Laban sa pagkalimot

by rolandotolentino

Rebyu ng Bride of War, My Mother’s World War II Memories ni Teresita Gimenez Maceda (Manila: Anvil Publishing, 2011)

Ang pagsulat ay isang pag-alaala, lalo na kung ang nagsusulat ay nanggaling sa laylayan ng kasaysayan. Sa Bride of War: My Mother’s World War II Memories, dalawa ang babaeng nagsulat nito: isang kabataang babaeng nag-asawa sa bisperas ng isang digmaan pandaigdig, kasa-kasama ng kanyang opisyal na kabiyak sa pagtakas at pamumuhay laban sa mga Hapon, at mga 50 taon matapos, nagka-stroke, pero nagsulat ng kanyang pag-alaala sa nakaraan; at isang senior na mananaliksik at guro, anak, asawa’t ina, na nangulila sa pagyao ng kanya sariling ina.

Naghahabi ang dalawang salaysay, tulad ng muli’t muling pagtatagpo ng mga nagsasalaysay sa mga kusina para maggayak at magluto ng mga resipi ng pamilya. Ito ang primal scene sa memoir, ang kusina bilang familiar na lunan sa bahay para hanapin ang espasyo ng pagkaunlad at pagkausad ng buhay, mga mahal sa buhay na nauna nang humayo’t ang iba ay nananatiling nakalagay sa peligro, at bukana o portal para balikan ang trauma at ligaya ng nakaraan, at hanapin ang puwang sa kasalukuyan.

Ang memoir ay transgenerational: ang pagsasalaylay ay nag-uugnay sa dalawang henerasyon ng babae sa pamilya, na siya ring nag-uugnay ng kani-kanilang pamilya sa nakaraan at kasalukuyan. Ang ginawa ng awtor ng libro ay sinupin ang naisulat na alaala ng kanyang ina, at mamagitan sa transformasyon nito sa isang memoir. At malinaw na ang kanyang dugtong na proseso para matiyak na ang manuskrito ng ina ay mailathala ay nangangailangan din ng sariling pagbabalik-gunita sa nakaraan, sa buhay at panahon ng kanyang magulang, at sa espesyal na mga maliliit na tagpo sa kusina sa Baguio man o sa Mapayapa 3.

Minungkahi ni Maceda na magsulat ang kanyang ina matapos magka-stroke para hindi mawala ang alaala at para maibalik ang dexterity ng isip at katawan. Mabigat ang proseso ng pagsulat ng kanyang ina, at tulad ng maraming babae, mas nanaisin pang ikwento sa informal na pagkakataon ang salaysay kaysa isulat. Bakit nga naman sosolohin ang paggunita sa digmaan, kamatayan at pagsaksi sa panggagahasa kung ang mga alaalang ito ay naiibsan—kahit bahagya—sa pagkukwento sa iba, lalo na sa mga mahal sa buhay?

Nang yumao si Flora Aguilar Gimenez, inako ni Maceda ang pagsusulat, ang pag-alaala, ang pagtatahi’t paghahabi, ang pangungimpisal, ang paglaladlad ng mga detalye, relasyon at kabuuan. Ang ethos ng mungkahi ni Maceda sa ina ay magiging mungkahi sa sarili: laban sa pakakalimot, na tila payo rin ni Pilosopo Tasyo kung bakit ito nagpupuyat sa pagsulat—para hindi masabi na ang lahat ay nangahimbing sa gabi. Alam ito ni Maceda bilang historyador ng panitikan at kaganapan, lalo na sa kanyang seminal na pag-aaral tungkol sa popular na awit ng Hukbalahap bilang paghihinuha ng kasaysayan ng kilusang anakpawis.

Tayo raw ay isang bansang manipis ang alaala, na may amnesia’t walang pakiwaring katarungan dahil ang kasaysayan ng bansa ay parati, tulad ng lumang plaka, nagagasgas sa pag-uulit nito. Nagpatalsik ng diktador pero matapos ng dalawang dekada, tatlo sa kanila ay opisyal muli ng pamahalaan. Nagpatalsik tayo ng pangalawang presidente, pero sinakdal, napatunayang nagkasala at pinatawad ng nanunungkulang president. Nanganganib na madala sa korte itong nanungkulang presidente, na nagpalaganap ng kultura ng impunity, pati ang ang kanyang matador si Jovito Palparan, dahil sa pinakabagong teleserye ng bansa, ang impeachment ng Chief Justice ng Supreme Court.

Sa mas mahabang kasaysayan, matapos ng madugong kamatayan ng milyong Filipino sa Philippine-American War, ang U.S. pa rin ang pinapangarap na destinasyon para sa trabaho’t magandang bukas ng ilan nang henerasyon. Ang madugong karanasan ng World War II at ang atrosidad ng Japanese Imperial Army ay napalitan na ng kasiyahan sa Hello, Kitty, J-pop at Japanese telenovella, manga at anime, at nang ilang daang libong kababaihang nakapagtrabaho’t nagkasupling mula sa kanilang asawa sa Japan.

Ang mabigat nagiging busilak, ang madugo nagiging kawaii o cute, ang trauma nagiging dayuhang bansa. Ang pag-alaala ay sumasablay, tumutungo sa pagkalimot at higit pang pagkawalis sa laylayan ng kasaysayan. Ito sa isang banda, ang paghahabol sa mga nauna sa atin na makapaglatag ng kanilang puwang sa kasaysayan, ang micro-history ng pamumuhay at kaligtasan sa pwersa nang may aktwal na kapangyarihan.

Ito ang kalakasan ng memoir na Bride of War, na ang ordinaryong buhay sa panahon ng digmaan at sa huling ilang taon—lalo na’t sa pagtatangkang isulat para hindi makaligtaan—ay nagiging makabuluhan. Kung wala ang ganitong alaala, tulad ng mas dramatikong kwento ng buhay ni Lola Henson, isang comfort woman, ay mananatiling isang patlang ang isang napakahalagang yugto ng kasaysayan. Sa Bride of War, ang yugto ay may kapangyarihang makapaglahad ng detalye ng sandal. Sa paggunita ni Gimenez,

War has come to my country[….] Everyday I gaze at the ditant horizon, waiting… waiting for my husband, Gim, to come home to me. To take me away with him. Id on’t even know where the war has taken him. But I keep warm the hope in my heart. One early morning, he will surely come to claim his war bride. Then my sadness will end.

I wake up again, to find myself in a strange room. The sheets are not starched like mine. Tubes are attached to my left arm. Where am I? I call Lulu to ask her, but she does not respond. I try again, but the words refuse to come out of my mouyth. I give up and close my eyes and try to sleep. (p.3)

Ang nakaraan at kasalukuyan ay nahahabi sa hindi pinakaperfektong ugnayan. Ang sandali ng paggunita ni Gimenez ay sa pagkaratay sa kama, nagpapagaling mula sa stroke, ang nakaraan ay nasa kasalukuyang sandali. Ang sandali naman na tinatahi ito ni Maceda ay ang inaalaala rin niya ang kanyang ina, sa kwarto nito o sa kusina, na sabayang sandali ng pangungulila sa pagyao nito.

Ito ang kapangyarihan ng panulat: ang isinasalaysay na mabigat ay ginagawa sa isang malikhain at kaiga-igayang paraan; ang platform ng panulat bilang ahensya ng nagsasalaysay na buhay ito, nabuhay sa sandali ng panganib, nalampasan at napagtagumpayan ang mga sandaling ito; at sa panig ng mambabasa, ang isang bahagi ng kasaysayang dapat ay mas matingkad at mayabong pang natatalakay. Ang lahat ay laban sa pagkalimot. Mga gunita ang memoir hindi lamang sa mismong alaalang tinatangkang alalahanin, na kaya nga nililimot ay dahil mabigat at ayaw nang maalaala; kundi sa ang pagtatangkang pag-alaala ay sabayan ding tangkang hindi pagkalimot.

Sa katunayan, tulad ng biyahe ng magkakapatid sa Basaon para sa marahil ay sa huling pagkakataon ay masilayan ang lugar ng alaala ng kanilang ina, nabakuran na ang dagat, manipis na lamang na dalampasigan ang nanatili, masukal na nakakalat din sa dagat ang mga basura, mas naging mahalaga’t maganda ang nakaraan. Ayon sa salaysay ni Maceda, kumuha siya ng isang kabibe bilang alaala ng alaala ng kanyang ina. Ang kabibe ay naging libro, at ang libro ay inaasahang maging kabahagi ng isang kolektibong alaala sa kasaysayan ng digmaan, soberanya, kababaihan at ng isang pamilya.

May publiko ang naisantabing alaala dahil mismong ang publiko ay bahagi ng napagkaitan ng alaala ng namamayaning kasaysayan. Inaasahan na ang memoir na War Bride ay magsilbing inspirasyon sa napakarami pang buhay at kwentong binigyan-substansya ng mga trauma sa bansa: Cold War, Hukbalahap, Vietnam War, martial law, giyera sa Mindanao, vigilantes kay Cory Aquino at iba pa. Ang imperatibo para sa mas marami pang memoir, lalo na sa hanay ng edukado’t progresibo, ay ngayon na: habang tumatagal, lalong numinipis ang pagkakataon na makapagsulat at hindi kumalimot sa mga yugto ng kasaysayan.

Ayon nga kay Simone de Beauvoir, “My life was hurrying, racing tragically toward its end. And yet at the same time it was dripping so slowly, so very slowly now, hour by hour, minute by minute. One always has to wait until the sugar melts, the memory dies, the wound scars over, the sun sets, the unhappiness lifts and fades away.” Mabilis ang buhay pero in hindsight; at habang nabubuhay, ito naman ay tila butil ng buhangin isa-isang nangangahulog at lumilipas sa hour glass.

Sa huli, ang buhay ng isa ay buhay ng kolektibo dahil ang humanidad ng isang tao ay imahen ng lahat ng ating humanidad.

Unang nailathala sa Lipunan+Kasaysayan+Pagkatao kolum noong ika-23 ng Enero, 2012, Pinoyweekly.org.

Advertisements