Modang Biktima at Queer na Politika

by rolandotolentino

Nagbigay ng panayam si Robert Diaz ng Wayne State University ukol sa biktimisasyon ng isang bading o lesbiana bilang lohika ng queer na politika ng identidad ng mga ito at ng intersabjektibidad nito sa kapwa. Ginamit niyang halimbawa ang Markova: Comfort Gay (2000), at ang eksenang iinterbyuhin si Markova ng peryodistang si Loren Legarda.

Hindi maunawaan ni Loren kung bakit bading ang naroon sa inaakalang follow-up sa kanyang pag-uulat hinggil sa comfort women. Ang kalituhan ay dulot na rin ng mismong aberasyon sa identidad ni Markova, na ang puwang ng biktimisasyon ay dati lang nakalaan sa mga babaeng ginawang puta sa panahon ng World War II.

At mula sa moda ng pakikipagkapwa—ng kahalintulad na biktimisasyon ng queer na identidad sa iba pang “biktima” ng gahum—nailuluwal ang kontraryong figura ng queer. Hindi lubos na pareho, hindi rin lubos na kaiba ang queer na kondisyon sa iba pang kondisyon ng panunupil at pagkasupil. Kaya aberrant na identidad dahil ang mismong kondisyon ng posibilidad—ng pag-alinsunod at pagbalikwas—ay kalahating nakapaloob at kalahating nasa labas ng kapangyarihan.

Habang nakikinig ay naisip ko ang ilan pang mas hayagang interseksyon ng modang biktima at queer na politika sa kagyat na kaganapan sa bansa. Una ay ang nangyari sa Ondoy na di naman namili ng bibiktimahin kahit pa may nabuong hierarkiya ng pamimili ang maykaya, pati ang kaganapan ng pagtulong at tutulungan. Nang maganap ang pagbaha, ang mga nasalanta ay mga tahanan at pamilyang nagdulot ng kalituhan sa tradisyunal na gender roles.

Ke lalake o babae ay nagtulungan para sa paglikas ng mga nakakatanda at musmos. Pati ang pagsalba sa mga mabubuhat sa mas mataas na lugar. May kaguro akong lalake na nasalanta ang kanyang mga libro dahil ang inuna niya ay ang mga gamit na pinakikinabangan ng buong pamilya. Mabilis ang pagbaha at hindi na niya nailikas ang kanyang mahahalagang librong gamit sa kanyang skolarsyip.

Patang-pata ang kapatid kong babae sa paglilinis ng putik sa loob ng kanilang bahay sa Marikina. At kahit pa mas mabigat na gawain ang sa kanyang asawa, pareho silang kailangang uminom ng muscle relaxant pagkatapos ng mga araw nang paglilinis. Sa normalisasyon ng pang-araw-araw na buhay matapos ang trahedya, unti-unting babalik ang gender role.

Pero sa sandali ng trahedya, ang queer na politika ang makakapagpaliwanag kung bakit nabubuhat ng babae ang kanilang ref para ilikas sa pangalawang palapag ng bahay, o ang lalake na walang silbi ang pagka-macho sa pagka-stranded ng sasakyan sa baha. Ang disaster ay naging leveling ground para sa gender roles, pero tulad ng pagkapatag ng mga uri sa malling at gitnang uring kulturang popular, ang pagdanas ay nasa kagyat na kasalukuyan ng kaganapan lamang.

Ilakip pa rito ang matamlay na reaksyon ng mamamayan sa pamahalaan sa mismong isyu ng governance: kung bakit walang kahandaan at mekanismo na nakalagak sa panahon bago ang disaster para sa mas efisyenteng pagma-manage ng disaster sa aktwal na pagdanas nito. Napakinabangan ng estado ang leveled ground ng gender roles sa disaster para patamlayin ang politikal, at naipagtagumpayan na tunay ngang “acts of God” ito, at kung gayon, walang insurance coverage.

Ang ikalawang pumasok sa aking isipan ay ang kaso ng Ampatuan masaker. Tunay na resulta ng patriarka ang kaharasan sa kababaihan! At ang karahasan ay nakaugnay pa rin sa war lords at trapo (tradisyonal na politika) sa bansa. Sa isang banda, lahat ay nafeminisado sa saklaw at detalye ng karahasan: nagluluksa, nakikiisa, nangangalit, nagiging emosyonal na domeyn ng feminine, at napapatanga habang araw-araw ay lumalaki ang bilang at intensidad ng akawnt ng karahasan.

Sa kabilang banda, nagpostura macho ang civil society, pati na ang iba’t ibang grupo ng media: nagproprotesta, matatapang ang pahayag, naninindigan, nagkakaisang hanay, at nagkakapit-bisig. Gayunpaman, sa postura ng estado—hinalaw ang insidente sa kaso ng rebelyon at nang sa gayon ay matukoy ang kapanalig ni Gloria Arroyo bilang tunay na exceptional na relasyong kailangan ng may pagdistansya—ay matutunghayan na wala namang binatbat ang macho posturing.

Nagpapaka-macho pero nakakayanang patamemehin sa pagkakataong ang may hawak ng bola—executive, investigative, judicial, pulisya—ay ang estado. Na hindi naman kakatwa dahil sa dalawang insidente ng Ondoy disaster at Ampatuan masaker, ang stage management ng kaganapan ay may orkestrasyon pa rin ng estado at ang lohika ng kapital. Hinahayaan ang mapupusok na damdamin—outburst ng ilang tao hinggil sa kapabayaan ng goberyno, pero patatamlayin ng coverage sa telebisyon sa pamamagitan ng walang-sisihan mode, at ang natural na rekurso sa charity work ng mamamayan at insitusyon para gawin ang dapat ginawa at ginagawa ng estado—para lamang ito pahupain.

Sa madaling salita, pinagmo-moment lamang para pagkatapos ay magmukhang tanga o cute ang nag-eemo. Ang queer na politika—ang ambivalence ng gender roles sa panahon ng disaster at skandalo—ay umaangat ng moda ng biktima at biktimisasyon, at madaling i-appropriate ng mismong estado mula sa mamamayang nakararanas ng di-normal na kaganapan. Na magpapaisip na sa normal na kaganapan, mas nagagamit ang queer na politika para sinsinin ang natural na pang-araw-araw na management ng estado sa buhay ng mamamayan.

Halimbawa ng pang-araw-araw na management na ito ay ang pluralidad ng personahe at interes ng presidentiables—na parang may pagpipilian kahit naman pagkatapos ng eleksyon, parehong makauring interes naman ang maghahari. Kailangan muling iriimbento ang mukha ng bangkaroteng estado ni Arroyo, at ang eleksyon ang ritual na nagtitiyak na ang bangkaroteng sistemang panlipunan ay manatili.

Si Manny Villar, Noynoy Aquino, Joseph Estrada at Gilbert Teodoro—mga pangunahing kandidato sa pagkapresidente ng bansa—ay iba-iba ang personalidad, sound byte at tagline sa infomercial sa media. Iba-iba ang kulay na gamit pero iisa lang din naman ang tunay na kulay. At nakakatiyak na hindi malayo ang bunga sa puno ng trapo na nagluwal sa kanila.

Lahat ay gumagamit ng biktimisasyon para sa kanilang naratibong inilalako sa botante: ang kahirapan ni Villar, ang pagkaulila ni Noynoy at ang utang ng bayan sa kanyang magulang na pambansang bayani, ang pagkaaresto at pagkakulong kay Estrada, at ang pagkahon kay Teodoro bilang walang sariling pagkatao lampas sa buhay na dulot ni Arroyo, ang ofisyal na designate nito para sa eleksyon.

Feminisado sila, at ang botante ang may macho task na piliin ang pinakamabuti para sa bansa. Sa huli, kahit sino ang mahalal, ang mamamayan ang dehado dahil ang mas makauring interes ang mamamayani, hindi ang sa sambayanan. Feminisado ang bayan, nagtagumpay ang machong trapo. Ang papel ng kapital ay ipamukhang may pagpipilian na bagong mukha ang luma at nabubulok na katawan ng politika nito.

Ang papel ng kilusang masa ay ibuyanyang ang nabubulok na bangkay, at tiyaking mabubulok ito sa pagdating ngn kingdom come. Maaring pumaloob sa mismong bangkay para mas mabigwasan ang pahingalo pero may kapasidad ng resureksyong buhay ng estado. Magagamit ang queer na politika sa paglalantad di lamang ng biktimang pinaghuhugutan ng lakas at panunupil ng naghihingalong bangkay, kundi ng biktimang may kapasidad manlaban at bumalikwas, kontraryo sa paradigm ng docile na biktima.

Sa ganitong pagkakataon, ang figura ng nanlalabang biktima ang kinakailangang magkaroon ng pangalawang buhay na susupil sa naghihingalong bangkaroteng katawan ng estado.

Unang nailathala sa Kulturang Popular Kutura kolum noong ika-10 ng Pebrero, 2010, Bulatlat.com.

Advertisements