Inagurasyon bilang noontime show

by rolandotolentino

Sa dami ng personalidad sa showbiz na sumuporta kay Noynoy Aquino, unang hinudyat ng kanyang MTV na may sulo bilang tanglaw sa kadiliman, ay malakas na senyales kung saan papabor ang popular na sentimiento ng boboto. At hindi nga nagkamali, ang army ng showbiz personalities ay paratihan natunghayan sa kanyang komersyal at kampanya.

Di ito katulad ng showbiz supporters ni Manny Villar (Dolphy, Manny Pacquiao at Willie Revillame), malaki ang usap-usapan sa milyones na binayad. Ang kay Aquino ay galing sa wagas at dalisay na paniniwala siya na nga (the chosen one, kumbaga).

Kaya wala naman ang nasurpresa na ang inagurasyon ni Aquino ay naging isang showbiz platform. Hindi aksidente na ito ay idinaos sa tanghaling tapat, at ang kagyat na referensya sa estetikang bumalot sa palabas ay halaw sa noontime show. Nandoon ang halo-halong kalamay na mga artista at mang-aawit, may theme song, may solemn moment tulad ng pag-aantay sa kasagutan ng kontestant sa final na tanong na bigtime na magpapanalo o magpapabokya, at may feel good moment na “oo, mahirap lang tayo pero kaya natin ito!”

Kung sa libing ni Cory Aquino na natapat sa noontime show ni Revillame unang nag-landslide ang kanyang kayabangan para ibaon ito na hindi na makakapanumbalik (na parang di nakakasapat ang “Wowowee tragedy” na kinamatayan ng 71 na katao at kinasugatan ng 392 iba pa, at na-cleared na ng Department of Justice ang host) sa kanyang show, ang inagurasyon ni Aquino ang nagtiyak naman na ang noontime show ang siyang mangyayaring hari sa televisual na sandali.

Siguro ay inisip ni Revillame hindi lang kung bakit sa oras pa niya natapat ang libing ng santa kundi ang imposibilidad na maipaloob ito sa mismong noontime show. Ang solusyon sa predikamento ay gawin isang noontime show ang mga pambansang spectacle.

Sanay naman ang live coverage nito na mayroong hierarkiya sa studio at location. Nandoon ang pinagpipitaganang artista, panauhing pandangal at host sa entablado, maging ang balikbayan sa piling seksyon nito, at ang mas maraming bilang sa hanay ng audience, sa ibaba ng entablado.

Puro pop singers ang namayani, walang poet laureate tulad sa inagurasyon sa US para bumigkas ng tula ukol sa sandali ng panunumpa at ang isinasaad nitong ethos sa bansa. Pop goes the ‘Pinas world, at party Pilipinas ang moda ng pagdanas nito.

Variety show na halaw at hindi halaw kay Kuya Germs (aka German Moreno at ang kanyang naunang daigdig ng bodabil, Germspesyal, That’s Entertainment at Walang Tulugan). Walang rhyme or reason ang sequencing ng mga bilang kay Kuya Germs, total entertainment package ang ipinapangako lamang nito. Di nga ba’t tila may tampo pa si Kuya Germs sa hindi pagkonsulta sa kanya hinggil sa format ng inagurasyon, gayong variety show lamang pala ang gustong gawin ng mga tao ni Aquino?

Sa kasaysayan ng noontime show na naabutan ko, ang Student Canteen na aral na mga host ang namamayagpag dito, sa opening sequence ay nagpapalitan pa ito ng kuro-kuro hinggil sa current events. Parang ang comedy sequence sa stand-up hosts ng late night sa U.S. na sina Jay Leno, David Letterman at Jimmy Fallon na may nakakatawang komentaryo hinggil sa balita sa loob at labas ng bansa nila.

Ngayon ay ang edad medya ng talk shows, lampas sa Dark Ages na walang pagkaunlad pero nasa edad ng walang katiyakan. Alam mong galing ka na sa burak pero hindi mo alam kung saan ka dadalhin ng pagkaahon. Hindi ba’t hindi lamang ito ang sinasaad ng noontime variety show kundi ng mismong edad ng bansa sa estado poder ni Aquino?

Unang nailathala sa Pasintabi kolum noong ika-4 ng Hulyo, 2010, Pinoyweekly.org.

Advertisements