Kulturang Popular Ng Welga-Kete-Welga

by rolandotolentino

Protesta ang lohikal na tugon sa kondisyon ng panunupil ng mga galamay ng estado. At seryoso ang kilusang manggagawa ngayon sa dami ng protesta at welgang kanilang inilulunsad.

Ang Alliance of Port/Transport Workers and Porters–North Harbor (APTWP) ay tutol sa pribatisasyon ng operasyon sa port area. Tinatayang 5,000 estibidor at drayber, at 2,000 manininda ang mawawalan ng trabaho sa palipat ng operasyon ng port sa pribadong negosyo. Inaasahang tumaas din ang port fees na magpapabigat sa maliliit na lokal na negosyante, na maipapasa na naman sa manggagawa at mamimili.

Dahil sa napipintong protesta, napilitan naman ang higanteng pharmaceutical na negosyong Pfizer na makipagnegosasyon sa kanyang unyon. Napipinto naman ang merger ng mga unit ng kompanya, na karaniwang palusot para makapagtanggal ng mga 500 manggagawa ng Wyeth. Gamot at aspirin ang ilan sa mga produkto ng Pfizer at Wyeth.

Maging ang empleyado ng All UP Employees Union ay tutol sa nangyayaring pribatisasyon ng mga serbisyo ng Philippine General Hospital. Tinututulan ng unyon ang pagpasok ng pribadong pharmacy, laboratoryo at iba pang serbisyo sa planong Faculty Medical Arts Building. Natitiyak ang pagtaas ng mga serbisyo sa pangunahing ospital ng mamamayan.

Pang-araw-araw na serbisyo at produkto ang gawain ng mga unyonistang nagproprotesta. Nauna na rito ang bra na gawa ng Triumph International at ang protesta ng unyon nito sa pagsasara ng mga pabrika sa Pilipinas. Pati ang fried chicken ng Kentucky Fried Chicken at ang protesta nito laban sa unfair labor practice ay natatampok na rin.

Sa imahinasyon ng mamimili at mamamayan, ang pang-araw-araw na serbisyo at produktong kanilang tinatangkilik ay lusaw sa anumang bahid ng paggawa. Walang tao na lumikha nito, at wala ring relasyong pantao, kahit pa humane na relasyon. Ang protesta ay politikal na pagkilos na nagpapaalaala sa salik ng paggawa at presensya ng manggagwa. Kaya dobleng pagpupursigi sa negosyo at estado para burahin ito.

Ang rekurso ay ang welga-kete-welga na interkoneksyon ng protesta. Impit man sa ilan ang manggagawa o ang kanilang unyon, ang protesta sa ibang negosyo at pabrika ay dapat ibuyanyang tungo sa masigabong kilusang manggagawa. Natutunghayan ito sa kasalukuyang walang patlang na linggo-linggo pagproprotesta ng manggagawa.

Huling rekurso rin naman ng manggagawa ang protesta. Kinatatalo nila ang kanilang makauring individualismo na mabuti na nga itong kahit inaapi ay may trabaho man lamang, kaysa mag-unyon at magwelga at mamiligrong mawalan ng trabaho. Kinatatalo nila ang diskurso ng estado—ang alingasngas sa pagawaan ay nagpapadala ng maling signal sa dayuhang negosyante na ayaw natin ng trabaho at pag-unlad.

Ang protesta ang politisasyon ng manggagawa. Dito nila narerealisa ang kanilang politikal na pagkatao bilang manggagawa, natutunghayan ang across-the-board na kapangyarihan nila bilang kolektibo sa unyon at kilusang paggawa. Dalawang interkoneksyon ang napapanahong magawa para sa higit pang pagsulong ng kasalukuyang antas ng kilusang paggawa.

Una, ang interkoneksyon ng mga protesta, pagkilos at welga, o ang kapasidad na mapag-ugnay ang mga ito bilang kabuuang asulto ng rehimeng Arroyo sa kilusang paggawa. Na ang away ng isa ay away ng iba pa, away ng kabuuan. Na ang latay sa isa ay latay sa lahat ng manggagawa at unyonista.

At ikalawa, ang interkoneksyon ng mga protesta sa buhay sa labas ng kilusang paggawa. Dito ang isinasaad ay ang malakas na solidaridad ng kilusang paggawa sa hanay ng gitnang uri, intelektwal, estudyante at kabataan, kababaihan at maralitang tagalunsod. Mula sa hanay ng kilusang paggawa, ang realisasyon na hindi lang naman sila manggagawa. May iba pa silang identidad at pati ito ay may ugnay sa mas malaking kilusang masa.

Mula sa labas ng kilusang paggawa, ang kapasidad ng mga isyu ng batayang sektor na umalingawngaw sa kamalayan at puso ng iba pang apektado sa latay at panunupil sa kilusang paggawa. Na may kapasidad ang mga estudyante at intelektwal na lumubog sa picketline, matuto sa diwa at karanasan ng unyonista. Na aktwal na kahanay sila sa okasyon ng protesta at welga, at iba pang pagkilos para sa kabutihan ng kilusang paggawa.

Paano gagawing mas malawak na usapin ang kilusang paggawa? Paano ito makakaantig ng damdamin, makakatagos sa kamalayan para mapakilos ang iba, at makapag-organisa sa ngalan ng kilusang paggawa? Maaring humalaw ng aral sa representasyon ng welga sa kulturang popular para sa intersabjektibidad ng kondisyon ng posibilidad sa estado ni Gloria Arroyo.

Sa pelikulang Moral (1983, Marilou Diaz Abaya), ang eng-eng na kolehiyalang karakter ni Lorna Tolentino ay dumalaw sa lokasyon ng love-of-her-life. Nagkataong ang lunan ay isang welga, at ang panahon ay ang dispersal nito. Kaya habang nagkakagulo sa marahas na dispersal, nasugatan ang lalake at ang babae ay napatanga sa sitwasyon. Tumakas silang pareho sa mas ligtas na lugar.

Kung iisipin na ang kamalayan ng babaeng karakter ang sityo ng pagtulong at pakikiisa, dumaan ito sa mas matayog at romantikong anggulo sa kapwa estudyanteng nag-fulltime sa kilusang paggawa. At ang lalakeng karakter naman ay namulat sa pamamagitan ng pakikiisa sa pang-araw-araw na pakikibaka ng unyon.

Kung babaligtarin ang proseso, batayang kahilingan ng daluyan ng pakikiisa ang militanteng unyon makakapanghalina sa interes at paglahok ng mga nasa labas nito. Matatag ang unyon para sa pagsasalikop ng iba pang partisipasyon hinggil dito, pati na rin ang kapasidad ng unyon na makapaglahok ng iba pang interes ng iba pang kasapi at sasapi ng pangkalahatang kilusang masa.

Sa pelikulang Sister Stella L (1984, Mike de Leon), ang militantismo ni Ka Dencio, lalo na ang kamatayan nito sa kamay ng militar, ang siyang nagbigay hantungan at direksyon sa madre sa kanyang sangandaan. Naubos na ang pagpipilian, wala nang pipiliin kundi ang pagpapatuloy at pag-igting ng buhay sa pakikibaka, na ang buhay sa pakikibaka ay ang nakikibakang buhay.

Ito ang romantikong utopia sa pelikula—ng ugnayan ng madreng sa simula ay walang muwang tungo sa kanyang coming-into-political-being sa pamamagitan ng kanyang pakikisangkot sa kilusang paggawa. Na kahit peligroso ito, o dahil nga peligroso ito ay lalo siyang nahahalina para makiisa at ipagtanggol ang karapatan ng manggagawa bilang kanyang relihiyoso at polititikal na advocacy.

At ang kahilingan lang naman din naman sa transformasyon ng madre tungo sa aktibista para sa manggagawa ay ang pananatiling tapat ng manggagawa sa politikal nitong kalidad, pati ang politikal na katangian ng protesta. At ito ang mahirap gawin—paano matratransforma ng manggagawa ang kanyang sarili, para mapag-ugnay ang kolektibong katangian ng paggawa at ang kondisyon ng kanyang paglaya? Sa mismong sityo ng paggawa ito matutunghayan, at ang kahilingan ng kahandaan ng kilusan para bigyan-ugnayan at lalim ang kolektibong kondisyong kinasasadlakan ng manggagawa, at ang posibilidad kapag nagkaisa tungo sa isang mapagpalayang hinaharap para sa lahat.

Ito o ang kawalan ng politikal na katangian—maliban sa politika ng puso at kondisyon ng pamumuhay sa pang-araw-araw, tulad ng isinasaad ng ill-fated magsing-irog (a la Romeo and Juliet) sa Endo (2007, Jade Castro). Tungkol ang pelikula sa buhay ng dalawang subkontrakwal na manggagawa, at ang kahirapan ng pagbuo ng anumang makabuluhang relasyon dahil sa paratihang “end of contract” na katangian ng kanilang subkontrakwal na paggawa.

Sa pelikula, walang politikal na kilusan na sumagi man lamang sa isip ng dalawa para sa aspirasyong kabutihan sa kanilang kondisyon ng paggawa. Mapait na lamang tinatanggap ang kawalan ng regular na trabaho, at ang kawalan ng regular na pag-ibig kahit pa sa huli naman, wala namang “regular” sa trabaho, pag-ibig, paggawa at pagkatao sa isang makauring lipunan.

Walang rekurso sa politikal, kahit sa pelikulang My Fake American Accent (2008, Ned Trespeces) ukol sa mga buhay ng call cente agents, isa pang oasis sa landscape ng posibilidad ni Arroyo. Kung gayon, ang extra-challenge sa kilusang paggawa ay papasukin ang diwa at praxis ng politikal sa kondisyon ng paggawa—na hindi ito maitatatwa, na labas sa individual na rekurso ay ang pagsandig sa kilusang paggawa para sa kolektibong redempsyon, kahit pa pasintabi lang sa pelikula at kulturang popular.

Na sa predikamento ng individual na manggagawa sa buhay sa pelikula at sa aktwal, ang unyonismo ay natural na rekurso para sa kanilang kabutihan. At sa mas malaking antas panlipunan, na ang kilusan ay ang rekurso sa mga mapanupil at mapang-abusong rehimen at estado, tulad ng kay Arroyo.

Unang nailathala sa Kulturang Popular Kultura kolum noong ika-24 ng Setyembre, 2009, Bulatlat.com.

Advertisements