Baha at alaala

by rolandotolentino

Lampas nang isang buwan nang bumigwas ang bagyong “Ondoy” at “Pepeng.” At ipinapaalaala ng serialidad ng mga bagyo ang mortalidad ng buhay at alaala. May nakapagsabing walang memorya ang mga Filipino. Paano nga magkakaalaala kung paratihang literal at figuratibong binabaha ang mga objek ng alaala? Inaanod palabas kundi man nilulubog sa baha at putikan para, tulad ng maraming appliances, ay wala nang silbi matapos?

Nag-comeback ang mga Marcoses. Kahit namatay si Cory, ang mga Aquino ay nagpapatuloy sa politika. At ang kontribusyon ni Kris Aquino ay bilang pinakamatagumpay na anak ng pangulo na nagshowbiz. Pumailanlang ang masaker sa hacienda ng kanilang pamilya. Si Joseph Estrada na napatunayang may sala ng pandarambong ay pinawalang-sala ni Gloria Arroyo sa isang political na maniobrang inaakala’y magpapataas sa kanyang popularidad.

At sa serialidad ng mga kaso ng korapsyon ng mga Arroyo, marami sa Kamag-anak, Inc. nito ay nahalal pa rin sa Kongreso. Nanalanta si Ondoy sa Metro Manila at Rizal, si Pepeng sa Northern Luzon. Sa pagitan ng mga namatay at nasalanta, at sa pamimigay ng relief at charity, wala nakaalaala sa a priori na dahilan kung bakit nga ba may malawakang namamatay at nasasalanta sa ordinaryong mga bagyo?

Marami sa mga kaibigang manunulat at skolar ang nasalanta ng baha dulot ni Ondoy. Marami ang nagising na lamang isang umaga na mataas na ang baha, at bago malikas ang dapat malikas, ang unang casualty ay ang kanilang mga libro. Naunang ipatong sa mesa ang ref, ilikas ang mga anak sa ikalawang palapag, at isalba ang computer na naglalaman ng mga obra at tesis.

Kawawa ang isang kaibigan, nakatira sa Roxas District sa pampang ng malaking creek. Palabas ang bukas ng pinto at kinailangan ng tulong mula sa kapamilya sa kabilang unit para mabuksan ito. Nang magawa ito at mailikas ang mga anak sa kabilang unit na may ikalawang palapag, ilang minuto pa lamang ay nilamon na ng nag-uumapaw at rumaragasang baha sa creek. Tatlong computer ang pangunahing biktima ng baha.

Marami rin ang bumalik na lamang sa kanilang bahay matapos ang baha na lahat ay nakababad sa makapal at malapot na putik. Ang panganay kong kapatid na babae, kapayat ay nanakit ang kalamnan dahil sa paglilinis ng putik sa bahay sa Marikina. Ang isang kaibigang guro, dahil wala siya sa bahay, ay natagpuan na lamang na ang isang lata ng pintura ay kumalat sa kanyang mga pader. Ipinapaalaala ang perwisyo ng baha.

Walang gaanong pelikula na nananatili dahil sa humidity na sumisira sa negatibo, kundi man sa madaling pag-apoy ng medium. Hindi pa kasama rito ang carpet bombing ng Manila sa pagtatapos ng World War II. Litrato na nga lang sa may salamin na frame, naninikit at lumalabo sa pagdaloy ng panahon. Ang mga papeles sa panahon ng bagyo, nawawala, nababasa kaya kailangan na naman muling kumuha ng bago.

Mahilig mag-hoard ang Filipino. Hindi uso ang garage sale para periodikong tanggalin ang hindi na ginagamit. Ang pinaglumaang t-shirt at maong, nagiging basahan pa. Ang lumang sapatos, hanggat hindi bumibigay, isinusuot pa rin. Ang nakalakihang damit, naipapama sa kasunod na kapatid. Pati ang luma’t pinaglumaang gamit, naipapamigay lamang sa panahon ng relief operations matapos ang bagyo at iba pang disaster.

Kaya full circle ang bagyo bilang tagapanira ng gamit at objek ng personal at domestikong alaala, pati na rin ang pagpapalit ng pag-aari nito—mula angkop tungo sa henerikong bagay na ipinapamigay sa relief operations, mula sa personal na may halaga tungo sa henerikong pagbasbas sa personal na guilt (kung bakit naligtas at hindi naperwisyo). Na hindi hiwalay sa full circle syndrome sa politika. Kung bakit, gaya nga ng kanta ng Yano, di naman binoboto pero nananalo.

O silang tagapaglikha ng mas malaking pagdanas sa disaster ay muli’t muling naisasalba ng disaster. Na maging sa ekonomiya, na kahit na nasalanta at naperwisyo, ito rin ang pagpapatupad ng pinakamarahas na polisiyang higit pang makakapagpahirap sa mamamayan. Usap-usapan na ang demolisyon sa mga komunidad ng maralitang tagalunsod bilang “dahilan” ng malawakang paglubog sa panahon ng bagyo. O ang higit pang resignasyon ng nakararaming gitnang uri sa napipintong urban renewal matapos ng disaster sa syudad.

Kaya nalilikhang walang alaala ang Filipino dahil ipinagkakait sa kanila ang kumpletong kwento para mapalitan ng ofisyal na kwento ng tra-la-la at “nang unang panahon.” Na sa pag-anod ng kanilang gamit, sa pag-imbentaryo ng mga gamit sa putikang di na mapapakinabangan, hindi niya maipapakat na ang dahilan ng pagkasalanta ay ang mismong politika sa bansa. Personalisado ang kanyang kwento, hindi politikal.

Parang siya lamang ang nakaranas ng baha, at parang di magkakaugnay ang milyon-milyong nasalanta ng mga bagyo gayong parehong milyon-milyon ang pilit na napapag-ugnay ni Arroyo at ang kanyang mga santo’t santa.

Unang nailathala sa Pasintabi kolum noong ika-4 ng Nobyembre, 2009, Pinoyweekly.org.

Advertisements