Pananaw ng Metro Manila mula sa 17th floor ng gusali

by rolandotolentino

Nagkaroon ng forum ang grupong Pagbabago: People’s Movement for Change na pinamagatang “Hocus-PCOS and Noynoy’s First 100” na nagtangkang magbigay-tasa sa naganap na unang automated elections system na ginamit sa bansa at ang people’s agenda na nilalayong asikasuhin ni Presidente Noynoy Aquino sa kanyang unang 100 na araw.

Ginanap ito sa 17th floor ng Bro. Andrew Gonzalez Building ng De La Salle University (DLSU), ang unang unibersidad na pataas na ang expansyon, hindi na lamang horizontal o sa ibang sityo at kampus lumalawak. Matatanaw ang syudad na walang tuloy-tuloy na skyline. May enclave ng mga gusaling nagsisiksikan sa Makati, Ortigas at Libis. Nagkukumpulan, di nakalatag ng kaisahan.

Urban exceptionalism pa rin ang Metro Manila. Kahit pa ito ang pangunahing syudad sa bansa, nagkakahiwalay pa rin ang daloy ng modernidad sa Metro Manila. Sa malawak na pagkakataon, tanaw din ang kahirapan, ang mga lupon ng barung-barong o ang mga di pinalitadang mga bahay.

Mula sa itaas ng gusali, ang syudad ay pawang kalawakan. Tanaw ang kalangitan mula sa mga bintana ng auditorium. Mas may ugnay sa abstraksyon ng langit at kaluwalhatiang sinisimbolo nito kaysa sa lupa at ang kahirapang saklaw ng natatanaw. Lutang kaysa nakapirmi, nakasanga kaysa nakaugat.

Ang pakiwari mula sa tore ay nakaaangat sa nakararami. Tila mga langgam ang mga taong natatanaw sa ibaba, matchbox ang mga kotse, laruang tren ang LRT. Parang may kapangyarihan kahit wala. Ang tanging kapangyarihan ay ang pag-epekto ng saklaw ng visualidad: ang kakayahang makatanaw ng panorama mula sa itaas kahit wala namang magagawa sa tinatamasang suliranin ng mga tao at komunidad sa ibaba.

Sa gayon, ang exceptionalismo ng urbanismo ay ang imahen ng mangilan-ngilang bahagi ng imahen, hindi ng kabuuan nito. Hindi ba katulad ng skyline ng New York City, na kahit sa seryeng “Friends” lamang natutunghayan, may kabuuang urbanidad ang mga toreng gusaling nag-uunahang umakyat sa limitadong espasyo. At sa iba pang seryeng nakabatay sa syudad na ito, ang grid na natutunghayan mula sa helicopter shots nang walang palyang building kete building sa nagsisiksikang isla.

Mula sa punto-de-bista ng gusali sa DLSU, hindi nag-uunahang tumindig ang mga gusali. Para na lamang itong oasis sa gitna ng kalakhang patag na konkreto at manakanakang puno. Natatanaw ang potensyal na maging ang buong Metro Manila, gayong ang pagiging nito ay nagbabadya nang mas matagalan pang pag-aantay. Bago pa man maging ang Metro Manila, paratihan na itong hinihigop ng naging, kaya ang pagiging ang perenyal nitong estado: pagiging metropolitan ang Manila, kailanman hindi aabot sa estado ng ideal na Metro Manila.

Kaya ang tanaw na metropolitanismo ay ang urbanidad ng kahirapan at di-kapantayan ng pagkalatag ng mismong urbanismo. Ang oasis sa imahen ay ang sachet sa global na urbanismo ng Metro Manila—patikim sa posibilidad ng kumpletong urbanismo sa antas ng pag-unlad na nakakaya nito: ang manakanakang pag-unlad. Sa pangkalahatan, ang imahen ng urbanidad mula sa gusali ay ang kawalan nito sa premyadong syudad ng bansa.

Natatangi pa rin ang pagtanaw sa panorama dahil hindi naman ito matutunghayan ng mismong nakararami. Halimbawa, ang mga gusali sa UP o Technohub ay walang ganitong panorama kundi ang pananaw na luntian at busilak ang mga lunang ito. Sagrado para sa edukasyon at aksesorya ng edukasyon, kumbaga, kahit hindi naman lubos.

Reafirmasyon ng estadong natamo ng individual o kanyang pamilya ang pagkakaroon ng tanawin tulad ng sa matayog na gusali. May wifi na higit pang nakakapaglakbay sa virtual na uniberso kahit ang mismong katayuan sa mga kwarto ng gusali ay isang virtual na posisyon sa materialidad ng buhay ng nakararami. O maari rin namang isara ang kurtina, nagmistulang nakalutang kundi man nakahiwalay sa imahinaryo ng kahirapan at di-kapantayan ng nakararami.

Parang nanonood ng protesta sa telebisyon gayong sa Quezon Hall, Mendiola o US Embassy lang ito nagaganap. Distansyado na parang kasing layo ng natatanaw na karimlan ang mga ito. Pinili nang magkaroon ng kawalan-epekto, at kung mayroon man, piniling hindi pa rin lubos na maapektuhan para mapakilos.

Ito ang kayabangan ng posisyon. Ondoy-in man ang buong Metro Manila, mag-global warming man at lumubog ang kalahati ng syudad, nananatiling nasa ligtas na poder pa rin ang tumatanaw. Apektadong maantig ang individual pero apektadong nakakaparalisa’t hanggang sa charity work ang rekurso.

Matapos ang forum, dali-dali akong bumaba sa nagsisiksikang pasahero sa elevator. Dali-daling gustong umalis sa rito at bumalik sa roon.


Imahen mula sa http://www.blog.travelpod.com/

Unang nailathala sa Pasintabi kolum noong ika-27 ng Hunyo, 2010, Pinoyweekly.org.

Advertisements