Kailangang matwid na politika para sa matuwid na daan

by rolandotolentino

Isyu ng korapsyon ang tumampok sa unang SONA ni Noynoy Aquino. Maraming nadiskubreng katiwalian ang kanyang bagong kabinete sa iba’t ibang opisina ng pamahalaan. Marami ay midnight decisions, marami ay ng midnight appointees ni Gloria Arroyo.

Hindi naman nagulat ang mga nakinig. Ito ang tagline ng kampanya ni Aquino. At tunay namang mina ng katiwalian ang karanasan ng bansa sa nakaraang pangulo. Pero walang detalye ng pagkaso, at kung ang pangulong nagpalaganap ng kultura ng impunity ay makakasuhan na rin.

Ang pangkalahatang sinambit ng SONA ni Aquino ay mga “drawing” (hindi pa naipapatupad) o nasa drawing board pa lamang, sa maagang yugto ng konseptualisasyon. Tampok dito ang idinadambana niyang “private sector partnership” na magpapaunlad daw ng trabaho at iba pang ekonomikong kagalingan.

Kung ano ito, hindi naman ipinaliwanag. Basta, nariyan na dahil may interes nang gumawa ng superhighway mula Manila patungong Nueva Ecija hanggang Tuguegarao. Kung ganito ang pasaporte ng pambansang pangarap para kay Aquino, mas lantaran pang neoliberalisasyon ang magaganap. Pribatisasyon, deregulasyon at komersyalisasyon ang kanyang binanggit na halimbawa, na naglilipat ng publikong serbisyo sa kamay at interes ng pribadong sektor.


Mga imahen mula sa http://www.pinoyexchange.com, http://www.ohnoy.wordpress.com, at http://www.blogs.inquirer.net

“Infrastructure queen” din pala itong si Aquino, tulad ng kanyang pinalitan. Para umunlad, kailangang may infrastruktura. Kailangan walang korapsyon sa yaman ng bayan. Walang maghihirap, may kaunlaran nang magaganap. Paano mangyayari ito? Ang pangunahing plataporma ng kanyang kampanya ay hinggil sa jobs-creation: ang paglikha ng mga trabaho mula sa infrastrukturang higit na magpapabilis ng daloy ng negosyo. Pero hindi ba ang mga higanteng infrastruktura, sa pangunahin, ay para sa mga higanteng negosyo?

Atrasado rin ang konsepto ni Aquino sa peace negotiation. May threat pa ito na nagsasaad nang timeframe ng kasalukuyan bilang opening para sa negosasyon. Kailangan pang may ceasefire gayon ang nosyon nga ng pagiging armado ang nagbibigay-kabuluhan sa rebolusyonaryong kilusan para magkaroon ng estado sa negosasyon. Samakatuwid, walang lubos na interes ang kanyang pamahalaan na magkaroon ng usaping pangkapayapaan.

Bagkus, dagdag na budget pa sa militar ang sinambit sa pamamagitan ng AFP Modernization Act. Hindi karagdagang budget ang usapin kundi reorientasyon ng militar sa bansa. Sa isang bansang wala namang external na kaaway, at sa limitadong pambansang budget, bakit napakalaki ng personnel at budgetary share ng militar? Wala ring balak si Aquino na baliin ang malapit na koneksyon ng militar sa Chief Executive, isang koneksyong pinagtibay sa panahon ng diktaduryang Marcos at pinapagpatuloy hanggang sa kasalukuyan.

Walang pagbanggit sa pagtatapos sa politikal na pagpaslang, sa Oplan Bantay Laya, sa pagpapalaya sa Morong 43, sa pagpatay sa mga peryodista, sa Visiting Forces Agreement, sa ipo-ipong pagtaas ng presyo ng bilihin, gasolina, kuryente. At ito ang chip sa balikat ni Noynoy. Grandstanding ang tawag dito. May maliit na kaso na ipapangalandakan bilang higanteng proposisyon. May bulong-bulungan pa lamang na sinasambit na nagkaayusan at tuloy-tuloy na. May porma pero walang lamang.

Ano ang matwid na daan patungong maunlad na Pilipinas. Hindi ang retorika ng ampaw: tila solido pero hangin ang laman. Hindi ang retorika ng sunflower: dilawan pero sunod-sunuran lamang ang bulaklak sa direksyon ng araw. Kung tunay na matuwid ang nais tahakin na daan, isang matwid na makamamamayang politika ang dapat isaalang-alang.

Unang nailathala sa Pasintabi kolum noong ika-28 ng Hulyo, 2010, Pinoyweekly.org.

Advertisements