Tubero, numero

by rolandotolentino

Imahen mula sa https://sosyalera.net

Matatagpuan ang sign na “Tubero” tapos ay ang numero na makokontak ito. Sa ibang pagkakataon, may proper name sa henerikong trabaho, halimbawa “Joey, tubero, 4381705” o “Enteng Tubero 9244899.” Makikita itong maliliit na karatula, kasing laki ng karatula ng destinasyon sa jeep, sa mga poste ng Meralco kundi man sa mga puno ng residential area.

Ano ang sinasaad ng anunsyo ng trabaho? Ito ang paglalako ng lakas-paggawa. Na ang katawan na naglalaman ng skill nito ay kailangang i-advertize para mabenta ang kanyang sarili. Kinakailangan itong makapag-invest sa sign, at hindi siempre isa lang, kundi ilang karatula ang kailangang gawin at ipaskel sa residential area.

At kailan lang naman nagkakaroon ng rekurso sa ganitong pangangatawan? Kanina ay bumigay ang gripo sa kusina. Tumagas ang tubig hanggang sa mapatay ang linya sa labas ng bahay. Wala kaming tubig ngayon. Hindi lang naman ngayon nangyari ang ganitong peligro. Pero nananatili ang peligro hanggang sa putol ang linya ng tubig.

Kung weekdays ito, isang tawag lang ito sa clubhouse para ipadala ang tauhan na mapapakiusapan na ayusin ang bumigay na gripo. Pero Linggo ngayon, at sa protestanteng etika ng kapitalismo, kailangan din ng manggagawa ng pahinga. Kaya mag-aantay pa ng kinabukasan para mawala ang peligrong ito.

May rekurso nga sa mga sign na nakapaskel sa fire tree sa katabing bakanteng lote. Pero may gitnang uring pangamba na baka ito ay hindi matwid, manggagantso kundi man, magnanakaw ang tinutukoy na awtor ng karatula. Sa madaling salita, may turing na pedestriano at mob ang awtor ng nagsasanla ng lakas-paggawa.

At hindi rin naman aksidente na ang mga karatula ay nasa gitnang uring residential na lugar. Walang puno sa komunidad ng maralitang tagalungsod, o walang individual na linya ng tubig na magkakaroon ng halaga ang isang gawain tulad ng pag-aayos ng tubo. Kung mayroon man, alam na sa loob ng komunidad—isang internal na kaalaman—kung sino ang tubero at iba pang trabahador sa lugar. Hindi na kailangang i-advertize.

Ang karatula ay umiinog lamang sa gitnang uring mundo ng kapitalismo. Nagbebenta ng paggawa ang tubero o sino pa mang manggagawa, inaalok ito hindi sa pinakamataas na makakabili kundi sa makakasapat para sa kanyang gawain. At ang itinakda sa mundong ito ay yaong survival lamang para sa muling pagtawag ng namemeligrong gitnang uri.

Na kabahagi ng gitnang uring kalakaran ang tumawad sa anumang iprepresyo ng manggagawa, basta lang. At ang natural na tugon ng manggagawa na mahirap na gawain pero sige na lang sa inaakalang mapapagkasunduan na presyo. Na kahit ang kanyang oras ng paggawa ay hindi naman regular, ang kanyang pangangatawan na nagpasaloob ng kanyang tinatawarang kakayahan (skill) ay dapat parating nariyan sa oras ng pangangailangan.

At itong “laging handa” mode ang siyang nagpapaiba sa manggagawa. Madalang ang regularidad ng trabaho. Mababa ang turing sa gawain. At nagkakaroon lamang ng adbentaheng halaga sa panahon ng matinding peligro. Na kahit pa sa gitnang uri sa bansa ay madalas, sa partikularidad ng pangangailangan, tunay man na regular na masisira ang bubong, tubo at gripo, aapaw ang poso-negro, pero hindi naman araw-araw.

Itong di-naman-araw-araw na kaganapan sa bawat gitnang uring tahanan ang siyang pinanggagalingan ng motibasyon ng tubero na mag-advertise pa rin. Kundi man sa isang residential na area, sa ibang lugar. Parating nananatiling may pangangailangan sa kanilang paggawa, lalo pa’t nabibili sa murang halaga.

Na kaiba sa anunsyo ng “Malabanan numero.” Sa isang banda, naaawa ako sa apelyidong napakat ang ngalan sa serbisyo para sa paghigop ng bara at apaw ng poso-negro. Sa kabilang banda, standardisado naman ang serbisyo nito. Na kahit nga hindi ganito ang apelyido at naitago na sa isang marangal na entidad, babanggitin na lamang ang mga presyo ng serbisyo sa nangangailangan.

Halimbawa, iba ang higop sa may kasamang linis. Nang una akong makaranas ng serbisyo sa bahay namin sa Mandaluyong, ilang araw pang naghihinanaing ang magulang ko bago napagdesisyunan ang pagkuha ng serbisyo. Ilang tubero ang kinuha gayong malinaw naman ang salarin. At nang kumuha nga ng Malabanan, laking ginhawa ang dulot nito matapos ng ilan lamang na oras na pagtratrabaho.

May investment sa makinarya ang Malabanan. Hindi na ito manwal. Kapag nailagay ang higanteng hose sa poso-negro, isang pindot lang sa makina sa sasakyan at hinihigop na ang pag-apaw. Wala na ring amoy. Sa kalagitnaan nga ng paghigop, inalok pa ako ng paglilinis. Kasing presyo ng paghigop ng apaw.

Nang tumawad ako, natawa ang kausap at sabing pababain pa nila ang dalawa nilang trabahador para walisin ang dumi sa poso-negro. Sabi ko ay pwede bang sideline na lamang ito? Nagbulungan sila hanggang sa tumanggi. Mas tiyak ang regularidad ng pag-apaw ng poso-negro kaysa sa pagkasira ng mga gripo o pagtagas ng tubo.

May makinarya at may negosyante sa Malabanan kaysa sa anunsyo ng tubero. Kaya mas mahal ang serbisyo kahit pa pareho ring periodiko ang pangangailangan sa mga serbisyong ito. Na kakatwa sa anunsyo ng mas malalaking negosyo na may seduksyon pang nangyayari sa nais mag-apply ng trabaho.

Sa SM, clinical ito. May minimum requirement ng physiognomy ng aplikante. Height, weight, walang tattoo. May minimum na educational requirement. At may ebidensyang pinapapasa bilang patunay sa regularisadong pangangatawan para sa retail marketing: police clearance, NBI clearance, baranggay clearance (na parang ang unang sapantaha ay kriminalisado ang bawat pangangatawan hanggang sa ma-clear ito), at iba pa.

 

Imahen mula sa https://jepoygreen.wordpress.com at  https://kindlehearts.com

Sa call center universe, mas matingkad ang seduksyon. May kabataang modelo na may stereotipong earphones na masaya ang depiksyon sa advertisement. At tunay naman ang mas mataas na turing sa gawain ito—mas malaki ang entry salary, mas glamoroso ang pananamit, mas may leeway sa paggastos—kaysa sa pagiging tubero at manggagawa ng Malabanan.

Ang ipinagkaiba ng advertisement ng negosyo at tubero ay nagsisiwalat ang una ng kapangyarihang makabili ng trabaho, na mas mataas na anyo ng kapangyarihan kaysa magbenta ng partikular na gawaing periodiko at sporadikong kinakailangan. Kumpara sa pagiging tubero, ang sales person ay mas mataas ang halaga dahil may akmang personalidad na inaasahan kundi man matre-train ng negosyo para sa sariling interes nito.

Ang ipinagkaiba ng advertisement ng negosyo at Malabanan ay hindi lamang ang lunan ng paggawa: mall at poso-negro, mayroon ba namang pagpipilian pa? Ang ipinagkaiba rin ay ang transformasyon ng kondisyon ng poso-negrong kalakaran sa paggawa sa mall sa artifice ng mall (malinis, maginaw, magandang kapaligiran). Dagdag pa rito, ang implikadong gawain ng mamimili sa negosyante, na ituring ang relasyong paggawa bilang invisible na kalakaran sa mall.

Sa gayon, ang baho-dumi-kabulukan ng poso-negrong kondisyon ng paggawa sa mall ay naglalaho, at ang tinatanaw-inaamoy-tinutunghayang kapaligiran ay ang nabibiling panorama ng gitnang uring panuntunan. Tungungan lamang ang paggawa sa mas mataas na ideal ng kapangyarihang makabili nito, o mula rito makaranas ng gitnang uring panuntunan ng buhay.

Naglipana ang karatula ng tubero kahit hindi napapansin. Naglipana ang manggagawa sa hanay ng sumasakay sa publikong sasakyan, maging sa nagmo-malling. At maging sa kanilang hanay, sila man ay natuto na ring tumunghay sa sariling pagdanas sa mall bilang langit, at kung bakit kailangang itatwa ang material na poso-negrong realidad ng pagiging pesante at taga-komunidad ng maralitang tagalungsod.

Sa uniberso ng mall, ang kondisyhon ng poso-negro.

Unang nailathala sa Kulturang Popular Kultura kolum noong ika-23 ng Nobyembre, 2009, Bulatlat.com.

Advertisements