Pekeng Christmas Tree sa Parkeng Kapaligiran

by rolandotolentino

MANILA — Ito ngayon ang highlight ng Quezon Memorial Circle (QMC), lalo na sa mga dumadaan sa kabilugang kalsada nito. Exakto ang bagsak nila, tila sampung metro ang layo sa isa’t isa, palibot sa kabuuan ng QMC. Para itong mga christmas tree dahil patay-sindi ang mga mumunti at maliliit na ilaw nito, pero dahil Agosto pa lamang ay nakahilera na, kay aga naman kung para sa Pasko ang mga ito.

Ibang estetika ito, na ang artifisyal ay itinatampok sa natural na kapaligiran nito. Kung mapapansin, sa mabilis na panahon, lalong kumikitid ang QMC bilang tampok na parke ng syudad. Dumarami ang konkretong kalsada at pathways, nauubos ang mga puno at patag na damong espasyo.

Hindi pinapaganda ang lugar. Binubuhusan lang ng gastos. Muling binakuran ang dati nang may bakod na QMC. Nilagyan ng hanging plant holders kahit wala naman automated na pandilig sa mga ito. Tinaniman ang bakanteng sidewalk ng halaman. Binunot at muling tinaniman.

At ngayon, isa-isa nang ginagawa ang underground pass na kokonekta sa iba’t ibang bahagi ng QMC, kahit ang pangalawa’t pinakahuling ginagawa sa Philcoa ay mayroon nang aluminyo (mamahalin) na pedestrian walk dito. Urong-sulong na hakbang tungo sa walang pangkalahatang disenyo para sa lugar ang nagiging pakiwari sa iba’t ibang modifikasyon ng mga lunan sa QMC.

Kung ang monumento ni Rizal sa Luneta ang “Kilometro O” o ang simulain ng pagdidistansya sa highways at bilangan ng marker sa daan, ang QMC ang ground zero ng urbanisasyon ng Quezon City, ang may pinakamalaking populasyon (pinakamaraming maralitang lunsod) sa Metro Manila. At kung ito ang ground zero, hilong-talilong na ang modernisasyon ng kalapit-paligid nito. Ano pa kaya ang kabuuang bisyon para sa syudad, lalo na sa napipintong urban renewal na may centerpiece na Quezon City Central Business District (CBD)?

Hindi aksidente na ang ruta ng CBD ng syudad ay nagpapahiwatig ng pagmamaniobra sa neoliberalismo: marami sa mga opisina sa QMC ay hinihikayat na ilipat sa ibang lugar (di nga ba’t ang mga Departamento ng Agrikultura at Repormang Agraryo ay balak ilipat sa Isabela at Mindanao?); pati ang Veterans Golf Course ay balak gawing mamahaling subdivision sa developer of choice ng syudad at UP, ang mga kompanya ng Ayala; at ang hanay ng natitirang malalaking lote sa kahabaan ng Commonwealth, na siya rin namang pader na dinadagsaan ng mga nakatago at itinatagong komunidad ng maralitang lunsod?

Kung gayon, ang ground zero na pinalilibutan ng artifisyal na christmas tree—kahit pa wala naman ang kultura ng paggamit ng natural na christmas tree—ay tumutukoy sa pribilisasyon ng modernong artifice kaysa sa natural. Hindi ba napakalaking anomalya na tinutunghayan ang parke sa gabi, di dahil sa pagiging malaking baga nito para sa syudad, o ang himlayan ng isang presidente ng bansa, kundi dahil isa itong kasiya-siyang artifisyal na lunan ng moderno?

Sa loob ng parke, malawakan na ang pribatisasyon ng pagmodernisa sa lugar. Lahat—mula pabisikleta, mamahaling restaurants at mumurahing pwesto, pati ang tindahan ng halaman at mga tiangge—ay nasa kamay na ng umuupa ng pwesto. Na imbis na paunlarin ang kalikasan sa lugar, ang pinapaunlad ay ang artifisyal na impetus para sa spectacle na may modernong nagaganap, may modernisasyon at pagsulong sa lunan na ito, na hindi kakatwang kaharap lamang ng Quezon City Hall.

Tinatawag-pansin ng ilawang puno bilang spectacle ang sarili nito—o ang umakda nito—para ipatunghay sa dumaraan na sila ay tumutunghay, o nasa posisyong mas mababa kaysa sa awtoridad. Para itong Lantern Parade ng UP na hindi na pumaparada ang mga float, kundi ang umiikot na ay ang mga tao—inilulugar ang mga tao bilang pasibong entidad sa nauna na at mas makapangyarihang infrastruktura ng kapangyarihan na naglulugar sa manonood at pinapanood sa kalakaran ng spectacle.

Ang pangunahing trahedya ng pag-iilaw sa kalaliman ng gabi ay ang mas sinasaad na pagbabawal. Bawal ang tao sa parke, may curfew matapos ng takdang oras. Ibig sabihin nito, bawal ang mga kalakaran ng mga taong maaring pumasok sa parke sa disoras ng gabi. Pati sa panlabas na kahabaan ng QMC ay bawal na rin ito. Nilusaw ito ng mabilisang mga sasakyang hindi na kayang mag-cruise sa gilid ng kalsada.

At tulad ng mga inimplemang urban renewal program ng Metro Manila Development Authority sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, ang mga plano ay madalas binabago, walang konsultasyon, at pinagmumukha at pinapasikip na parang EDSA ito. Ang mga pedestrian flyover ay bumabagsak sa gitna ng highway. Hindi kalkulado ang dami at distansya. Hindi namimintina ang kondisyon. Sa flyover, halimbawa sa Commonwealth Market, wala na ang huling tatlong hakbang.

Nagbabago ang kondisyon ng U-turn slots, may permanente at di permanenteng likuan. May ginawang antayan ng pampublikong behikulo na kakaunti kundi man walang gumagamit. Tinawag kong doodles itong urban planning na ito—childish, whimsical, arbitraryo pero deadly. Hindi nga ba’t ang Commonwealth Avenue ang death highway sa dami ng namamatay dito?

Na sinkronisado sa orihinaryong lohika ng QMC bilang syudad na dedikado para sa yumaong presidente ng bansa, na sa mga napatay sa mga aksidente sa highway, konektado pa rin ang lahat ng nasawi sa orihinaryong memorial sa QMC. Ang kahabaan ng Quezon Avenue ay babalik at babalik, tulad ng Quiapo sa Manila, sa ground zero nito, ang QMC.

Pero di tulad ni Quezon, walang memorial, tasitong kasunduan lamang na sa mga nangamatay—mga pedestrianong tumatawid sa highway dahil malayo ang pedestrian flyover, mga motorsiklistang nagmamadaling umuwi o pumasok sa trabaho, mga pasadang bus at jeep na ang kita ay nakasalalay sa dami ng pasahero—na dispensible ang abang mamamayan sa pagpapanatili ng modernisasyon ng kalsada at syudad sa pangkalahatan, o kung bakit nananatiling hindi prioridad ang pagtugon sa aksidente kapag abang mamamayan ang nasasaalang-alang?

Kung gayon, ang hinuhudyat ng mamahaling umiilaw na pekeng christmas tree ay ang pagpapatanggap ng pekeng realidad? Na maganda itong tunghayan mula sa kalayuan at mabilis na pagdaan, kaysa sa kondisyon ng aktwal na pamamasyal sa parke. Dahil sa loob ng parket, lahat halos ng karanasan ay kailangan ng kwarta para maging kabahagi nito. At mula sa abang mamamayan din na tumatangkilik ng parke, napakataas na kahilingan ito.

Kakatwa ang proyekto ng parke—gawing pribatisado ang karanasan sa leisure, lalo na ng under-class. Na sila man ay hinihimok magbayad para sa mga serbisyong tumutumbas sa kaakibat na kosmopolitanismong status ng pagkamamamayan—iyong magpapaangat sa kanila, kahit temporal at sa espasyong ito lamang, sa iba pang kahanay at kauri nila. At ito ang paglikha ng lokal na kapitalismo at estado sa antas ng pamayanan—na sila man ay nahihikayat na sa gawi at pag-aantas ng lokal na pamahalaan.

Na ang gagawin ng lokal na pamahalaan sa mahuhulog sa pag-aantas ay maging batayan ng pag-eetsapwera sa kanila. Nagiging mahalaga lamang ang umaapaw na populasyon ng maralitang lunsod sa peryodikong panahon ng eleksyon. Matapos nito, muling pagkakait ng publikong serbisyo hanggang ang iba sa hanay na ito ay piliing makaalis, lumipat o isumpa ang lugar para sa posibilidad ng iba.

Natural ang paglaglag, at ang unang madaling ilaglag ay yaong walang ekonomikong kapangyarihan, na magsasaad ng politikal na disenfranchisement dahil hindi naman sila dapat serbisyuhan at pagkagastusan ng pamahalaan. Sa pamamagitan ng parke at exklusibidad ng karanasan dito, nahihimok ang abang uri na sila mismo ang maglaglag—sa pamamagitan ng kanilang konsumpsyon, kahit pa limitado—sa pribatisadong espasyo at kalakaran.

Kaya ang ampaw ay hindi na lamang ampaw. Substansyal ang kawalan-laman dahil ito ang nakakapanghimok sa individual na pangarapin ang artifice at peke bilang kanais-nais na internalisasyon ng global na kapitalismo, panggitnang uri, at lokal na pagkamamamayan. Masarap ang labas, tila solido kahit alam naman na hindi ito ang tunay. At ang loob ay ang kawalan sa gitnang uring panlabas.

Mas napapaunlad ang preferensiya sa kawalan ng gitnang uring panlabas dahil kahit papaano ay nakakatamasa pa rin, pabalat-bunga, abot-tanaw, abot-kamay ang aktwal na gitnang uring panuntunan, na intimately nakaugnay sa kalakaran ng pagkamamamayan ng pambansa at lokal na estado, at global na kapitalismo. At di na kagitla-gitla na natatanggap na ng marami ang ampaw bilang sagradong aspirasyon at alituntunin sa pang-araw-araw na abang buhay.

Sa ilalim ng administrasyong Gloria Arroyo, ang ampaw ang siya nang ikinasisiyang literal at figuratibong pinanghahawakan, iniinternalisa, at kinaaantasan ng mamamayan. Ang ampaw ay hindi na lamang ampaw, ito na ang substansya at kalidad ng abang buhay sa mapanupil na makauring paghahahari sa lipunan.

Unang nailathala sa Kulturang Popular Kultura kolum noong ika-14 ng Setyembre, 2009, Bulatlat.com.

Advertisements