Haciendero sa toreng garing

by rolandotolentino

Makailang ulit na akong napadaan sa Hacienda Luisita mula sa bagong superhighway. At totoo namang nakakasindak na ang hacienda ay kinabibilangan ng mall, golf course, special economic zone, mamahaling subdibisyon, at libo-libong hektarya ng tubuhan at asukarera.

Sa Hacienda Yulo sa Laguna at Cavite, ang spiritwal na highlight sa akin ng pagbisita ay pagtungo sa isang patag na bahagi ng bundok, at ang libo-libong hektarya ng niyog at bakahan ay sakop pa rin ng hacienda. Ang trahedya sa lipunang Filipino ay ang mismong pananatili ng kapyudalan sa sistemang hacienda. Matapos ng mga 400 taon, hindi pa rin nagbabago simula nang ipamigay ng mga Kastila ang malalaking lupain sa naging kaanib ng panananakop sa sistemang encomienda.

Isang anomalya ang hacienda dahil sa idea na ang piling libo-libong hektarya ay pagmamay-ari ng iisang pamilya o angkan. Marami sa mga hacienda ay sapilitang pagkakamkam ng lupain ng mga naunang mamamayan dito. Nabiyayaan ng pambansang sistemang pyudal ang 400 taon nang patuloy na pangangamkam at pagkontrol sa mga hacienda sa bansa.

Indikasyon ito na nananatili pa ring malawak at malalim ang kapyudalan (sistemang malapyudal at malakolonyal) kahit pa sa mga pangako ng corrupt-free (“opposite” of Marcos ni Corazon Aquino), Tiger Economy (Fidel Ramos), para sa mahirap (Joseph Estrada), matatag na republika (Gloria Arroyo), at corrupt-free (Part II) at public-private partnership (Noynoy Aquino) bilang behikulo ng pambansang pag-unlad.

Paano tunay na uunlad ang bansa kung ang kalakaran ng pag-aari ng yaman nito ay nasa kamay ng iilan? Nang pumasok si Noynoy Aquino bilang presidente, ang insidente ng pagpapatalsik sa magsasaka ng Hacienda Yulo at maging ang patuloy na di-pagdeklara ng posisyon hinggil sa kanilang Hacienda Luisita ang bumati sa kanya.

Pumapatak na ang kanyang unang 100 araw, ang simbolikong honeymoon stage sa bagong pangulo at ang mga institusyong kritiko nito. Patuloy pa rin ang harassment sa piket ng magsasaka sa Hacienda Yulo. Patuloy pa rin ang pagtatakip sa problema ng lupain sa Hacienda Luisita.

Nitong linggo, ipinagbunyi ng mga diyaryo na na-settle na raw ang problema sa Hacienda Luisita. Nagkasundo na ang mga magsasaka at mga Conjuangco at Aquino na magbigay ng dalawang opsyon sa sumasaka: stock option (na siya ngang dahilan sa patuloy na paghihirap ng magsasaka roon), at piraso ng lupain. Mabilis ang pahayag ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, hunghang ang sinasabing kasunduan.

Tanging ang faksyong matagal nang sumusuporta sa mga haciendero ang napapayag sa kasunduan. Maging ang konserbatibong si Christian Monsod, isa sa gumawa ng 1987 Constitution, ang nagsaad ng pagkadismaya sa inaakalang resolusyon sa problema sa Hacienda Luisita. Wala raw sa spirit ng konstitusyon ang paraan ng pagkaresolba nito.

Sa panitikan, ang manunulat na lumilikha para sa kanyang sarili, ang tumuturing sa sarili bilang natatangi at dakila ay sinasabing “manunulat sa toreng garing” (ivory tower). Ito ang manunulat na magsusulat ng kanyang obra, kahit hindi pa maintindihan ng mambabasa. Mambabasa ang humabol para maunawaan siya, basahin din ang nabasa ng manunulat.

May sariling mundo ang manunulat na ganito, at pati ang hacienderong katumbas nito sa kasalukuyang lipunan (ang kapyudalan sa uri ng pagkaunlad ng kapitalismo sa bansa). May sarili itong lohika, at siya lamang ang nakakaintindi nito. Sa manunulat, ito ang pagdakila sa Literatura, ang panulat para sa sining at katotohanan ng sarili (ng manunulat lamang).

Sa kontemporaryong haciendero, ito ang pagbabalat-kayo: hacienderong artista at host na aagawan ang mismong kapatid na pangulo ng moment (inagurasyon) para ibuyanyang ang domestikong problema (ang paghihiwalay sa asawa); hacienderong anak ng mag-asawang pambansang bayaning haciendero na magiging pangulo (na haciendero pa rin); o haciendero sa akademya na ang entitlement ay ang inaakalang intelekwtal na publiko kahit pa wala namang akademikong librong nalathala (ay anong sakit!).

Ang taong namumuhay sa toreng garing ay namumuhay sa purong ere ng kapital. Pinakamabilis ang sirkulasyon sa unibersalisasyon at ahistorisasyon, ang diwa ng neoliberalismong ipinapatupad sa kasalukuyan. Kapag namuhay ka sa ere, mas masakit ang paglagapak sa lupa. Kaya patuloy ang pagkapit sa ere bilang pagkapit sa sariling buhay ng kapital.

Kapag nasa toreng garing, alapaap ang tanawin. At sa alapaap, ang masayang realisasyon na ang lahat ng natatanaw ay sa iyo. Kahit pa sa huli, ang katiyakang babagsak ang toreng garing dahil may mas maraming nagbubuklod araw-araw para ibagsak ang kaayusang nagbibiyaya sa iilan at nagpapasakit sa nakararami. Pero sa ere, at sa tanawing walang hanggan at walang historikal, ang trahedyang nagbabalat-kayo pa rin kahit na nag-iisa, at ang mas malaking trahedyang bilang na ang sandaling ganito.

Unang nailathala sa Pasintabi kolum noong ika-9 ng Agosto, 2010, Pinoyweekly.org.

Advertisements