First World Hubs sa Neoliberalismo ng Pilipinas

by rolandotolentino

Ang bagong mga sityo ng metropolitanismo ay dinidisenyo hindi ni Gloria Arroyo o Bayani Fernando, at least di direkta, kundi ng neoliberalismo. Ito ang pang-ekonomiyang pwersa na ang mga dating publikong serbisyo, mula urban planning, parke at leisure, hospitalisasyon at koleksyon ng basura, ay binibitawan na ng gobyerno at nagiging spero ng buhay na pinanghahawakan na ng pribadong sektor, lalo na ng malalaking negosyo.

Ang resulta nito ay ang transformasyon ng mga syudad, tulad ng Metro Manila at ang mga periperal na syudad, at quasi-syudad, tulad ng Los Banos at Cainta, bilang bagong hub ng neoliberalismo. Kung sa panahon ng Kastila, ang sentro ng komersyo ay segurong prinoprotektahan sa Intramuros, ang Walled City, ang sa panahon ng Amerikanong kolonialismo, ito ay nasa pampang ng ilog Pasig sa Manila, malapit sa daungan ng bapor, ang Escolta.

Ang simbahan ang toreng sentro ng sistemang pueblo na nag-inhinyero ng arkitektura, kolonyal na planning at logos ng hierarkiya ng lehitimo at di-lehitimong pagkatao sa panahon ng Kastilang kolonialismo. Dito ay magkadikit ang simbahan at munisipyo bilang tambalang sword at cross sa operasyonalisasyon ng Kastilang kolonialismo. Sa gilid ng simbahan ang eskwelahan, sa likod ang sementeryo. Sa tabi ng munisipyo, ang palengke na mahalaga sa kontrol ng produkto at buwis.

Sa panahon ng Amerikanong kolonialismo, ang munisipyo at eskwelahan ang pangunahing institusyon na pinangasiwaang idisenyo nito. Nanatiling abot-tanaw pa rin ang palengke sa munisipyo, gayong lumawak ang infrastruktura ng publikong edukasyon. Sa dalawang yugto ng kolonialismo, simbolikong nanatiling mahalagang institusyon ang munisipyo bilang may kontrol sa palengke.

Imahen mula sa http://legalhistoryblog.blogspot.com

Matapos ang World War II, ang baroque urban planning ni Daniel Burnham na may malalawak na promenade at open spaces, intrikadong pagsasangandaan ng maliliit na kalsada tungo sa malalaking kalsada, at ang pagkakaroon ng sibikong sentro na itinaguyod sa Manila at Baguio, maging sa Quezon City, ay pinalitan ng integradong zoning sa loob ng syudad. Ibig sabihin, may distritong nakalaan para sa tirahan, mayroon para sa pabrika at pamilihan.

At dahil ang materialisasyon ng urban planning ay kinakailangan ng sustenidong pondo at political will, hindi lubos na naisakatuparan ang mga disenyo. Bagkus, pagdating ng 1960s, namumutiktik na ang syudad ng zona ng maralitang tagalunsod. Ang Tondo ang sinasabing pinakamalaking squatters’ area sa Asia. At maraming lugar na pinamahayan na rin ng resulta ng migrasyon mula sa probinsya patungong Manila.

Sa edifice complex ng diktaduryang Marcos, ang Manila ay nagkaroon ng pambansang estado. Si Imelda ang naging gobernador nito, at kinonsolida at mga karating munisipyo sa Metropolitan Manila. May ipinalawak na misyon tungo sa pagtugon ng syudad sa “11 basic human needs” at bawat isa ay mayroong opisyal na arkitekturang magtataguyod nito.

Ang natitirang labi ay ang BLISS housing complex bilang pagtugon sa pangangailangan para sa “human settlement.” Kasama sa beautification drive sa Metro Manila ang pagbabakod ng squatters’ areas para i-isolate mula sa gentrified na populasyon. Dagdag pa rito, nagpalaganap din ang diktadurya ng sarili nitong complex ng struktura bilang homage sa kanilang paghahari. Sentral dito ang Cultural Center of the Philippines Complex na pinamumutiktikan ng high modern na arkiterktura, tulad ng CCP mismo at PICC, kundi man, ng modernong katutubo, tulad ng dating Folk Arts Theater, o modernong Europeo, tulad ng Film Palace.

Integral ang pagkaunlad ng kapitalismo sa bansa sa resultang arkitektura at urban planning. Sa panahon ng Kastilang kolonialismo, dahil ang yaman ng bansa ay nakasalalay lang sa peligrosong taunang biyahe ng Galleon Trade, proteksyon sa high stakes na yaman ang isinasaad ng pagkaunlad ng Intramuros. Na sa tindi ng init, maliban sa mga pari at madre sa kongregasyon sa loob nito, ang mga Kastila ay may panggabing bahay sa pampang ng ilog Pasig.

Sa panahon ng Amerikanong kolonialismo, ang distritisasyong nakalaan para sa finansya ang isinakatuparan nito. Ang Escolta ang naging sentro ng komersyo, negosyo, entertainment at shopping. May sports complex at tirahang mansion sa Vito Cruz. Sa panahon ng diktaduryang Marcos, namatay ang sentrong ito, lumipat sa Makati, pati na rin sa Cubao. At sa tulong ng negosyong pamilya (Ayala Zobel at Araneta), naging bagong sentro ng negosyo, entertainment at shopping.

Ang pinakahuling pagtatangkang iridisenyo ang Metro Manila ay kay Bayani Fernando, ang chairman ng Metro Manila Development Authority, na ang pinagsimulan ay sa panahon ng Marcoses. Ang pagkakaiba ay una, ang beautification ay nirehistro sa idioma ng pagkalalake, “metro pogi” at ang direktang fasismo na likhaing invisible ang sidewalk vendors at maralitang tagalunsod, pati na rin ang lantarang preferensiya sa maykayang mamamayan, tulad ng u-turn slots para sa kumbinyente ng may pribadong sasakyan; at ikalawa, ang tunay na pastische aesthetics nito: pink na urinal, pink and blue na pedestrian walk, hotel at iba pang infrastruktura ng PR-challenged na Fernando.

Na kahit nga di-pleasing-to-the-eyes at marahas ang mga polisiyang ito, nananatiling integral ang hitsura at kalakaran sa bagong pagkaunlad ng kapitalismo sa bansa. Kung sa panahon ng diktaduryang Marcoses, ang edifice complex ay ang transformasyon ng hitsura ng sityo ng pamunuan bilang motibasyon para sa kalakarang makapanghimok ng multinasyonal na kapital, sa panahon ni Gloria Arroyo na namayagpag hanggang sa maabot ang glass ceiling ni Fernando na di ito winnable bilang presidentiable sa 2010, ang hitsura ng syudad ay nananatiling functional sa fantasya ng capital flight at mobility ng pambansang pag-unlad.

Dahil hindi kayang lubos na suportahan ng hitsura ang operasyonalisasyon ng ekonomiyang sistema, umasa ang Marcoses at sina Arroyo at Fernando sa pagkakasangkapan sa masibong bilang ng katawan ng kanyang mamamayan. Sistematikong itinaguyod ng Marcoses ang overseas contract workers bilang tiyak na huthutan ng korapsyon at pagpopondo sa edifice complex nito.

Ang legacy nito ay sampung porsyento ng populasyon ng bansa ay OCW, kalakhan ay nasa domestikong gawain, at patuloy na umaakyat ang taunang remittance, at umabot na sa $16 bilyon. Integral ang OCW remittances sa pagsalba sa pambansang pamunuan lalo na sa panahon ng global na krisis. Tiyak ang paglaki at regularisasyon ng padala dahil ang remittance ay nakasalalay sa katawan ng OCW bilang sacrificial lamb ng kanyang pamilya.

Sa panahon nina Arroyo at Fernando, di na lamang nakaasa ang mga ito sa OCW remittance na patuloy na pinamagpag ng sumunod pang mga post-Marcos na presidente. Umasa na rin ito sa bagong sunshine industry sa service sector work. Ang BPO (Business Process Outsourcing) ang tinataguriang sunshine industry sa bansa. Sa bagong global at sexual na dibisyon ng paggawa, ang Pilipinas ay nagpapadala ng domestikong manggagawa sa labas ng bansa, at tumutugon sa mga domestikong mga katanungan mula sa loob ng bansa.

Tulad ng OCW, ang call center agent ay gumagawa ng mababang gawain sa peligrosong kondisyon ng paggawa (panggabi ang kalakhan ng ahente). Tumatanggap sila ng mas maliit na sweldo at prone sa racial prejudice. Tulad din ng OCW, ang call center agent ang bagong magnet ng gentrifikadong nilalang at pagkanilalang sa bansa. Sila ay mas bagong nouveau riche.

Sa unang sampung taon ng operasyon ng BPO, mayroon lamang 20,000 call center agents. Ngayon ay nasa 200,000 na sila. At sa pre-global crisis na tantya sa 2010, aabot sila sa isang milyon, at ang potensyal na kita mula rito ay $13 milyon. Batay sa economies of scale, di hamak na mas malaki ang ganansya ng army ng call center agents sa OCW. At kakatwa ang naging resultang disenyo ng mga syudad sa ilalim ng bagong rehimen ng kapital.

Self-contained mix-use na pamayanan ang nabuo. Instigador lamang ang gobyerno, at ang nagpaunlad ng Eastwood sa Libis, The Fort sa Taguig City, UP-Ayala Technohub sa Diliman, maging ang pagredisenyo ng lumang sentro tulad ng Makati Central Business District at Araneta sa Cubao ay ang malalaking negosyo na ang nagiging pangunahing operasyon ay ang paglikha ng mga serbisyo at establisyimentong manghihikayat sa call center agents, OCW at ang kanilang pamilya na tumangkilik at gumasta. Wala ang mga yuckie na infrastruktura at estetika ni Fernando.

Maging ang bagong pag-unlad ng Davao City, Cebu, Bacolod at maging Cagayan de Oro ay sa pangkalahatan dulot din ng call center operations na nangangailangan ng malalaking espasyo, moderno at telecommunication ready. Tulad sa Metro Manila na ang bagong nagsusulputang gusali ay sa karamihan call center buildings, kundi man ng bagong condo at mall na ipapatangkilik sa army na ito, nagiging ganito na rin ang operasyon ng urban development sa labas nito.

Sa kasalukuyan, low-end ang kalakhang serbisyo at establisyimento na sumusuporta sa call center agents: fastfood, 24/7 convenience store, massage at spa, murang gimikang may bucket na beer, at iba pa. Gayunpaman, narito na ang marka ng modernidad na hinahawa ng Metro Manila—McDo at Jollibee, billboards, mall, at iba pa—na nagpapaiba sa moderno sa ordinaryong syudad.

Ang pagkaunlad ng mga syudad sa kasalukuyan ay di maiiwasang magmarka ng modernismo at kosmopolitanismo ng kanyang pinapaunlad na kapitalismo. Ito ang paglikha ng hubs ng pinaka-recent na pag-unlad ng kapitalismo. Dulot ng infrastrukturalisasyon ng BPO sa pangkabuhayan at ordinaryong buhay ng maraming mamamayan, ang mga syudad, tulad ng pagiging wired ng call center agent sa internet at pinagseserbisyuhan kliyente, ay konektado na rin sa globalisadong realidad, kahit pa mababang uri ito sa hierarkiya ng global na kapital.

Kung hub ito, ito ay kayang prumonta bilang sentro; at dahil ito ay wired sa web, ito ay kontemporanyong sentro, katapat ng iba pang sentro sa buong mundo, na hanggang sa larangan ng paggawa lamang. Ang kinakausap ng call center agent sa ibang panig ng mundo ang nagbabayad ng kanyang serbisyo, at unilateral ang operasyong ito na umuukol sa di-pantay at malinaw na dibisyon ng paggawa at kapital.

Ito ay pribadong inisyatiba ng negosyo na siempre ay nasa disenyo pa rin ng gobyerno sa paglikom ng pondo sa pagmimintina ng korapsyon at kahirapan bilang hidwaan ng may kapangyarihan at wala. Wala ang gobyerno sa loob ng hubs gayong ang gobyerno ang nagdulot nito, sa pamamagitan ng macro-ekonomikong pagsasabatas ng polisiya, pati ang paglikha ng pedestrian walk at u-turns na magpapatungo sa hub.

At dahil tila namumutiktik na ang syudad ng ganitong hubs, tulad ng dating pamumutiktik kahit pa may concealment at demolition sa mga komunidad maralitang tagalunsod, ito na ang nabubuong hitsura ng syudad at bansa. Pero hanggang hub lang ito, at hindi kayang mag-take-over ng hub bilang kondisyon ng bansa. Ipinapawari lang sa mamamayan ang nananatiling potensyal ng bansa sa yugto ng neoliberal na globalisasyon.

Kaya ang hubbing ng mg sityo sa Metro Manila at iba pang syudad ay pag-aasta lamang o sa ibang salita, mula sa pwersadong pag-take-in nitong function ng global na kapitalismo, ang tanging magagawa ng call center agent ay umastang moderno at kosmopolitan dahil hindi naman siya, tulad ng kanyang syudad, tunay na moderno at kosmopolitan.

Unang nailathala sa Kulturang Popular Kultura kolum noong ika-28 ng Oktubre, 2009, Bulatlat.com.

Advertisements