Eraserheads, Final Farewell

by rolandotolentino

Pagkatapos ng SONA ng 2010 ay dumalaw kami sa isang bar ng mga kaibigang Ela at Nardy. Dito ko unang nakita ang DVD ng final concert ng Eraserheads. At naiyak ako dahil ang banda ng henerasyon ko ay hindi ko kasabayang tumanda. Kinatandaan ko na. At malinaw na iba na ang landas na tinahak at tinuldukan ng kanilang final concert.

Hindi naman “final concert” ang label nito, “reunion concert.” Pero sa wari ko, ilibing na ang patay. Ito na dapat ang huli, bago pa man magmistulang high school reunion ito: peryodikong inuulit kahit na lahat ay nakausad na at ang tanging lumilingon ay ang mga gustong manumbalik sa sandali ng nakaraan, dahil ideal ang nakaraan kumpara sa agam-agam ng kasalukuyan.

“8.30.08” ang subtitle ng DVD concert, na parang may ominous na kahulugan. Kasing ominous ng sariling title card ng sponsor, “Smart Buddy” na tunay na pagsandal sa komersyo, at sa makapangyarihang ekonomikong panghalina nito—milyones kapalit ng angas ng mga bandista, na kahit gusto ninyong saksakin ang isa’t isa, mag-pimp shades na lang kayo at muling awitin ang mga awit na sa inyo’y nagpasikat, na kahit na may sakit sa puso, muling magpa-stress dahil nga sa halina ng milyones.

Nandoon ang anggas sa pag-awit, ang mala-sintunadong live performance, marubdob na lyrics, kaindak-indak na ritmo, at ang iba’t ibang henerasyon ng tinatayang 100,000 fans na nanlimahid sa nostalgia. Gusto kong mapasama sa higanteng bilang ng manonood, kaiba ang pakiramdam nito.


Mga imahen mula sa http://atsi-batsi.blogspot.com at http://atsi-batsi.blogspot.com

Naalaala ko yung huling concert ni Nora Aunor, sa bleachers ako, mag-isa. At kahit mag-isa ay hindi nag-iisa, sampu-sampung libo ang kasama kong nanonood ng isa pang icon. At mula sa tuktok ng Araneta Coliseum, iisa ang imahinaryo ng kadakilaan ang sinasambit. Kaiba sa Bonnie Tyler at Angela Bofill ng aking higit na kabataan. May ere ang manonood sa Folk Arts Theater.

Kaiba ang concert sa bansa. Isang malaking sing-a-long. Hindi nga ba’t ito ang obserbasyon ng Tears for Fears sa kabaliwan ng fans na alam ang bawat kanta? Na para lang itong mga bading na host sa karaoke bar (maliban sa komedi) na plakadong nakakapag-lead ng mga establisyadong awit? Hindi ba’t may emotibong kaisahan sa awit at nostalgia pumapaimbalot sa manonood at mang-aawit, na kayang i-compress ang magkakaibang espasyo at panahon ng nauna’t pinakahuling pagkaniig?

Naalaala ko ang una kong Eraserheads concert, late 1990s, sa isang pizza bar sa West Avenue. Malayo kami sa entablado at tunay na sintunado si Eli Buendia sa pag-awit ng sarili nitong mga kanta, na lalong binibili ng manonood. Matapos nito ay ang ilang pagkakataon natunghayan ko ito sa UP Fair, na tunay na bonding moment sa hindi magkakakilalang tumutunghay sa papalipas na rin palang panahon ng pagkaniig.

May mga kaibigan akong balak gumawa ng libro hinggil sa idea ng punk sa Pilipinas. Nang tumungo sa paksa ay shinut-down ito ng pangunahing proponent ng libro—hindi punks ang Eraserheads. Nag-sell out na raw ito sa kanilang last two concerts. Last two dahil nga inatake sa puso si Eli na naging rason ng pagkakaroon ng isa pang huling concert.

Kaya gusto ko nang ilibing ang patay. Ihulog ang isang bulaklak o pinong lupa sa hukay, antaying isementado ito. At totoo nga, ito na ang aking nararamdaman tuwing napapakinig ako sa mga album ng Eraserheads, bago pa man matunghayan ang kanilang DVD. Wala nang dating, puro ingay na lamang, hindi ko na kaya ang panggigitata ng emosyon at nostalgia.

Naalaala ko ang pag-sell out ng Apo Hiking Society nang ang kanilang Pidro song sa “American Junk” ay bigla na lamang naging music sa isang ad ng multinational company, matapos ng EDSA 1. Bago ito, sinabi pa ng isang kritiko na dapat idambana ang kanta bilang ehemplo ng mainstream na may kapasidad makapanuligsa sa di-pantay na kaayusan.

Naglaho ang banda, at ang revival songs ng iba’t ibang banda ay walang binatbat sa pagdanas ng isang age of innocence sa papatinding diktaduryang Marcos. Maliban sa album na ito (na hindi kasama sa revival), inosenteng pagmumundo ang awit ng Apo. Ang kritika ay lumabas sa personalidad ni Pidro (Danny Javier), sa konsyerto nila, at dula ni Jim Paredes.

At nangyari na rin naman na ni-remake ang mga awit ng Eraserheads. Malamang ay isang musical bilang huling hininga ng naghihingalong Lazarus, a la Mama Mia ng ABBA. Hindi naman ako nalungkot sa aking pag-iyak sa dilim, habang umiinom ng bagong concotion ni Ela. Natapos ang gabi sa isang pagsasara sa kaalamang tapos na ako sa bandang Eraserheads. Paalam, at huling paalam, Eraserheads.

Unang nailathala sa Pasintabi kolum noong ika-2 ng Agosto, 2010, Pinoyweekly.org.

Advertisements