Kasal sa tag-init

by rolandotolentino

para kina Bong at Grace

Pinili nilang magpakasal sa pinakamainit na tag-init sa matagal na kasaysayan ng bansa. Ito ang panahong kapapaligo pa lamang, namumutiktik na ng pawis ang katawan habang nagbibihis. At matapos magbihis, parang nakapaligo na naman ang hitsura: basang-basa ang pangangatawan.

Ito rin ang isa sa pinakamainit na tag-init na nangyayari kada-anim na taon—ang pagdaos ng pambansang eleksyon sa bansa. Dalawang araw lang bago mag-Mayo 10 nang dumalo ako sa kasal na ito. Tagaytay kaya ang karanasang may degree of difficulty sa mga dadalo ay tunay ngang nangyari. Habang papalapit ang araw ng kasal, unti-unting nalagas ang bisitang hindi nahimok ng malayo at mainit na biyahe.

Ewan ko kung bakit pinipili ng mga kabataang magpakasal sa panahon ng tag-init. Ang mga romantiko ay sa June dahil nais mabansagang “June bride” o Disyembre dahil malamig–at sa stereotipikong ugnay, romantiko—na okasyon ng pag-iisang dibdib. Marahil, may perverse na ugnay din ang init sa heograpikal at politikal na panahon sa alab ng pag-ibig.

Di nga ba’t ang Scorpio Nights at iba pang underclass na pag-ibig ay parating nirerepresenta ng hubad at namamawis na katawan? Pero, wala namang underclass sa pares na ito. Hindi naman naiisip na abang uri sila, dahil kung naisip nila ito, hindi naman sila magpapakasal sa klase ng pagpapakasal nila. O for that matter, wala namang nagpapakasal—tulad ng iba pang di-ordinaryo’t pang-araw-araw na buhay—na iniisip ang kanilang material na lagay.

Parating ang pagpapakasal, tulad ng anumang joyous na okasyon sa mantra ng gitnang uri, ay isinasabuhay sa aspirasyonal na antas: ano ang nais maging, ano ang gustong maitatwa sa front stage, ano ang gustong idispley sa eskaparateng tutunghayan ng publikong mahalaga ang opinyon? Ang okasyon ay naglalahad ng panghinaharap, hindi ng kasalukuyan.

At ang matagumpay na okasyon ay ang kayang burahin ang pangnagdaan, na parang walang alaala maliban sa ilang gitnang uring kilalang naratibo. Sa okasyon ng kasal, ng imortal na pag-ibig, ng romantikong simulain na nagsasaad na “they were meant for each other,” ng “love is patient, love is kind.”

Ngayon ko lang naisip, maliban pala sa dalawang positibong paglalahad kung ano ang pag-ibig sa biblikal na sipi, ang kasunod nito ay puro negation: kung ano hindi dapat ang pag-ibig. “It does not envy, it does not boast, it is not proud…” Kung ang pag-ibig ay negation sa mismong araw ng kasal, bakit pa piniling magpakasal?

May awa ang pag-ibig, may katarungan ito. Bago magsaad na umiibig, kailangan munang magsaad ng kapatawaran at parusa, at matapos ang awa na pinapatawad kahit hindi kinalilimutan, at matapos nito, na pinapatawad na at kinalilimutan pa. At sa yugto lamang na pinapatawad at kinakalimutan, ang awa ay papaimbabaw, at ito lamang ang sandali ng tunay na pag-ibig.

Hindi pwedeng pumasok ang awa kaagad dahil, tulad sa kaso ng unilateral na politikal na pagpapatawad ni Gloria Arroyo kay Joseph Estrada, sukdulang arrogance ito. Kaninong ngalan ibinibigay ang kapatawaran? Kaya kahit pa pumangalawa si Estrada sa pagkapangulo, pinatawad man siya pero hindi kinalimutan ang kanyang kasalanan. Walang awa na naibigay, walang pag-ibig na naidambana para muling maging pangulo ng bansa.

Tulad ng naunang pagsaksi (always-the-ninong but minus the rice-dispenser o electric fan-gift) kina Vencer at Silay, muli akong sumasaksi sa kasal nina Bong at Grace sa pinakamaiinit na tag-init. At habang nagpapaypay sa hindi matuyo-tuyong polo, iniisip ko ang maari kong maibahagi sa bagong kasal: inyo ito, inyo ang mundo, humayo at magmahalan sa abot ng inyong makakaya.

Unang nailathala sa Pasintabi kolum noong ika-1 ng Hunyo, 2010, Pinoyweekly.org.

Advertisements