Politikal na Filmmaking

by rolandotolentino

MANILA — Sa kasaysayan ng pagsisimula at pag-unlad, ang pelikula ay isang politikal na media. Politikal dahil malinaw ang mga kolonyal, komersyal at neokolonyal na interest sa pagtataguyod ng filmmaking sa bansa. Na siyang magiging paraan ng pagpapahiwatig ng gitnang uri at maka-estadong politisisasyon ng karanasan, na ang kasiyahan ay idudulog lamang sa daluyan nitong parametrong nakakapagkahon sa entrada ng kasaysayan, realidad at aktwal na politikal na transformasyon.

Sa maagang yugto ng Amerikanong kolonialismo, isinugod ang aparato ng kamera para tunghayan ang ilang segundong mga imahen ng bagong kolonya: tranvia at Escolta, sabong, aktibidad sa tulay sa Maynila, at iba pa. Ang ganitong kalakaran ay isinagawa ng mismong mga pangunahing imbentor at negosyante ng pelikula—ang paglikha ng mga dokumentaryo ng exotikong lunan at kaganapan.

Tinutunghayan ang mga imahen at maiigsing pelikula sa arcade, tulad sa computer at iba pang machine-oriented games sa makabagong arcades na Time Zone, halimbawa. Naubos ang novelty ng pelikula sa arcades. Niriimbento ang laman ng pelikula, mula dokumentasyon tungo sa pagkukwento. Integral ang kolonialisasyon ng Pilipinas sa transformasyon ng tunguhin ng pelikula.

Maaring i-search ang paper print collection ng Library of Congress, at matatagpuan dito ang ilan sa mga pelikulang nakafokus sa Philippine-American War. Ito ay kundi mga newsreel ukol sa okupasyon ng Amerikanong sundalo sa Pilipinas, ay mga naratibisasyon ng Amerikanong sundalong kalahok sa digmaan. Karamihan ng maiikling feature films ay shinoot sa studio at likod ng studio ng Amerikanong imbentor na si Thomas Edison.

Tumabo sa boxoffice ang maiigsing feature film. Nagbukas ito ng mga imbentong imahen ukol sa bagong kolonya ng US, na sa panahon (194ng okupasyon ay walang kaalam-alam ang maraming mamamayan nito sa lokasyon at hitsura ng Pilipinas. Naging instrumental ang pelikula sa pag-akda ng popular na imahinaryo ng Pilipinas para sa okupasyon ng US.

Sa panahon ng Hapon, may tatlong pelikulang ginawa para sa okupasyon ng bansa: Dawn of Freedom, Tatlong Maria, at isang full-length na documentary. Ang unang dalawa ay feature films hinggil sa kabayanihan ng mga sundalong Hapon sa bansa, ang atraksyon ng mga Filipino sa mapanupil na Amerikanong kaayusan, at ang pagkiling ng mga Filipino sa bagong mananakop. Matapos ng World War II, babalik sa imahen ng panunupil ang Hapon at dakilang kabayahihan ang mga Amerikano.

Sa pag-unlad ng Cold War na ang mundo ay hinati sa spero ng influensa ng US at Russia, ang industriya ng pelikula sa bansa ang kinasangkapan ng US State Department para lumikha ng anti-komunistang mga pelikula para sa distribusyon sa Asia. Ang mga natatanging direktor sa panahong ito, mga gagawaran ng National Artist Award sa hinaharap, ang lumahok sa proyektong ito. Si Manuel Conde, halimbawa, ay gumawa ng Krus ng Kawayan (1956) na mayroong bersyon sa ingles, Tagalog at Vietnamese.

Ang isang mas di hayag na politikal na proyekto ay ang subkontrakwal ng B-rated movies ng Hollywood sa industriya ng bansa. Kasama rito ang mga pelikula nina Cirio Santiago hanggang sa era ni Wengweng, ang bansot na James Bond hero, mga black exploitation film o prison films (mga babaeng nagra-riot sa preso at bukid), na ang kitsch nito ay maglulunsad ng interes ng ibang direktor (Quentin Tarentino) at manonood sa ibang panahon.

Sa panahon nina Marcos, ang pelikula ay titingkad ang papel sa nation-building. Hindi nga ba’t ang matagumpay na eleksyon at reeleksyon ni Marcos ay inilunsad ng matatagumpay na pelikula? Ginamit na batayan ng moral na degeneracy ng bansa ang proliferasyon ng pelikulang bomba. Matapos ideklara ang martial law noong 1972, ipinatupad ang mga alituntunin ng censorship na pati script bago magshooting ay kailangang dumaan sa sensura, bawal ang stills na nagdidispley ng harapan ng babae o baril, at kung ano-ano pa.

Naalaala ko ang stills na nakadispley sa sinehan ay tino-touch-and-go ang hugis ng baril at ginagawang mas disente ang bathing suit ng babae. Ang mga Marcos ang nagpabalik sa Metro Manila Film Festival bilang taunang showcase ng pelikulang Filipino. Sila rin ang nag-bureaucratize ng industriya sa pamamagitan ng pagbuo ng pinakamaraming ahensya para sa pelikula.

Kakatwa na kahit na pinakamaigting ang kontrol sa pelikula ng diktaduryang Marcos ay yumabong ang tinatawag na second golden age ng pelikulang Filipino. Ito ang mga artistikong pelikula na malakas ang panlipunang komentaryo, kahit hindi direktang nakakapagkomentaryo sa diktadurya. Kontraryo ang maraming pelikula sa dikta ng diktaduryang isaalang-alang lamang ang “the true, good, and beautiful” sa pelikula.

Ito rin ang panahon ng umusbong ang aktibismo sa pelikula. Sa pamamagitan nina Lino Brocka, Pete Lacaba at Ishmael Bernal, at ang pagkatatag ng Concerned Artists of the Philippines, naging pangunahing daluyan ito ng aktibismo para sa kalayaan ng artista at ng sambayanan. Sila ang isa sa mga pangunahing nagprotesta sa edifice complex ng mga Marcos sa pagtaguyod nito ng bonggang Manila International Film Festival sa gitna ng krisis ekonomiya.

Ang sinasabing barometro ng krisis ay ang pagpapabaya ng mga Marcos sa sensura, ang pag-aproba ng pagbaha ng mga pelikulang bomba, tulad ng pre-martial law era, para raw makalimutan ng mamamayan ang krisis. Maluwag sa pelikulang malaswa para magkaroon ng eskapismo sa realidad. Pero naghigpit pa rin ang sensura kay Brocka sa kanyangBayan Ko: Kapit sa Patalim dahil sa politikal na mensahe nito.

Sa panahon ni Gloria Arroyo, ipinatupad ang neoliberalismo na siyang magpapahina sa industriya ng pelikula sa bansa. Dagdag pa rito, ang restriksyon ng cinema complexes ng SM, ang pinakamaraming sinehan sa bansa, na magpalabas lamang ng wholesome family entertainment na pelikula. Ang resulta ay ang paghahanap ng ibang paraan ng pagkukwento, at ito rin ang impetus na nagudyok ng third golden age—ang independent digital cinema.

Si Arroyo lamang ang natatanging presidente na sa kanyang termino ay nag-X (pahiwatig na ito ay banned, o hindi maaring ipalabas sa komersyal na benyu) ng pelikula para sa politikal na kadahilanan. Tanging si Marcos lamang ang may record nito. Ang mga pelikulang “Ang Mabuhay para sa Masa,” “Rights,” “Mendiola” at “A Day in the Life of Gloria” ay hindi binigyan ng permit para maipalabas.

Politikal ang pelikula sa panahon ni Arroyo dahil ang media ng pelikula ang nagbigay ng daluyan ng kritisismo sa rehimen. Nabuo ang maraming politikal na kolektibong pampelikula sa panahon ni Arroyo, na siyang matwid na gumagamit sa pelikula, video at new media para makapaglahad ng isyu ng accountability at transparency sa rehimen. Ang resulta ay ang isang aktibong politikal na kilusang pampelikula at kultural bilang susing kawing sa mas batayang sektoral at rehiyonal na kilusan.

At ito ang tunay na indie filmmaking dahil hindi ito umaasa sa film festival circuit o basbas ng institusyong kultural para makagawa ng pelikula. Ang politikal na kolektibong pampelikula ay nagpapaiba sa moda ng produksyon at resepsyon ng pelikula. Kung sa studio system, ang pelikula ay pang-least common denominator na sentral ang ikonograpikong artista, at sa indie digital films ay pang niche art festival market na gamit ang subalternong buhay ng mamamayan, ang politikal na kolektibong pampelikula ay walang artista kundi ang mamamayan at ang isyung kinahaharap.

Ang inaalok ng mga pelikula ay ang pinakamatalas na pagsusuri, na batayang limitasyon ng mga indie cinema dahil sa propensidad na magpahinga sa humanistiko at liberalismong pananaw. Hanggang dito na lamang po at maraming salamat. Sa politikal na kolektibong pampelikula, ang likhang akda ay instrumental sa pagpupukaw, pag-oorganisa, at pagpapakilos ng mamamayan.

Ang filmmakers ay nakalubog sa komunidad at pagawaan. Pinag-aaralan ang mga isyu, kalahok ang kinikilusang mamamayan. Kolektibo ang pagplaplano, preproduksyon, produksyon at postproduksyon. Kalahok ang mamamayan sa bawat proseso. Lalo na sa pagpuna sa pelikula, bukas ang kolektibo sa puna’t komentaryo ng komunidad para higit pang mapabuti ang kalidad ng akda sa kapasidad na makatulong makapag-organisa ito.

Ang karanasan ng isang komunidad ay kaakibat na karanasan ng iba pa. Ipinapakalat sa mga tsanel ng kilusan ang mga pelikula para tulong pa rin sa pag-oorganisa. Komunidad imbes na personalidad ang mahalaga. Isyu imbes na kathang-kwento. Malinaw, maigsi at may pagsusuring politikal, kabahagi ng pag-oorganisa ang mga pelikula.

May tunay na kasiyahang dulot ang produkto ng politikal na kolektibong pampelikula—ang kasiyahan ng kasaysayan, na siyang mismong kasaysayang ikinakahon ng politisadong depolitisasyon ng pang-araw-araw at historikal ng negosyo at estado. Na minamatwid ang lohika ng depolitisasyong nagsasaad na kailangan magtrabaho para makapag-malling at makapanood ng sine, kailangang magtrabaho para makapaglibang, kailangang makapaglibang para muling makapagtrabaho.

Ang sikliko ng buhay ay inalay na sa poder ng estado. Wala nang panahon ng politikal na introspeksyon, na imbes na magtanong ay umuugma na lamang sa daloy ng pang-araw-araw. Na sa mga akda ng politikal na kolektibong pampelikula, ang sityo ng materialisasyon ng mamamayang may kapangyarihan ay sa kolektibong pagkilos at pag-aakda ng kasaysayan.

Na sa pamamagitan ng mga pelikula, ang makasaysayang kapangyarihan ng mamamayan ay naiaakda para sa mismong manonood nito. At ang panonood ay pag-eensayo para sa rebolusyonaryong gawain, o ang simpleng paghahanap ng makatarungang alternatibo sa mapanupil na kasalukuyan.

Unang nailathala sa Kulturang Popular Kultura kolum noong ika-6 ng Setyembre, 2009, Bulatlat.com.

Advertisements