Airport

by rolandotolentino

Ipinapahiwatig ng airports ang makabagong estado ng individual at kolektibong buhay—ang walang katiwawaang pag-aantay sa ilalim ng surveillance.  Tatlong oras kung international flight, dalawa kapag lokal na biyahe.  Di pa kasama rito ang biyahe papuntang airport, ang sobra-sobrang tantyahan at pataan sa oras para makarating sa itinakdang oras ng pag-aantay sa airport.

Sa lamang pumapayag sa pila ang mga tao.  Siempre ay mas mabilis at handa sa serbisyo ang pila sa first at business classes.  Walang patumangging pipila, at aabangan kung ang mga dala-dalang bagahe ay sapat lamang sa timbang.  Dati ay pwede ka pang makisuyo, magmanikluhod sa counter kung may sobrang timbang sa bagahe.

Ngayon, exaktong 50 pulgada.  Kung sobra, buti na lamang at may handang kahon at tape ang Japan Airlines.  Ang iba ay mas malupit, bahala kang maglipat ng gamit sa dalawang maleta.  O magtanggal ng sobrang bigat at bitbitin na lamang kung kaunting sobra.  Kung sobra-sobra ang timbang, itext ang naghatid para balikan ang sobrang di madadalang gamit.

Pipila para sa inspeksyon ng tiket ng sekyu, sa x-ray ng bagahe, sa boarding pass, sa pagpasok sa immigration, sa pagbayad ng airport tax, sa immigration mismo, sa muling x-ray ng bagahe at gamit, kasama ang sapatos, barya, cellphone, computer, at iba pang bagay (bawal ang likido, bottled water at canned softdrink), sa muling inspeksyon ng boarding pass ng sekyu papuntang departure area, sa huling inspeksyon ng boarding pass ng airline personnel sa gate, sa pagpasok at sa pagsakay ng eroplano.

Mga imahen mula sa http://niceyfemme.com/wp-content/uploads/2011/01/terminal-fee-queue.jpg at http://cdn7.wn.com/ph/img/0e/ac/78528543d6403e3e92c1e10ed7a2-grande.jpg

Lahat ng dagdag na pila ay bahagi ng individual na buhay sa post-9/11 scenario.  Kapag papuntang Amerika, mas strikto ang personnel, mas maraming paghuhubad ng sapatos at pagtanggal ng gamit sa katawan, paglabas ng computer at cellphone para sa x-ray, at kapag Filipino, mas matagal ang diskusyon sa immigration, at mas mabusisi ang inspeksyon sa dala-dalang bagahe.

Matagal ko nang naisip na nauna na ang airport sa Pilipinas sa post-9/11 scenario.  Sa kultura ng paghahatid at pagsusundo sa airport, matagal nang ipinasara ng awtoridad ang mga gate at seksyon ng airport para sa di naman lilipad o lumipad.  Matagal nang hindi pwedeng maghatid ang mga tao hanggang gate sa airport.

Naalaala ko ang unang punta sa airport para ihatid ang magbabakasyon magulang.  Pati kami ay pinagdamit sa pinakamagandang pansimba.  Ilang sasakyan kaming naghatid sa kanila hanggang gate ng lumang international airport, at tumanghod sa viewing deck.  Ito lamang ang biyaheng paalis at makailang pasok at labas sa bukana ang nanay ko para tanawin kami.

Ngayon ay selyado ang airports.  Tanging ang aalis ang may karapatang makapasok o makalabas dito.  Maging ang mga personnel ay may seksyon lamang na pwedeng kilusan sa loob ng airport.  Nakabanggit ito sa color coding sa kanilang nakasabit na ID.  Inihahanda na ang lilipad na individual sa kanyang kagyat na hinaharap.

Ang kanyang hinaharap ay isang interregnum.  Hindi paukol sa di lubos na pagyao ng luma at pagsupling ng bagong kaayusan kundi ukol sa wala rito at wala roon na estado ng buhay.  Wala na siya sa Pilipinas gayong hindi pa siya nakakalipad.  At sa paglipad ng pasahero, wala na siya sa Pilipinas gayong wala pa rin sa destinasyon.

At lahat ng ito ay sa ilalim ng pagmamatyag at pagbabantay, pagsusuri ng mga tao sa likod ng hidden camera.  Kung turista siya sa Singapore, hindi niya mapapansin ang pagkakalat ng surveillance cameras sa buong bansa.  Hindi nga ba’t tulad sa London, marami sa krimen ay nareresolbahan ng pagdugtong-dugtong ng footages ng mga cameras para matunton ang simula’t pinatunguhan ng katawang minarkahan sa video bilang suspek kundi man kriminal?

Kahalintulad din ang inisasyon ng katawan sa airport.  Walang ibang lugar sa Pilipinas ang binabantayan ng sandamakmak na cameras kundi ang airport.  Hindi lamang ito ang dokumentasyon ng inspeksyon ng katawan, pati na rin ang mismong kalakaran ng pagdisiplina sa katawan.  Hindi pa ito para mapwersa ang individual na sumang-ayon, kundi para ilugar ito sa kondisyon ng pagsang-ayon.

Kapag sinabi ng timbangan 54 lbs., kailangang magbawas ng apat na pulgadang timbang ng gamit.  Kapag sinabi ng immigration officer na magprodyus ng ganito’t ganoong dokumento, kahit nasa maleta na ito, kayang pahintuin ang flight para muling kolektahin ang papeles.  Kapag sinabing postponed ang biyahe, mag-aantay na nakatunganga ang lahat.

At dahil ang lumilipad ay ang maykaya at ang bagong gitnang uri, ang libo-libong OCW para sa kanilang trabaho, sinasaad ng airport ang mga bagong dekorum at pangangailangan ng kolektibong buhay:  ang ipaubaya ang individual na surveillance sa ngalan ng kolektibong “seguridad.”  Magbabasa ka man ng papel sa kumperensya, magliliwaliw o maglilinis ng banyo sa condo ng amo, ilang oras o araw pa lamang bago aktwal na gawin ito, pinapainternalisa na ang kapangyarihan ng estado sa individual at kolektibo.

Na ang kanilang buhay ay iniaalay sa seguridad ng abstrakto gayong makapangyarihang entidad ng estado.  Sa ngalan ng estado, ang airport ang pinaka-secured na sityo di lamang ng seguridad ng estado kundi ng buhay ng individual at kolektibong kalagayan ng mamamayan sa ilalim ng disiplina ng estado.  Kasunod nito, ang enkapsulasyon ng kanilang pisikalidad sa kalakhan ay economy class ng eroplano, ang pagpapaubaya ng kanilang individual at kolektibong buhay sa global na negosyo.

Kahit pa wala pa siya roon at wala pa rin dito.

Unang nailathala sa Pasintabi kolum noong ika-23 ng Oktubre, 2009, Pinoyweekly.org.

Advertisements