Like/Unlike at sibilidad sa publikong spero

by rolandotolentino

Ang kalakaran sa platform ng pangunahing social networking site, dahil sila naman ang nag-imbento nitong choices, ay pwede kang mag-like sa statuses at posts. At kung nagbago ang isip mo, pwede itong i-undo at i-unlike. Sa palagay ko, ang command option ng Facebook (FB) ay nagkatulong magdulot ng substansasyon ng sibilidad (“civility,” dekorum, norms, politeness, collegiality, at tolerance) sa mas malaking publikong spero.

May two-step na decision-making na gagawin lang naman ang may account dahil na-overdetermine na ng wika at diskurso ng FB. Una, mamili ng status at post na ila-like na ang “like” ay bagong kultural na currency na ipinagkaloob ng programmers at negosyante ng FB. Sa isang banda, sinasabing huwag magdamot dahil bottomless naman ang like. Sa kabilang banda, kailangan ay may filtering mechanism sa individual choice sa pag-like.

Kabahagi ito ng paglikha ng artifice ng sarili: may uniqueness at distinction mula sa milyon-milyong users nito, at ang pag-like ay instrumento para hulmahin ang “piniling” self (“user” na mas matalas ang pagtukoy sa kolokyalismong Filipino, na ibig sabihin ay manggagamit, quid pro quo na klase ng tao, nag-aantay ng kapalit; kahit pa may mito rin ito dahil ang kinalalabasan sa mga libreng platform tulad ng FB ay “nakikigamit,” tunay na may kapalit (ang photos at lahat ng detalye sa timeline ay naka-store rin sa archives ng FB bilang korporasyon), at may palitan ng halaga.

At ikalawa, kung nagkaroon ng error in judgment sa piniling i-like at pwede nga itong i-undo at i-unlike ang ni-like. Ibig din sabihin, ang paglagay ng deskripsyon sa pinost at shares ay kailangang nasa “positive” dahil ang sibilidad ay hindi pwedeng mag-like ng “negative” na konstruksyon ng proposition. Imbis na sabihing, “Namatay ang nanay ko” (na hindi mo dapat i-like), ay sasabihing “Please offer your prayers to my mother who passed away (ngayon, pwede mo nang i-like).

May second chance ang FB, hindi tulad sa tunay na buhay na mahirap bumawi ng unang reaksyon at paninindigan. Ang sinisiwalat din nito ay isang sibilidad batay sa kalakaran ng gusto/like, at kung gayon ang pagbabagong-anyo ng paggamit sa balarila, wika at diskurso para pumaloob sa overdeterminasyon (ang kawalan ng choice dahil ang mismong choices ay inilatag ng may aktwal na politikal na kapangyarihan) ng platform.

Kaya itong sibilidad sa FB, na like lamang ang pwedeng maging tampok na reaksyon at command ay dalawang bagay: una, ito ay sariling dekorum/sibilidad at protocol ng FB bilang viral na negosyo (“Don’t hate, appreciate!”); at ikalawa, ito rin ang itinatampok na “kalidad” ng sibilidad sa aktwal na buhay at lipunan. Kung ang aktwal ay hango sa virtual, ang sinasaad ay ang pagiging primordial ng negosyong ideal na dapat ay mangibabaw maging sa tunay na lipunan.

Ang ethos ng pag-like, kung gayon, ay pag-oo sa pang-araw-araw na referendum ng neoliberalismo sa atin: like ang malls, efisyenteng MRTs, ang mabilis na highways kahit pa mahal ang toll dito, ang pearl milk tea, mahal na kape sa café, ang mabilis na internet at wifi service, lalo na kung libre. Kung mapapansin, ang like natin sa tunay na buhay ay mga reafirmasyon ng imahen ng kapitalismo: malls, MRTs, wifi, at FB mismo.

Bawal ang kontradiksyon dahil mismong ang kontradiksyon ay maipapaloob sa diskurso ng pag-like. Kung nagpapalaganap, halimbawa, ng kontraryong politika sa FB, ang anumang isusulat at ipopost ay na-overdetermine na ng makapangyarihang wika at retorika ng platform, na ang tanging posisyonalidad sa ganito ay i-like o i-ignore.

Ang antas ng engagement, kahit pa may balitaktakan, ay nasa antas ng chika lamang, ng prinoprontang sibilidad sa publikong spero ng FB. Sa pamamagitan nitong tweaking sa system na ipinalaganap ng FB, lahat ng balitaktakan sa kanyang poder ay nagiging chika o non-politikal dahil mismong espasyo ng FB ay hindi maaring ipolitisa.

Nagiging politikal o sa mas spesifiko, kontraryong politika ang posts dahil ang user ay politikal hindi dahil pwedeng maging politikal ang FB. Kapag ni-like, halimbawa, ang rebolusyon ay hindi dahil pinapahintulutan ito ng FB kundi dahil sa sandali ng pagpasok ng rebolusyon sa FB, at maging sa internet, ito ay nagiging chika na.

Nasa aktwal na tao (hindi lamang daliri’t koordinasyon nito sa mata’t utak) para ang rebolusyonaryong chika kapag dumaan sa virtual na platform ay muling maging politikal na pagkilos. At magagawa lamang/pa ito kapag ang politikal ay ibinalik muli sa aktwal na pagkilos para sa pagbago. Hindi mababago ang mukha’t kaluluwa ng Internet pero ang aktwal na lipunan, maari.

Unang nailathala sa Lokusyonaryo ng Kulturang Popular kolum noong ika-30 ng Enero, 2012, Bulatlat.com.

Advertisements