Binigkas na tinig

by rolandotolentino

Rebyu ng Free Ericson Acosta! (2011)

Ang Free Ericson Acosta! ay isang kalipunan ng mga video—mga trailer na nakakapanghimok ng pakikilahok—para sa pagpapalaya kay Acosta, isang detenidong politikal sa Calbayog, Samar.

Ang imahen ng “tinig” ay sentral sa videos. Sa pangkalahatan, iwinawala ng estado ang tinig ng uring anakpawis at mahihirap nang mamanduhan ito tungo sa normalisasyon ng kanilang kaapihan. Ang pagkapiit, kung gayon, ay dobleng pambubusal ng estado. Pinili ang detenido para sampolan at hindi na tularan ang kanyang aktibong buhay sa pakikibaka.

Kaya makapangyarihan ang videos dahil muling nilalapatan ng tinig ang politikal na nilalang na nilalayon ng estadong gawing pipi’t hindi nakikita. Artist si Acosta, nakapag-aral sa U.P., naging editor ng Philippine Collegian (ang ofisyal na publikasyon ng estudyante) kaya natural ang matalas na artikulasyon—talumpati, tula at awit—ng pakikitunggali.

Inglisero, si Acosta ay bumigkas ng tila manifesto ng isang artist na laban sa bagahe ng metapsika, star complex, at solitaryong gawain. Sa “Who is Ericson Acosta” (http://www.youtube.com/watch?v=q3fRT8zNlgk), hindi lamang ang politikang ipinaglalaban—sa sining at kilusan–ni Acosta ang tumatampok kundi ang pangangailangang maging mapangahas sa gamit nitong politika sa sistemikong pandarambong ng estado at ng pangunahin nitong galamay, ang presidensiya ni Noynoy Aquino.

Sa isa sa pinakamabisang video—tagisan ng masining na politika sa tula, awit at imahen—“Isang Minutong Katahimikan” (http://www.youtube.com/watch?v=hDPw8NxSzTg), ang karaniwang sandali ng paggunita sa mga nawala’t nawalay ay nakapagluwal ng bagong sensibilidad: “narinig ang pagpatak ng ulan sa dahon… paghihinayang ng anak sa ama na ibinuwal na walang kalaban-laban…” Sa politikal na patlang na sandali, ang ganda at dalamhati ng pang-araw-araw na ligaya’t karahasan ay epektibong nailarawan, nabigyan-buhay, napukaw.

Mapanlaro’t erehe si Acosta, lalo na sa “Walang Kalabaw sa Cubao” (http://www.youtube.com/watch?v=A5NyWRjeAnQ). Ang Cubao ang kanyang Quiapo, ang kili-kili ng Manila: “Ang inalmusal na rugby sa may 7-11/ Ang tinanghaliang bilog/ At idlip sa gilid ng Tiririt/ Ang hinapunang jakol/ Sa CR ng Ali-Mall.” Natutuwa ako rito dahil ganito rin ang pagdanas ko sa pre-Gateway na Cubao na ngayo’y nagluluwal ng aspirasyong higit na gentrifikasyon.

Ang pinakanakakaantig na damdamin na video ay ang back-to-back na pag-awit ni Acosta at pagtugtog na kanyang anak ng gitara ng “Pambihira” (http://www.youtube.com/watch?v=JFEXrMMctbU) at “Stand by Me” (http://www.youtube.com/watch?v=GTYxWXVn6WM). Nagiging tao ang politikal na detenido, at ang makataong pagkatao nito ang siya ring nagpapaigting ng kabaligtaran ng mukha ng estadong sumusupil sa kanya, sa kanyang anak at mahal sa buhay, sa kilusang mapagpalaya.

Mahaba ang kasaysayan ng prison poetry sa bansa: mula kay Jose Rizal at sa pagtakas ng kanyang kapatid ng huling tula nito, kay Amado V. Hernandez at ang pagtakas ng kabiyak Atang de la Rama ng manuskrito nito palabas ng Bilibid, at hanggang kay Jose Ma. Sison. Ang posisyonalidad ng ikinulong na makata’t manunulat ay natatangi dahil sa kapasidad nitong lumikha ng kagandahan at politika sa gitna ng pagbulusak, pagkapiit, at pagharap sa mukha’t pangil ng estado.

Ang pagsasama-sama ng mga trailer para sa kampanyang Free Ericson Acosta! Free all political detainees! ay napapanahon dahil sa patuloy na pag-anod ng karapatang pantao. Ang inobasyon ng mga ito ay ang paggamit ng makabagong porma ng video, na wala pa sa panahon ni Hernandez at Sison, pati ang kontemporaryong lapat ng musika.

Ang panawagan ng masaklaw na diseminasyon ng kampanya para kay Mao Zedong ay bookended ng isyu ng popularisasyon at pagtaas ng kamulatan. Ang mga video, awit, tula, at musika sa Free Ericson Acosta! ay patunay na pagsapol sa popular na pormang nakakapagtaas ng antas ng kamulatan at diskusyon. At ang pruweba ng pagpupursiging ito ay ang pagkatampok ni Acosta bilang isa sa pangunahing detenidong politikal ng bansa.

Gayunpaman, ang tagumpay ng videos at kampanya ay ang sandali ng pagpapalaya kay Acosta at sa lahat ng detenidong politikal. Kung dati, ang souvenir sa pagdalaw at karanasan ng detenidong politikal ay mga pendant (unang yari sa buto ng mga sinalvage), postcard at art work, ang kasalukuyang videos ay hindi lamang memento’t alaala kundi aural na pag-aalaala sa kanilang patuloy na nilalabag ang karapatan at sa atin na kailangang ipaglaban ang ganitong katiwalian.

Unang nailathala sa Lipunan+Kasaysayan+Pagkatao kolum noong ika-4 ng Pebrero, 2012, Pinoyweekly.org.

Advertisements