Disaster-relief fatigue

by rolandotolentino

MANILA — Sunod-sunod ba naman ang super-typhoon, mula Ondoy, Pepeng at Ramil, na pawang malalawak at mararahas ang saklaw ng epekto, bakit hindi ka naman mapapagod sa sunod-sunod ding kailangang relief operations? Parang na ngang defensa laban sa ikatlong People Power, napagod na raw ang mga taong may kapasidad magpasya at kumilos tungo sa pagbabago.

Ang disaster ay aktwal, at kung hindi aktwal ang pagdanas nito, lahat ay pawang representasyon, artifisyal lamang ang pagdanas sa pamamagitan ng lente ng pagtunghay sa popular na media. At ito ang trahedya ng representasyon—ang imahinaryo ng fantasya na natunghayan sa pelikula ay higit na magarbo, komplex at intrikado kaysa sa tunay ng historikal.

Nagtatagumpay lamang ang tunay, gaya ng Ondoy na naapektuhan ang sentro ng media—telebisyon at pelikula sa pangunahin, sa Quezon City sa partikular—na nagbadya sa temporal nitong pagdanas ng masibong krisis. Na hindi nakapunta ang barkadang host ng Eat Bulaga dahil sa malawakang baha at trafiko, o walang sikat na personalidad na nag-anchor na nag-ulat sa pag-unlad ng epekto ng baha at disaster ay isang di magandang premonisyon sa kahinaan at kakulangan ng media bilang negosyo.

Imahen mula sa http://jaypeeonline.net/ at http://farm3.static.flickr.com/

Kung ang telebisyon at radyo ay walang laban sa disaster, bakit mayroon pa nito? Matingkad ang referensiya sa gobyerno, lalabintatlo lamang pala ang rubber boats ng NDCC (National Disaster Coordinating Center), ano ang laban nito sa nangyari at patuloy pa ring nangyayaring sigalot? Bakit biglang kinabahan sina Gloria Arroyo at Gilbert Teodoro na ang disaster na dulot ng Ondoy ay hindi ordinaryong relief at management operations?

Na magkahalintulad ang agam-agam ng negosyo at gobyerno ay naghuhudyat ng krisis sa mismong estado sa gitna ng malakihang disaster. At ang rekurso ng dalawa ay ang relief-operations matapos nito, ang unti-unting pagbabalik-normal ng mga taong naapektuhan ng disaster, at sa mga hindi, tulad ng Metro Manila kay Pepeng, kahit pa familiar na lunan ng leisure ang Baguio, malayo pa rin ang landslide nito.

Sa isang banda, malinaw ang sentro ng governance at negosyo ng bansa, ang Metro Manila bilang kapitolyo. Kumikilos lamang ito kapag ito ang naapektuhan. Na kahit pa ilang daan ang inilubog ng nasusunog at kusang lumulubog na lumang ferry at barko, malayo ito, at ang mga bangkay ay hindi naman naglulutangan sa Pasig River at Manila Bay.

Kaya masigasig ang relief operations, at kumpitensya sa pinakamalaki at pinakamatunog na relief operations. Noong Oktubre 1, 2009, inulat na mayroong P140 milyon nang nalikom na donasyong pera, pledges, gamit at serbisyo ang nalikom ang ABS-CBN, samantalang ang relief operations ng karibal na GMA 7 ay P20 milyon pa lamang ang nalilikom.

Tunay na kapag ang Metro Manila ang binaha, buong bansa at buong mundong may Filipinong populasyon ay napapadukot sa kanilang bulsa. At ito ang resolusyon sa krisis ng disaster sa mismong disaster ng coverage ng media: tulad ng gobyerno, gawing epektibo ang institusyon sa aftermath na lamang ng disaster, ang relief operations. Hindi kasing maluwag sa kanilang mga wallet at bulsa ang maykaya kung ang naapektuhan ay Bicol (na madalas naman talagang binabagyo) o mag-landsline sa Quezon at Baguio (bundok naman kasi).

Kung epektibo ang relief operations, kalmante muli ang mamamayan. Lilikhain na lamang ng media at gobyerno—ng estado—na nostalgia ng pagtutulungan ang naganap na disaster. Nagkaisa ang di sa politikang nagkakaisang bansa, kahit pa may harmony naman ang mga institusyon ng negosyo at angkan ng politika sa bansa. Ipamumukha na across-the-board ang pagdanas at epekto ng disaster: mayaman at mahirap, taga-Provident Village o nakatira sa ilalim ng Tulyahan Bridge.

Magkakaroon ng pop tunes na magtatangkang i-synthesize ang karanasan, pahabain ang after-affect na magmimistula, kahit sa simula pa naman ay itinakda na, na walang sisihan portion. Na hindi na mahalaga kung bakit bumaha at nag-landslide, kung bakit marami ang namatay, nawalan at nagastusan dahil nga ang disaster ay ang great democratizer ng sangkatauhan.

Kaya tulungan mode ang siste: kapwa ko, mahal ko. At kung gayon, nawawala na naman ang accountability—ang illegal loggers at legal mining na nagpapahina ng eco-system ng kabundukan, ang damming ng mga ilog para sa pagkuha ng Japanese ODA (Overseas Development Assistance na sila ang magpopondo pero sila ang magtatakda ng kompanyang Hapon na magsasagawa at ang paraan ng pagsasagawa sa problema ng kawalan ng kuryente para sa kanilang korporasyon—ang lumikha ng marami pang dams), at ang korapsyon na humihigop sa resources para sa disaster-preparedness ng bansa.

Uulit-ulitin ang mga imahen ng pagdanas ng disaster at ang resolusyong tulungan sa pamamagitan ng charity work para kitlin ang radikal potensyal ng mismong nasalanta para magbalikwas—kung bakit sila nagmistulang basang sisiw sa isang tanghali hanggang gabi sa kani-kanilang kinalalagyan. Pribatisado ang rekurso ng marami: kanya-kanyang pagpapahangin sa inflatable boats na gamit sa swimming sa pools para iligtas ang sarili, o ang kontak na may speed boat para matulungan ang nangangailangan.

At matapos ng ilang kagyat na panahon, lalo na sa simula ng countdown sa kapaskuhan, mawawala ang kondisyon ng krisis dahil may pag-uubos din naman sa serye ng disaster. At maging ang susunod at napipintong bagyo ay paratihan nang magiging super-typhoon ang kategorya para ipagpatuloy ang agam-agam sa nakaraan at hinaharap.

Kahit pa sa kalaunan ng panahon at distansya ng espasyo sa sentro ay epektibo na ang pagsasalin ng estado sa disaster bilang representasyon. Kahit pa karumal-dumal ang kondisyon ng pagbaha ng Baguio (sino ang makakaisip na pwedeng bahain ang mga bundok ng syudad ng summer capital?), at malapit ito sa puso ng gitnang uring periodikong nagbabakasyon dito, o may condo unit at country club share ang maykaya, wala pa rin ito sa poder ng tunay.

Kailangan talagang spesipikong lugar sa Metro Manila ang dumanas ng karumal-dumal na baha (Quezon City bilang media center at tinagurian ang sarili bilang “ICT (Information Communication Technology) Capital” ng bansa, at Marikina City bilang mapagyabang na “Singapore of the Philippines”). Hindi pwede ang Taguig, Malabon at Navotas na talaga namang binabaha kahit di panahon ng tag-ulan. Ang tanong na nga lang sa mga lugar na ito ay hindi kung may baha ba o wala, pero kung gaano kataas?

Sa kabilang banda, itong distansya at paglaon ay nagpapahiwatig ng transformasyon ng historikal bilang fantasya. Totoong nadanas ito bilang worst disaster in recent history ng mga taga-Metro Manila pero ang operatibo rito ay ang past tense, dinanas. At sa sumunod na pagdaranas ay wala na sa sentro. Kay Pepeng, ito ay ang Northern Luzon, isang malayo at exotikong lunan para sa di-taga-roon. Na sa diskurso ng turismo at three-day holiday mode ni Arroyo ay mga imahinaryo ng abot-tanaw na leisure na dinaranas lamang sa moda ng kasiyahan.

Imahen mula sa http://pinoyweekly.org/

Ang mga lunan na nasalanta ng disaster sa neoliberalisasyon ni Arroyo ay nagmistulang parang mall na rin. Hindi naiisip na ang mga ito ay sityo ng pasakit at paghihirap, tulad ng subkontrakwal na paggawa, komodifikasyon at alienasyon, at gentrifikasyon at konsumeristang lifestyle. Kaya walang afinidad ang maller sa mga nagwewelgang manggagawa sa mall, paano iisipin na malupit si Mickey Mouse at Disneyland, halimbawa, kung mula pagkamusmos hanggang pagkatanda ay bahagi ito ng brand ng gitnang uring buhay na tinatangkilik ng individual?

Kaya inuunahan na ang mamamayan na pagurin ng estado sa disaster. Una ay parati ngayong exaherado ang pangitain sa panghinaharap na disaster para patindihin ang agam-agam ukol sa pribatisadong individual kung kaya pa nito ang panibagong dagok sa kanyang buhay. Tanungin lamang ang nasalantang bahay at pamilya ng baha ni Ondoy at tunay na manghihina ito sa pangitaing lilinisin na naman niya ang kanyang tahanan ng putik at sirang gamit. O magpupundar na naman siya ng bagong gamit kundi man bagong bahay?

Traumatiko ito. Pero sa ikalawa, sa pagsiwalat ng anthem-of-the-time ng pagkakaisa, ng infomercial at segment sa telebisyon ukol sa tagumpay ng Filipino sa gitna ng disaster at relief operations matapos nito, lahat ng susunod na disaster ay nagiging dalawang bagay para sa estado: ito ay nagiging representasyong makakapagdistansya sa tunay at imahinaryo, at kung gayon, ang ugnayan ng cause-and-effect sa accountability ng disaster at damages pagkatapos nito; at ito ay nagiging komoditi na magpapa-champion sa mga personalidad at causa ng post-disaster na panahon.

Si Manny Pacquiao ay nag-donate ng P1 milyon, si estudyante XYZ ay naging bahagi ng relief operations, ang muy buena familia ay nanuyod ng kanilang kloseta para makalikom ng ibibigay na damit, pagkain at gamit sa nasalanta. At matapos nito, lahat sa Metro Manila at mga lugar na pinanggalingan ng pondo ay may personalisadong kwento ukol sa disaster, na akma sa branding ng Ondoy at susunod pang bagyo—disaster pero nalampasan ng bansa.

Kaya pagod na tayo sa disaster-relief operations dahil hindi sa hindi nauubos ang disaster kundi dahil epektibo itong natransforma ng estado para sa sarili nitong preserbatibong interes. Na ang kanilang naratibo pumapasok ang individualisadong kwento ng pagdanas ng disaster, na hindi hiwalay sa imahinaryo ng relief-operations. Sa huli, ang estado ang mananatiling nagtataguyod na lamang nito, at sila ang last-rescuer-standing, ang institusyong sasabitan ng medalya para malaktawan ang kolektibong karanasan sa disaster.

Tayo ay sila, at sila ay atin.

Unang nailathala sa Kulturang Popular Kultura kolum noong ika-19 ng Oktubre, 2009, Bulatlat.com.

Advertisements