Ihiwalay mo ang nararamdaman mo sa trabaho

by rolandotolentino


Manggagawa Tanggalan ni Antipas Delotavo (2009). Imahen mula sa http://www.gaelart.blogspot.com

Ito ang utos ng bisor kay Gloria, nang siya ay karaniwang manggagawa sa pabrika ng Advan, ang pagawaan ng rubber shoes at bota. Regular ang dysmenorrheal niya, at kahit masakit ang nararamdaman, kailangang pumasok, magtrabaho at makaabot sa kota. Singkwentang pares ang kota, pero nakakatahi si Gloria at ang maraming manggagawa ng 90 hanggang 100 pares.

Si Gloria ngayon ang tumatayong tagapangulo ng unyon sa Advan, ang Bleustar Workers Labor Union. Nang dumalaw kami noong umaga ng Linggo, “bouncer” ang bulatlat sa walkie-talkie ng isang gwardya, and tawag sa mga matitibay na babaeng unyonista ng Advan.

Itong gwardya ay unang tumawag ng pansin nang sitahin kami sa pagkuha ng litrato, lalo na sa katapat na mga gwardyang nagbabantay sa pabrika. May riot shields sila, at sila naman ang naunang kumuha ng litrato sa amin sa kanilang cellphones. Kinunan din namin sila ng litrato, at kaya naulat kami at pinansin nitong gwardyang ang unang pagkausap sa amin ay “Akina yang camera ninyo.”

Nasa loob ng isang compound ng mga pabrika sa Muntinlupa ang Advan. May gwardyang nang-uurirat sa bukana ng compound, at may slip ng papel na kailangang ibalik at papirmahin sa aming dinalaw. May itinayo nang pwestong pike ang unyon at doon namin nakakwentuhan sina Gloria, Suzette at Bel.

Tatlong beses nang nagtangkang magtayo ang kalalakihang manggagawa ng unyon sa Advan, pero hindi sila nagtagumpay. Nang mga babae ang nagtayo, epektibong naitatag ito at may ilan nang napagtagumpayan laban sa sexual harassment at dagdag na sahod at benefisyo. Ngayon naman, kaya may piket, ay dahil ayaw makipag-CBA (collective bargaining agreement) ng management.

Militante ang unyon ng Advan. Madalas madelay ang sweldo, at kapag nangyari ito, mayroon nang “delegasyon” o isang oras na protesta sa labas ng opisina ng management. Habang nagtatagal ang delay, lalong humahaba itong delegasyon. Ang isang oras ay nagiging isa’t kalahati, at matapos, dalawang oras na araw-araw na protesta tuwing katanghalian. At sa bawat araw na ayaw makipag-CBA ng management, mayroon kalahating oras na noise barrage at programa ang unyon.

Mahirap ipagpalit ang isang umaga ng Linggong dapat ay nagpapahinga para bumiyahe mula Diliman patungong Muntinlupa. Walang trafik, at kahit maikli ang panayam sa mga unyonista, naging isang makabuluhang umaga ito.

“Papasok na ang mga bouncer,” paulit-ulit na binubulatlat ng radyo ng gwardyang kaharap namin na nakikiusap na sa labas na lang gawin ang panayam. Timbre ito mula sa mga gwardya sa gate ng compound. At ilang sandali pa ay umibis na ang mga “bouncer” mula sa sinasakyan tricyle. Akala nila ay medyo matatagalan pa kaming dumating, pero magaan nga ang trafik.

Pumuwesto kami sa mga matataas na kama sa sidewalk na tinirikan ng bubong. Sa labas ay ang mga sako ng bigas na pinintahan ng mga panawagan ng unyon. Makipot lang ang distansya ng kalsada. Katapat ng piket ang mismong gate ng pabrika na binabantayan ng iba pang gwardya.

Mabilis ang palitan ng tanong at sagot. Peryodiko kaming binabalikan ng gwardya para tiyakin ang aming pag-alis. Sanay naman ang mga unyonista na makitungo sa gwardya. Sanay din silang sumagot dahil hindi naman kami ang naunang dumalaw at nakisalumuha sa kanila.

Ngayong unyonista na si Gloria, mas alam na niyang hindi maihihiwalay ang kanyang nararamdaman at ang kanyang trabaho. Maalab ang paninindigang ipagpatuloy ito dahil nararapat. Walang disenteng buhay ang manggagawa kung hindi ipinaglalaban.

Unang nailathala sa Pasintabi kolum noong ika-28 ng Hulyo, 2010, Pinoyweekly.org.

Advertisements