Balikbayan box

by rolandotolentino

Sa airport sa Honolulu, kaiba ang pila sa Philippine Airlines. Kung sa ibang airlines ay mabilis ang pagproseso ng ticket at boarding pass, mabilis ang pila dahil mabilis ang mga pasehero sa pagbitbit ng kanilang bagahe, sa destinasyong pa-Pilipinas ay hindi.

Magkakasinglaking kahon ang bitbit ng maraming pauwi ng Pilipinas. Naperfekto na ang paraan ng pag-uwi ng bagaheng naglalaman ng pasalubong. Mabibigat ang balikbayan box, na hango sa retorika ni Marcos na nag-imbento ng salitang “balikbayan” (balik sa bayan) bilang panghihimok ng panunumbalik sa Pilipinas ng mga imigrante (lalo na sa US) at migranteng manggagawa (mula sa lahat ng panig ng mundo).

Kahit pa pababa nang pababa ang bigat na pwedeng iuwi ng pasahero (naalaala ko dati ay 35 kilos na naging 30 at 25 kilos, ngayon ay 50 lbs. na lamang), di pa rin nababawasan ang bilang ng bagaheng minamaximisa ang alokasyon. Nakita ko nga ang nanay ko sa Los Angeles, pati sobrang toothpaste at bagong pantalon na ayaw na niyang suotin ay gusting ipasamang pauwi sa akin.

Ang balikbayan box ang inaakalang substitute ng aktwal na taong umuuwi, kahit pa kasama ito ng mismong tao. May balikbayan box na sa barko isinasakay par ipadeliver door-to-door sa pamilya sa Pilipinas. Matiyaga itong pinupuno ng mga napamili sa swap meet (outdoor tiangge), yard sale, sa outlet store o bigay ng at hingi sa kung sino-sino.

Matatagpuan ito sa mga kloseta na parang black hole na nakabuka at isa-isang hinihigop ang mga gamit na pupuno sa kahon. Ito ang substitute ng katawang di makauwi, at para na ring umuwi dahil door-to-door ang pickup at delivery nito. Sa pagdeliver nga nito, may kuha pang litrato na ipapadala sa nagpadala para masabing walang nabawas sa padala at para na rin matunghayan ang hitsura at lagay ng pagkatanggap.

Mas espesyal ang bitbit na balikbayan box sa eroplano. May degree of difficulty ito dahil una, kailangan ay sumakto sa timbang; ikalawa, kailangang mas piling bagay ang nasa kahon dahil nakakairita naman matunghayan ng nagbitbit na nakasimangot ang pagbibigyan dahil hindi kilala ang brand ng sapatos o pagkaing inuuwi; at ikatlo, dahil mas personalisado ang akto ng pamimili, pag-uwi at pamimigay ng laman ng kahon.

Kaya ang balikbayan box ay hindi kahon lamang. Perfekto ang kanyang laki para maikamada ito sa eroplano at barko, sakto ang laki sa pagkamada sa delivery van, at kayang mabitbit ng nagpapadala at nang magdedeliver. Perfekto ang relay nito mula sa tagapimili, taga-pickup, taga-ship out, taga-deliver, at tagatanggap nito.

Sinakto ng negosyo at ng pagmimina sa emosyon ng diasporikong pamilya ang panahon, espasyo at pagkabagay ng balikbayan box. Pwede namang key chain o sticker lang ang pasalubong pero hindi ito ang laman ng kahon. Sapatos, de lata, pagkain, twalya, dekorasyon, at iba pang gamit na parehong may praktikal na halaga at may marka ng pagkagitnang uri.

Ang umuuwing kahon ang nagbibigay ng mga marka ng pagkabilang sa gitnang uri. Kaya kailangang branded, may rekognisyon, may pinagkagastahan, may pag-aasam, at walang pag-iimbot. Hindi mukhang tinipid kahit naman galing sa diskwentong establisyimento at transaksyon. Dahil ang referensiya ng anumang balikbayan box, kundi man ng simpleng maletang pumopostura na rin bilang balikbayan box, ay ang mismong pagkatao ng balikbayan.

Maigting ang konsepto ng balikbayan dahil ito ay nakaukol sa pag-uwi at ang sumpang makauwi ng sinumang Filipinong nangibang bayan. Hindi bansa ang binibigyan-diin kundi ang mas nakaugat na nosyon ng bayan: ang identifikasyon na hindi ka lamang umuuwi sa Pilipinas kundi sa sariling bayan ng Calamba, Laguna o Malaybalay, Bukidnon.

Kaya maigting ang perversyon ng pang-estadong konseptong nakakapanghimok magpauwi sa balikbayan. Mula sa komersyalisadong potensyal ng balikbayan (na inaasahang gumastos sa lahat ng lakad, magsponsor sa lahat ng aktibidad), ang kanyang substansya ay kinailangan pa ng ibang bagay: ang balikbayan box.

Kahon ng goodies ang kanyang pasalubong kahit na siya mismo ang dapat ang pinakamainam na pasalubong ng sinumang nawalay nang matagal. Pero naging chika na lamang ito, dahil ang mas mahalaga ay ang kanyang komersyal at panlipunang potensyal, pati ng kanyang bitbit na kahon. Na siyang umalis ay bumabalik nang may ganyak na magiging mapagbigay ng gamit at pera bilang alternatibong paraan ng wealth distribution.

At ang kanyang kahon ang extensyon ng posibilidad na ito. Na papaboran ng laman nito ang pagnanasang maging gitnang uri ang di naman talaga gitnang uri. At kung gayon, heto na naman ang lumpen proletarianisasyon ng ating pambansang buhay: inaakda bilang gitnang uri kahit di pa man umuuwi ang tao at kahong magsasakatuparan—kahit temporal lamang—nito.

One-way ang destinasyon ng balikbayan box, dahil mas kailangang patunayan ang kahit pamandaliang entrada at pagdanas ng gitnang uri sa bansang sinilangan kaysa sa pinagtrabahuang bansa. Pagkilala rin na hindi naman nagbabalikbayan ang balikbayan sa US at lugar na kanyang pinagtratrabahuan at pinaninirahan.

Balikbayan at balikbayan box dahil sa guilt-trip na nakakapanghimok umuwi at magpauwi, umasang mabuo ang di na kailanman mabubuo pa, maging masaya kahit sa isang mabilis na saglit lamang. Kakambal na sumpa ng pagbalik ang sumpa ng pag-alis, at ang sumpa na hindi na siya balikbayan at wala na siyang kahon kapag siya ay umalis.

Unang nailathala sa Pasintabi kolum noong ika-8 ng Pebrero, 2010, Pinoyweekly.org.

Advertisements