Emo pop

by rolandotolentino

Tala kina Adele at Bruno Mars

Ang “emo” sa Filipinas, hindi maganda ang pakahulugan: taong emosyonal, isang emotero/a, mahilig mag-emote, mabigat at pabigat. Ang “emo” ay galing sa tradisyong punk noong 1980s, personalistiko’t expresibong melody at lyrics, karaniwang kumpesyonal at nanggigitata nga sa emosyon.

Pero simula ng 2000 ay naging pop (popular at bumebenta) ang emo. Tumugon ito sa postmodernong ethos ng gitnang uring kabataan na naghahanap ng kultural na idioma ng identidad at identity formation. Si Bruno Mars (ipinanganak ng 1985) ay nanlalagkit ang lyrics, halos comedic na nga, ukol sa love lost, love gained, love conquered. May suma total na isang bilyon ang hits ng kanyang videos sa Youtube.

Si Adele naman (ipinanganak ng 1988) ay mas matagumpay pang singer mula sa Britain. Kung si Mars ay lumaki sa Hawaii at nang maka-gradweyt ng high school ay lumipat sa Los Angeles para maging record producer, si Adele ay iniwan ng tatay at pinalaking mag-isa ng nanay, nag-aral sa isang arts school bago, tulad ni Mars, ay naging song writer at singer.

Youthful concerns ng pagkalugmok at paglipad sa ere ang laman ng mga awit ng dalawang singers. Mapanlaro ang kay Mars: “I’d catch a grenade for ya/ Throw my hand on a blade for ya/ I’d jump in front of a train for ya/ You know I’d do anything for ya.” Kaya ninyo iyan?! Lalaking nanggigitata sa kasawian, at sa ibang mga okasyon at awit, ng katamaran at pagsisinta ang persona ni Mars.

Ang kay Adele naman ay kamartiran batay sa paghihinakit, pag-aasa, at pagpapaubaya: “Never mind, I’ll find someone like you/ I wish nothing but the best for you/ Don’t forget me, I begged, I remember you said/ Sometimes it lasts in love, but sometimes it hurts instead.” Ang persona ni Adele ay babaeng wagas at dalisay, lumalaban at natatalo, at ang kariktan ng mga awit ay ang pagbabay sa komplex na emosyon, na hindi tulad kay Mars, ay may sapin-saping paglusong at pag-ahon.

Sa dalawang singers, sentimental ang lyrics at melody, pawang tumutukoy sa emosyonalismo ng neoliberalismo: ni hindi na nga tanggapin ang broad-stroke impact ng tagumpay ng negosyo at gobyernong ipaubaya sa mamamayan ang pagpasan sa halaga ng serbisyo publiko (invisible ang lipunan sa kanilang awit), kundi ang pagtutuon ng pansin sa higit na personal at personalistikong isyu ng sarili at pagkasarili.

Ang obstruksyon ng emo—ang rasyonal kung bakit may impetus lumikha ng titik at melodya, ng sining sa pangkalahatan—ay ang sarili, ang personalisadong pag-ako ng individual ng agam-agam ng kanyang piniling panlipunang relasyon sa kapwa (ang sinta, pag-ibig at kasawian, sa romantisismo). Wala nang nasa labas ng sariling pagdurusa at pag-alagwa.

Feminisado ang lalake, at doble-feminisado ang babae sa emo. Mas mababang uri ng pagmapa ng mundo ang emosyon kaysa rasyonal at pag-iisip, kahit pa nag-iisip din naman ang emo (pero nag-iisip lang kung paano makakatawag-pansin ang kaemohan). Ang paradox ng pop emo, sa kaso nina Adele at Mars (mga disenfrantsisadong nilalang din naman sa mga lipunang pinanggalingan ng mga ito), ay ang nag-eemo ay bumebenta; at sa kanilang pagtabo sa kaha, nagkaroon ng redempsyon ang dalawang nilalang—walang dili’t iba kundi ang mismong mang-aawit at ang kinabibilangan nitong industriya ng musika.

Bumebenta ang emo dahil sa singularidad ng pananaw nito, parang panakip sa mata ng kabayo para malimitahan ang pananaw na maaring matunghayan ang hayop sa pagbaybay sa kalsada. Sa sarili nitong organikong uniberso, kumplikado ang emosyon pero sa labas nito, sa paglahok sa lipunan, ang bilis ng paglaho ng emo ay nakabatay sa pang-ekonomiyang lagay at kawalan: kung maykaya, pwedeng magnilay at manggitata; kung wala, move on na lamang sa mas mahahalagang gawain sa panlipunang buhay.

Walang katubusan sa emo kundi ang higit na pagkalugmok sa kinalalagyan. Ang natubos lamang ay ang mga nakadale sa emo bilang ethos ng neoliberalismong negosyo na kayang ikahon ang radikal potensyal sa maigting na panunupil ng sistema. Ginagawang emo ang lente ng paninipat sa neoliberal na buhay: ginagawang relatable pero hanggang sa aktwal at virtual na karanasang sinasambit lang, dahil sa emo, ito lamang naman ang mahalaga at mapagpasya.

Unang nailathala sa Lipunan+Kasaysayan+Pagkatao kolum noong ika-19 ng Pebrero, 2012, Pinoyweekly.org.

Advertisements