Isyung pangkababaihan sa politikal na detensyon

by rolandotolentino

May Facebook campaign na nagso-solicit ng donasyong pangsanggol para kina Judielyn Carina Oliveros na manganganak sa 27 Hulyo 2010, at Mercy Castro sa Oktubre. Ika ng post, “We are calling on everyone who would like to donate toiletries, vitamins, needs of the babies- baby clothes, breast pumps, diapers, blankets, pillows, and cash donations are also welcome.”

Kabahagi sina Judielyn at Mercy ng Morong 43, mga detenidong politikal mula sa sektor ng kalusugan. Ilan nang babae ang nagdalangtao at nagsilang, nagpalaki ng bata sa kulungan? Tunay na mabigat ang pasanin ng kumikilos na kababaihan. Ayaw ko mang iromantisa ang maternalismo sa kababaihan, doble pa rin ang atas sa babaeng politikal: naninindigan, at nagsisilang at nangangalaga ng sanggol.

Kaya sa usaping humanitarianismo nakasandig ang lohika nang mas kagyat na pagpapalaya sa kababaihang nagdadalang-tao. Sa isyu ng “human decency” o batayang karangalan ng isang ina dumudulog ang mga ito para sa kanilang paglaya. Palayain sila dahil hindi lugar para sa isang nagdadalang-tao ang magsilang habang nasa kulungan, lalo pa’t magpalaki ng sanggol dito.

Kababaihan ang tila sinesentruhan ng kampanyang counter-insurgency ng gobyerno. Ayon sa ulat ng Bulatlat.com, ang sanggol na si Gabriella Llesis ay sampung buwan noong Disyembre 2003. Sampung buwan na rin siya sa kulungan dahil ipinanganak siya ng kanyang ina, si Zenaida, habang ito ay nasa detensyon.

Ayon sa Center for Women’s Resources (2010), “Inulat ng Karapatan na may 1,188 na biktima ng extrajudicial killings mula 21 Enero 2001 hanggang 31 Disyembre 2009, 153 o 13 porsyento ng mga biktima ay kababaihan, 75 ay mga bata. Sa 205 na biktima ng enforced disappearance, 31 o 15 porsyento ay kababaihan” (sipi kay Anne Marxze D. Umil, Bulatlat.com).

Politikal na postura ang humanitarianismo dahil ito ang sandigan ng liberal na demokrasya—ang pamumuhay nang disente, kahit pa sa kondisyon ng mga preso, na sa non-exceptionalismo ng batas, mayroon itong puso para tugunan ang natatanging sirkumstansya ng mga mamamayan nito. Patas man sa batas, makatao pa rin ang puno’t dulo nito.

Natatangi si Noynoy Aquino dahil siya man ay anak ng isang politikal na detenido. Pitong taon at pitong buwan ikinulong ang kanyang amang si Ninoy. Ganito rin kahaba ang pasok-labas ng pamilya niya sa kulungan para dalawin ang ama. Malaking bahagi ng kanyang kabataan ay minarkahan ng karanasan sa pagdalaw sa kulungan.

Ang kaibahan ng kanyang ama sa maraming babaeng politikal na detenido ay ang antas ng politikal na kamulatan kung bakit sila nasa detensyon. Oposisyunista si Ninoy sa kalakarang parliamentaryo ni Marcos. Marami sa nakakulong na kababaihan ay mga NGO workers at pinaghihinalaang rebelde. Kung NGO workers, sila ang umaako ng public service sa mga larangang in-abdicate ng gobyerno.

Kung rebelde sila, mas mataas ang politikal na kamalayan ang isinasaad. Mas peligroso sa mata ng gobyerno at military, pero hindi pa rin lubos. Dahil sa ngalan ng counter-insurgency na programa nito, pinapaslang na lamang ang tunay na peligroso o dinadampot para hindi na matagpuan muli.

Ito ang karagdagang talas ng inang politikal na detenido. Na ituring maski ang kulungan, ang luklukan ng mga latak at patapon ng estado, na isang pagtutuloy ng politikal na pakikibaka para sa paninindigang manindigan at mamuhay ng disente. Na bagamat ang lalakeng politikal na detenido ay may ganitong pagkilos din sa kulungan, ang figura ng ina ang may pagsaad ng karagdagang tungkulin: ang politikal na “kananayan” (mothering).

Retorikal ang tanong sa titulo ng pelikulang Andrea, Paano ba Maging Isang Ina (Gil Portes, 1990), ukol sa inang NPA na nakulong. Araw-araw na pagdadalang-tao’t nagsilang, nararanas itong magkasalikop na identidad: ang pagiging ina at pagiging politikal na detenido.

Unang nailathala sa Pasintabi kolum noong ika-11 ng Hulyo, 2010, Pinoyweekly.org.

Advertisements