Popular na Relihiyosidad

by rolandotolentino

Media ang pangunahing lagusan ng kolektibong persepsyon ng individual tungo sa kolektibong relihiyosidad. Popular itong relihiyosidad dahil katuwang ang media sa paghulma at pagsubstansya ng kalidad ng partisipasyon at debosyon nito. Kapag may potensyal sa kita, ito ang nagiging kulturang popular ng relihiyosidad. Kapag ito ay nananatiling sa laylayan ng debosyonal—tulad ng paglalakad ng paluhod sa Quiapo at pagpepenitensya, hindi mapapagkakitaan—ito ang popular na relihiyosidad.

Hindi naman mutually exclusive ang dalawa. Sa katunayan, ang pagpapako sa krus, halimbawa, ay nagiging turistang destinasyon sa maraming bayan sa Pampanga tuwing Biernes Santo. O ang panonood ng misa sa telebisyon ang siya rin nagiging rekurso ng mga taong nakapambahay pa, hindi damit pangsimba bilang pinakaformal sa pagpipilian, maaring naka-rollers pa at kagigising pa lang, para i-reenact ang debosyon tuwing Linggo ng umaga.

Nasa popular na relihiyosidad ang potensyal para sa parehong radikal na subersyon at inkorporasyon sa kapitalistang gawi, pati ng simbahan at iba pang relihiyosong institusyon. Ang patuloy na pagpapako sa krus sa Pampanga ay parehong panggagaya at pambabalahura sa pagpapakasakit ni Hesukristo na tiyak na ikakabahala ng simbahang Katoliko pero hindi nito ikamamatay.

Sa telebisyon, sa aking palagay, ang pangunahing lagusan ng popular na relihiyosidad at kulturang popular hinggil sa relihiyosidad. Ang telebisyon ay kakatwang media dahil bastos ito—pwedeng nakahilata habang nanonood, nakapambahay, nagbabasa ng diyaryo, kumakain ng hapunan, palipat-lipat ng channel, o biglaang pinapatay para pumunta sa banyo o sa labas.

Ang teleseryeng May Bukas Pa ang naging pangunahing exposure ng manonood sa popular na relihiyosidad. Staged ito o pinapalabas para sa kita ng higanteng media conglomorate ng ABS-CBN, ang teleserye ay ukol sa batang lalake sa isang di kalayuan ngunit di rin kalapitan na bayan sa Manila.

Nakikita ni Santino, ang batang lalake, si Bro (palayaw para kay Hesus, na pahiwatig ng pagnanasang makaangat ng underclass, kaya hindi “pare” at “kuya”). At sa lingguhang saga na may staple na tauhan at may pagsanga sa kwentong kinatatampukan ng mga has-been na artista ng studio, tinatampok ang kamusmusang relasyon (inosente) ng tao sa relihiyon, diyos at simbahan.

Ang bawat katubusan sa lingguhang saga ay kinatampukan ng interbensyon ni Bro sa kahilingan ni Santino. Si Santino ang “the chosen one,” ang may kagyat at pangunahing akses kay Bro. Siya ay hindi humihiling, “ipinapahiwatig” lamang ng kanyang kamusmusan, at madali namang kausap si Bro na pinagbibigyan ang nais na mangyari ni Santino.

Ang nagiging relasyon ng manonood sa relihiyong Katoliko, kundi man sa divinidad, spiritualidad at salbasyon, ay na pang-araw-araw na kaganapan ito. Hanapin lang ang “inner child” na nawawalay sa gitna ng anxiedad sa kasalukuyan at hinaharap. Na kahit sa pinakamatinding sitwasyon ng nagdaan at ng kasalukuyang sandali, hindi pa rin nakakasapat na mawalan ng pag-asa.

Ang milagro at himala ay kaganapang pang-araw-araw sa teleserye. At kung ganito, ang teleserye at ang himalang nangyayari sa lingguhang kwento nito, ay pang-araw-araw na reafirmasyon ng pananampalataya sa dalawang bagay: una, ang relihiyong Katoliko at ang institusyon ng simbahang pangunahing nagpapalaganap nito (at dahil lingguhan, para na ring kabahagi ng iba pang ritual, tulad ng pagsisimba at pangungumunyon, pagkrukrus sa tapat ng struktura, at iba pa), at pangalawa, ang di dapat napapatid na relasyon ng nanampalataya sa panginoon, at kung gayon, ng manonood sa Kapamilyang stasyon.

Ang isinasaad ng May Bukas Pa, tulad ng tinutumbok ng titulo, ay ang estado ng pasakit at pighati sa kasalukuyan, at ang katubusan sa hinaharap. Ang intervening na bagay sa panahon ng kasalukuyan at hinaharap ay ang pag-asa: umasang magtatagumpay ang pananalig sa mga institusyon, ang di matatawarang institusyong nagpapalaganap ng pananalig, at kung gayon, ang pagtanggap na ang material na paghihirap sa kasalukuyan ay ang kinakailangang kondisyon para sa spiritual na katubusan sa hinaharap.

Ang nangyayari ay ang dematerialisasyon ng paghihirap dahil naipapatagos ito sa antas ng metapisikal bilang layon ng pang-araw-araw na saga sa teleserye at ang katiyakan nitong magkakaroon ng resolusyon ang pinasasangang suliranin sa pagtatapos ng linggo. At ang reversal nito: ang materialisasyon ng spiritual bilang obhetibong layong nirereafirma sa pang-araw-araw at lingguhang saga.

Dahil ganito ang dialektika ng teleserye at popular na relihiyosidad, ang tunay at historikal sa isang banda, at spectacularized na kaganapan sa kabilang banda ay kinakailangang pagkaisahin. Si Santino sa lingguhang kasaysayan nito at ang intervening na tauhan ni Bro bilang lingguhang reafirmasyon ng katubusan sa lahat ng bagay, maliban sa katubusan ng mga taong lumilikha ng divergent na landas sa pananampalataya, ay si Santino rin bilang kinakathang spectacle na sa kanyang pamamagitan nagkakaroon ng relasyon ang manonood/mananampalataya sa telebisyon/simbahan.

Ang estado ng kahirapan (sufferance) is isinasaad bilang kinakailangang kabutihan (necessary good). Tanging sa paghihirap makikita ang katubusan, na para na ring sinasabing kapag mayaman ka, natubos ka na. Hindi ba ito ang aspirasyon ng gitnang uri? Ang matunghayan ang pagkakamit ng estado ng maykaya, at nang sa gayon ay madanas ang pagiging konsumerista at mamamayan?

Ang mismong pagdanas ng televisual na paghihirap at katubusan ay nakaugnay din sa idea ng malling at gitnang uring aspirasyon. Dinadanas ng manonood ang paghihirap at katubusan sa pamamagitan ng posisyong visceral, o iba ang dumadanas nito para sa kanya. Tulad sa reality TV at gameshows, iba ang kakain ng uod at bulati, iba ang naglalahad ng kwento ng paghihirap. Hindi ang aktwal na manonood.

Sa malling naman, “iba” ang dumadanas ng gitnang uring panunutunan dahil ang sarili ay hindi naman talaga gitnang uri, umaasta lamang nang gayon. At ang gitnang uring aspirasyon ay ga@ ???????8@???adanas sa third person, sa ikatlong di-nakikitang figura, ang avatar ng sarili na hindi naman talaga gayon. Hindi rin ito ikalawang tao, ang kasama sa malling, na may aktwal na referensiya din sa sarili, at ginagamit din ang ikatlong persona.

At ito ang neoliberalismong bitag sa popular na relihiyosidad: na may akses at konek ka kay Bro at gitnang uring panuntunan (sa malls, unibersidad, o simbahan, halimbawa), kahit wala naman talaga. Hindi ba’t si Santino lamang ang nakakatunghay kay Bro? Hindi ba’t sa ating pagdarasal ay tayo lang naman ang kumakausap kay Lord, kahit pa sabay-sabay itong ginagawa ng bilyon-bilyong katao?

Parang panonood ng sine, ang dami nating magkakasama sa loob ng sinehan pero kapag tumawa ang iba, napapatawa na rin tayo; kapag tumawa tayo, tumatawa dahil mayroong balon ng individual na pukaw na distinkto sa iba pang kasabay na tumatawa. Kahit pa, tulad ni Santino, ang manonood ay kinakailangang may moral na panunumbas bilang righteous o matwid na nilalang.

Nagpapakita lamang si Bro sa pinakang bata—pinakainosente, pinakapursigido, pinakamabait–na bata. Nagpapakita lamang si Gitnang Uri sa pinakang nilalang. Pinananalig tayo sa neoliberalismo, na makakaasa ang sarili sa sariling transformasyon, sa pagtitiyak na ang individualismo ay nakaplakda sa trajektori ng pananampalataya sa Katolisismo, konsumerismo at kapitalismo: kaya mo dahil walang ibang makakaya nito para sa iyo kundi ikaw mismo.

Dahil nagkaganito, pribatisado ang pananampalataya at relihiyosidad, kahit pa popular ito. Nakatagos sa antas ng kanya-kanyang individualismo sa kumpas ng aparatong relihiyon, pati ng negosyo. At hindi kakatwa, sa nanatiling panahon ni Gloria Arroyo na patuloy na nagdudulot ng matinding anxiedad sa kasalukuyan, pati sa hinaharap, si Santino ang modelo ng ating pagkamamamayan: nananalig sa politika ng pag-asa na ang ito at ito, ang lahat ng ito, ay magbabago sa pamamagitan ng kanya-kanyang pagbabago.

Swak ang panahon ng eleksyon bilang pang-estadong ritual. Boboto ang bawat isa, mag-eehersisyo ng individualismong pagdedesisyon sa kabutihan ng bansa at ng hinaharap, at matapos, babalik na naman sa kumpiyansang baka nga mabago ito at ito, ang lahat ng ito.

Unang nailathala sa Kulturang Popular Kutura kolum noong ika-25 ng Enero, 2010, Bulatlat.com.

Advertisements