Samakalawa (The Day After Tomorrow)

by rolandotolentino

Magiging historikal na araw ang Setyembre 26, 2009. Ito ang araw na lumubog ang Metro Manila at karatig-lugar. Ang araw na pinagmistulang lawa ng tubig at putik ang Marikina at Quezon City. Ito ang pinakamasahol na pagbaha ng kapitolyong rehiyon sa naalaalang kasaysayan.

Text nga ng isang kaibigang guro mula sa Ateneo ukol sa isang kagurong nakatira sa Ateneo-ville sa Marikina City, para na raw itong The Day After Tomorrow (2004), ang disaster na pelikulang Hollywood ukol sa mabilisang pagkasira ng environment ng mundo. Umakyat ang tubig sa subdibisyon ng mga guro ng Ateneo. At dahil wala siyang ikalawang palapag, tinanaw na lamang niya ang mabilisang paglubog at pagkain ng mga kanyang bahay at gamit ng nag-uumapaw na tubig.

“The great equalizer” daw ang baha dahil kahit mahirap at mayaman, sikat at di ordinaryo ay apektado nito. Walang pinipili, walang kinikilingan, walang kinakampihan, na para na itong tagline ng balita sa gabi ng GMA 7. Ang dalagang artistang si Christine Reyes ay simula pa lamang tanghali ay nasa bubong na ng bahay ng Provident Village, na sa pagkakataong ito ay hindi napaghandaan ng pangalan ng subdibisyon ang dumating na sakuna.

Hindi naman tulad ng malling na patas lang ang laban ng mahirap at mayaman sa karanasan ng konsumeristang kasiyahan sa pang-araw-araw, ang pagbaha, bagamat patas na pagdanas ng pagdurusa’t pagpapakasakit, ay hindi naman dinadanas sa pang-araw-araw. Dahil sa mismong korapsyon ng pambansang pamunuan, nagiging exceptional ang pagdanas ng pagsalanta ng pinakamalaking baha sa kasaysayan.

Ayon nga kay Rep. Teofisto Guingona III, ang paggamit ni Gloria Arroyo ng P800 milyon para sa kanyang biyahe mula sa contingency fund ay pagbawas sa kapasidad ng gobyerno sa sigalot na dulot ng malawakang pagbaha. Hindi nga ba’t sinasabing pipito lang ang rubber boat ng Marikina City, isa sa nakaranas ng pinakamarahas na epekto ng pagbaha? Ang buong National Disaster Coordinating Council (NDCC) ay mayroon lamang daw 13 rubber boats. Kung hindi sinalat ang pera, maaring nakabili, ayon sa lider-kabataan na si Vencer Crisostomo, ng 1,600 na rescue boats ang gobyerno para sa disaster relief operations nito.

Imahen mula sa http://images.gmanews.tv/video_thumbnails/2010a/2011a/12//qrt_121911_5.jpg

Lubhang napakatagal at napakabagal ng pagtugon ng gobyerno sa naganap na disaster. Ang pinapatingkad ay kung paano si Arroyo ay naging biktima ng mismong pagbaha, nang hindi na makaraan ang sinasakyan nitong army truck, nag-MRT na lamang at naglakad sa baha para lamang makarating sa opisina ng NDCC. Samantala, ang mga ulat ng mga field reporters ng magkaribal na ABS-CBN at GMA 7 ay ang malawakang miserableng kondisyon ng mga naapektuhan ng baha.

Mayroong nag-uulat mula sa kasagsagan ng baha sa Montalban o sa North Expressway. Mayroong nakasakay sa dump truck para lamang mabisita ang iba pang lugar na naapektuhan ng baha sa Rizal area. Mayroong hindi pa nakakarating sa kani-kanilang pamilya, dumudulog sa mga coverage na sana ay makarating na ang rescue operation sa kanilang naperwisyong pamilya.

Ito ang pagkondisyon ng media sa disaster—na parang patas lamang ang lahat sa pagdanas nito, media practioner man o hindi. Kung gayon, tayong lahat ay biktima ng pagbaha. Wala na namang may kasalanan nito. Walang preparasyong tunay na makakapaghanda sa magnitude ng disaster na tulad nito.

Pero hindi ba’t matingkad naman ang givens ng disaster sa bansa? Una, ang Pilipinas ang pinaka-disaster proned na bansa sa buong mundo. Nasa gitna tayo ng fire belt ng mga bulkan, pinakamaraming bilang ng bagyo kada taon, maraming lindol, at hindi pa rito binibilang ang man-made disaster, tulad ng landslide dahil sa iligal na pagtrotroso, pati ang chemical spills mula sa liberalized na industriya ng mining? Hindi pa rin kasama rito ang isa sa pinakamariing insidente ng korapsyon sa buong mundo.

Ikalawa, hindi raw tantyado ang buhos ng ulan dahil kulang ng mas sofistikadong radar system. Bakit hindi bumili, kundi man mag-invest? Bakit ang prioridad ay ang foreign trips ni Arroyo, pati na ang pagkain nito sa mamahaling restaurant sa New York City at Washington, D.C.? Ano ang interes ng mismong pamahalaan na di pangalagaan ang defensibong pagtatanggol sa kagalingan ng mamamayan nito?

Eh kung hindi bumaha at bumagyo, sayang naman ang gamit at pondong ginasta! Kaya parating reaktibo ang reaksyon ng gobyerno, dahil lalo na kung ito ay gawa ng kalikasan, wala naman direktang masisi dito, di ba? Si Ondoy ba ay taong pwedeng pagbunturan ng galit? Si Arroyo ba ang may gustong bumaha si Ondoy?

Higit sa lahat, sa pamamagitan ng pamumuno sa disaster, napapamunuan ang bansa. Naitataguyod ng ofisyal na disaster management ang kagalingan ng pamunuan at gobyerno. Kahit papaano ay mayroong mabibiyayaan sa pagtulong ng ahensya ng gobyerno. Hindi nga ba’t ito ang sentrong paksa at tematiko ng komersyal ni Gilbert Teodoro para higit siyang makilala ng bobotong publiko?

At kung ito naman ay man-made disaster, mas simple ang reaksyon ng gobyerno, at kalkulado na ito. Sa paglubog ng Super Ferry, halimbawa, o sa mga bagong skandalo ng korapsyon, ang ginagawa lang naman ay manahimik si Arroyo, ipaako sa kanyang spokesperson ang pagsagot, malinaw na putulin ang chain of command na hindi umabot hanggang presidente, at mag-antay ng mas malaking disaster. At this is it na nga!

Dahil nga tayo ay bansang pinalilibutan at pinaiilaliman ng natural na disaster, mauuna pang matabunan—at madalas, literal ito—ng gumuguhong putik at torso, o lumulubog na barko ang inaasahang mas maraming bilang ng mamamayan nang mailipat ang pansin kaysa sa pagkahon ng alingasngas ng gawang-taong disaster, ngayon ay mas kilala bilang gawang-Arroyong disaster.

Ewan ko ba naman, lahat ng salatin ni Arroyo, nagiging bundok ng skandalong basura na mas malaki pa kaysa sa nahuli nitong kinasangkutan. At ito ang afinidad ng natural at gawang-Arroyong disaster: ginagamit ng huli ang una para pagtakpan ang sarili nitong kalabisan, mula sa sariling paglulustay o pagkimkim ng pera hanggang sa kalabisan ng kasalatang pabayaan ang kahandaan ng bansa sa mga disaster, pati na ang pagbawas ng kahirapan at ang karagdagang pasakit sa mamamayan, ng malawakang korapsyon.

Kaya ang itatampok ay ang bayanihan, na ang atas ng panahon ng disaster ay pakikipagtulungan at pakikipagkapwa-tao. Ito ang ethos ng telethon, ang kumbersyon ng regular na palabas sa sistematikong pagdulog sa taong may ginhawa para magbigay ng kanyang labis sa taong walang ginhawa. At hindi rin kakatwa na si Kris Aquino ang sentrong figura ng ABS-CBN para sa operasyong ito.

Sa pamamagitan ng ikonikong status ni Aquino, na ang showbiz ay behikulo ng politisasyon ng estado nito, at ang showbizifikasyon ng politika ang nagdulot ng naturalisasyon ng politika sa antas ng ordinaryo’t pang-araw-araw, ang kanyang lupon ng kapwa artista ay mapapa-donate ng panahon at salapi, mapapahimok sa kanilang sponsors at endorsements na mag-donate hindi para makatulong sa kapwa kundi para maging publiko ang pagtulong sa kapwa.

At ito ang politika ng pilantropiya sa panahon ng post-disaster, ginagawang charity work ang rekurso ng pakikipagkapwa-tao. Na ang pagwaksi sa gawain ng gobyerno ay sinasalo ng orkestrasyon ng malalaking negosyo, na sa huli ay sabwatang makakapagpanatili ng sanktidad ng estado poder. Tulad ng orkestrasyon ng mga ito para sa pambansang eleksyon, sa pagdiriwang ng pasko at semana santa, ng konsumerismo ng three-day holiday at tag-init, ang indirektang pag-uusap ang siyang nakakapagpanatili sa estadong di man matitinag ng pinakamalakas na bagyo o insidente ng skandalo.

Ilang araw lamang, huhupa na ang baha, malilinis na ang kalsada, babalik ang trafiko, magiging normal na naman ang buhay. Na parang hindi normal sa panahon nitong pagbaha gayong pinakamatingkad nga ang pagdanas ng kapangyarihan ng estado sa mamamayan nito—sa araw at gabi ng walang palyang malakas na ulan, narerealisa ng mamamayan ang kanyang abang lagay, at handa siyang tumanggap ng tulong, kundi man, mula sa bubong ng kanyang bahay, umasa habang basa at giniginaw na darating pa rin ang tulong.

Nainternalisa ng apektadong mamamayan ang kapangyarihan ng politika ng pilantropiya. Umaasa kahit hindi naman darating ang tulong. Para lang siyang nakabili ng tiket sa sweepstakes o sa lotto, na sa pamamagitan sa pag-asa, ang aspirasyon na gaganda ang kanyang kinabukasan ay nakakasapat na sa pag-invest sa tiket at sa posibilidad na darating nga ang pinakakaasam na tulong. Hindi na siya magagalit, dahil bago pa man siya sumunggab sa kapabayaan ng awtoridad, nainternalisa na niyang umasa at magpaubaya na lamang sa paghupa ng baha.

Sa mga oras na siya’y nasa kanyang bubong o inaanod ng rumaragasang ilog, tumatawid sa tumataas at mapuputik na baha, umaasang mailigtas ang kanyang sarili at pamilya, nagninilay-nilay na siya, at ang kapabayaan ng estado ay nagiging sariling kapabayaan. At kapag dumating ang pagligtas, tulad ng pagsuong ng speed boat ni Richard Gutierrez para iligtas si Reyes at ang kanyang pamilya sa kanilang bubong, may kumpiyansa siya, kahit hindi siya ang aktwal na nailigtas, na ang sistema ay gumagana pa rin.

Tunay na propetikong nalinis ng baha ang kabulukan ng sistema.

Unang nailathala sa Kulturang Popular Kultura kolum noong ika-28 ng Septyembre, 2009, Bulatlat.com.

Advertisements