetisyon para sa viewership at readership, na ang salin nito ay ang inaakalang higit pang tiwala ng manonood at advertisers.

Sa huli, maging ito ay inaasahan. At sa sobrang inaasahan ito—sa loob ng krisis at peryodikong spektakulong pagputok nito bilang mas higit pang persepsyon ng krisis—ang tinutunghayan ng manonood at mambabasa ay ang kanilang anxiedad: walang magawa lampas ng individualistang aksyon. Humayo at kumuha ng souvenir photong kasama ang bus, dahil hindi na pwede ang mga bangkay ng hostage.

Hindi na raw ngingiti si Aquino sa photo-ops. At ito ang tugon ng burukrata kapitalista sa krisis, ang bigyan ng mga mukhang inaakalang makakapagtago ng krisis, kahit pa ang krisis ang nagluwal at lumalamon dito.

Unang nailathala sa Lokusyonaryo ng Kulturang Popular kolum noong ika-1 ng Setyembre, 2010, Bulatlat.com.

Advertisements