Brocka at Bernal vs. indie filmmakers

by rolandotolentino

Isang taon yata nang huli kaming magkita ni Mau Tumbocon, kritiko at film programmer. At dalawang taon na rin kaming tumutungo sa aming paboritong dessert at coffee na lugar sa Castro Street, at natagpuan naming muli na naghuhuntahan na naman kami tungkol sa pelikula. Pangalawang beses na ulit.

May nostalgia kami sa mga pelikula nina Lino Brocka at Ishmael Bernal, mga higanteng figura sa aming panahon, at lampas pa rito. Natanong ni Mau kung sino sa indie filmmakers ang sumusunod sa yapak ng dalawang direktor? At wala akong maisip na madaling sagot.


Imahen mula sa http://www.pep.ph

Nabanggit ko si Joel Lamangan at Brillante Mendoza. Si Joel ay napapanahon ang politikal na tema ng mga pelikula — Flor Contemplacion, abduction at politikal na pagpaslang, torture at rebolusyon. Pero mas naunang henerasyon ng filmmakers si Joel. Si Brillante naman ay kilala sa artistikong pelikula, na slice-of-life, na wala pang mass following sa loob ng bansa.

Sina Brocka at Bernal ay mga politikal na animal, sa positibong pagtingin. Kasama sila sa laban sa sensura, freedom of expression ng artist, pagtaas ng presyo ng gasolina, anti-diktadurya, at maging anti-Cory Aquino sa panahong hindi ito popular. Organisado sila sa mga politikal na afiliasyon, at ginagamit ang kanilang politikal na posisyon para higit na magpopularisa ng mga isyu. Gayundin, ginagamit din nila ang kanilang sining para manghasik ng kontraryong kaisipan at karanasan pang-sining.

Ang naturing naming kaibahan nina Brocka at Bernal sa isang banda at ang kasalukuyang indie filmmakers sa kabilang banda ay ang mas madilim na pangitain hinggil sa pelikula at lipunan. Kina Brocka at Bernal ay nakaangkop sa naratibong disenyo ang pagpasok ng politika, at ang rekurso sa politikal na antagonismo ng mga bida rito.


Imahen mula sa http://pretsi.tumblr.com

Sa mga pelikula ni Brocka, sabit man sa “political na correctness,” may politikal na ahensya ang mga bida sa pagsasara ng kanilang kapalaran sa pelikula. Sa Maynila sa Kuko ng Liwanag (1975), ang mangingisdang lumawas sa syudad na si Julio para hanapin ang kanyang kasintahang nabiktima ng white slavery ay nagdilim ang paningin, pinatay ang umasawang Tsino. At dahil sa kaguluhan, kinubkob siya ng kapwa Filipino sa isang eskinita, at para matiyak ang kapalaran, isa-isang dumampot ng kung ano-anong maipanghahampas sa kanya.

Sa Bona (1981), nang marealisa ng fan na itinatwa ang lahat para manilbihan sa isang struggling na aktor na iiwan siya nito, ang kanyang pinakukuluan na tubig ay ibinuhos sa nag-aantay na artista. Sa Jaguar (1979), ang sekyu na pumatay para protektahan ang kanyang bosing ay natagpuan ang sarili na parang hayop na tumatakas sa bundok ng basura para maiwasan ang peryodikong sonang nagaganap sa komunidad ng maralitang tagalunsod. Ang huling eksena ay ang kanyang pagkakulong, tanging hininga lamang niya ang naririnig, hindi makapaniwala ang sekyung nagpakamartir sa kanyang sariling kamartiran.

Sa Bayan Ko Kapit sa Patalim ( 1985), ang isang manggagawa ay napilitang mag-eskirol para mabuhay ang pamilya sa panahon ng welga. Nang-hostage ito ng may-ari ng pabrika at sa puntong sumuko ito, kinutya ng bisor at dinukot ang baril ng kumasamang pulis at binaril niya ito. Nabaril siya, at ang final na eksena ay halaw sa Pieta, nakakandong ang kanyang duguang bangkay sa nagulantang na asawa.

Tanging sa Orapronobis (1989), sumakto ang politikal na resolusyon na pinili ng katauhan. Ang dating pare na si Jimmy ay nakalaya na sa bilanguan sa panahon ng People Power, pinakasalan ang human rights worker na umasikaso ng kanyang kaso. Nadiskubre ni Jimmy sa isang fact-finding mission na mayroon nagkaanak pala siya sa kanyang karelasyon sa kilusan. Hindi naprotektahan ni Jimmy ang pagpaslang sa kanyang anak at asawa sa kilusan. At sa huli, muli siyang sumali sa kilusang andergrawnd.


Imahen mula sa http://pinoybiscuits.blogspot.com

Sa mga pelikula ni Bernal, bukas ang resolusyon ang inilalahad. Sa Himala (1982), ang pagpapatuloy ng kasinungalingan kahit na inihayag ni Elsa ang katotohanang “walang himala.” Binaril siya matapos ng rebelasyon. Sa Manila After Dark (1980), ang pagpapatuloy ng gitnang uring pretensyon ng buhay ng mga tauhan, lalo na ang bidang lalakeng hilo-hilong naglalakad hanggang sa makatulog sa Luneta sa gitna ng kinetisismo ng mga katawang nag-eehersisyo sa bandila ng Bagong Lipunan ng mga Marcos.

Sa gitnang uring naratibo ng mga pelikula ni Bernal, mas malinaw ang politikal na ahensya ng mga tauhan: isang babaeng cancer victim na piniling mamatay nang may dignidad sa pagbubukang-liwayway sa beach, kabit na nakipaghiwalay, asawang babaeng may double-burden na kinumpronta ang lalake para makipagkaayusan ng estado ng pamilya, o magkaribal na babae sa isang lalake na tahimik na nagtitigan at tinanggap ang kaibahan ng isa’t isa.

Madilim, lampas sa pesimismo ang mga pelikulang indie. Nasa verge ng nihilismo ang maraming nakaangat na pelikulang indie. Nagkaubusan ang mga magkakumpitensyang gangs sa Tondo. Patayan hanggang sa katapusan, maging ang kabataan lalakeng tumatakas ng karahasan sa slum area sa Mindanao na kilala sa vigilante killings ng mga musmos at kabataan.

Kay Brillante, tumakas ang kaisa-isang tauhang narealisa ang exploitasyon sa loob ng sinehan nang walang assurance na ang labas ng sinehan ay hindi rin tulad ng nasa loob. Ang magkaibang panig na lola—isa ng napatay, isa ng pumatay—ay naghiwalay nang ganoon-ganoon na lamang matapos ang final na eksena sa korte. Ang mga tirador ay patuloy pa ring tumitira sa mga kauri nilang sumasamba sa El Shaddai. At ang nag-aaral na magpulis na lalake ay saksi sa isang gabi ng krimen ng kanyang papasukan institusyon, at kinabukasan, sumakay ng taxi na hindi na muling babalik sa yugto ng kawalan-malay.

“Nega” (negative at negation) ang pelikulang indie. Inietsapwera nito ang produktibong substansya ng buhay at lipunan, madilim at mapanupil man ito. Wala nang halaga ang buhay dahil nga sa kawalan-laban ng mga tauhan sa pelikula sa filmikong realidad. Na ang subalternong tauhang piniling dramatisahin sa pelikula ay wala nang ibabaw ng tubig na maaring makalanghap ng natitirang hininga ng buhay.

Bumalik sa rekurso ng isang bourgeoise existentialismo ang indie na pelikula. Walang halaga ang kasalukuyang buhay, at wala ring buhay na tatanawin sa labas nito. Ganito kami noon, ganito pa rin tayo ngayon mode! At ito ang bigat ng atas na pinapasan ng indie filmmakers na wala nang panlipunang kilusang masa o anyo ng kolektibismo ang isinasaad na rekurso sa politikal at ekonomiyang kagampanan.

Ang piniling naratibisasyon nina Brocka at Bernal ay nakakasapat sa itinaya nila—dramatisasyong nakaugat sa ilang kumbensyon at inobasyon ng genreng kinapapalooban ng naratibo, sa maraming pagkakataon, melodrama. Ang bigat na pinapasan ng tauhan sa kanilang mga pelikula ay nagja-justify sa aksyong pipiliin sa klimaktikong sandali, sablay man o hindi ito. Tumaya sina Brocka at Bernal, at napatunayan ng retroaktibong balwasyon sa kanilang pelikula, kahit pa politikal na sablay ang mga ito, may realisasyon pa rin ng humanistikong ahensya mabago at matransforma ang pantaong lagay.

Ang piniling naratibisasyon ng indie filmmakers, at hindi naman ito pagsusuma-total, ay isang pagtatayang walang panalo. Hindi kayang pasanin ng balikat ng mga tauhan ang panlipunan at historikal na bigat na pinapadala sa mga ito. Kaya ang rekurso ay ang neorealismo—gritty camera movement, a-day-in-the-life-of, character-driven, poverty bilang backdrop ng paghihirap ng tauhan at substansya ng kahalintulad ng politikal at ekonomiyang sistemang kinabubuhayan.

Kaya lose-lose situation ang marami. Loser na nga sila sa kabuuan ng filmikong buhay, loser pang muli sa kagyat na rekurso sa pagtatapos ng pelikula. Ito ang angst na bumubuhay sa maraming indie films, at kakatwa ito dahil marami sa indie filmmakers ay hindi naman kabahagi at kahanay ng mga tauhang kanilang tinatalakay. Sa malikhaing pagsulat, natugunan na ito sa pamamagitan ng pananaliksik sa buhay na gustong paksain o i-foreground ang posisyon at kamalayan ng nagkukwento.

Pero dahil neorealismo nga ang piniling perspektibo sa pagpapahiwatig ng abang lagay ng mga tauhan, hindi nakakapasok ang self-referentiality na naresolba na, lalo ni Bernal. Ang modernistang indie cinema—ang art film–naman ay namumutiktik sa self-referentiality gayong topikal lamang ang nagagawang pag-aksesorya. Ang gay indie film ay hindi pa rin umaabante sa pangunahing self-destructiveness ng gay identity.

At ito ang extra-challenge sa indie cinema, ang umalagwa sa kahong kasalukuyang kinasasadlakan ng marami nitong pelikula at direktor. Kailangang makareimbento ng bagong idioma ng paglalahad ng kolonial at postkolonial na relasyon, developmental issue, kahirapan, subalternidad, at iba pa. At magagawa ang reimbensyon ng politikal na ahensya—ang higanteng kulang at kakulangan–sa pamamagitan ng pagsaalang-alang (pag-aaral) sa mga pelikula at buhay nina Brocka at Bernal.

Unang nailathala sa Lokusyonaryo ng Kulturang Popular kolum noong ika-4 ng Nobyembre, 2010, Bulatlat.com

Advertisements