Pagbubukas ng ika-47 pagkatatag ng mga programa ng Kolehiyo ng Pangmadlang Komunikasyon

by rolandotolentino

Pagbubukas ng ika-47 pagkatatag ng mga programa ng Kolehiyo ng Pangmadlang Komunikasyon

Maligayang kaarawan sa ating Kolehiyo, at sa ating lahat. Kung baga sa tao, ang edad 47 ay kaningningan ng kanyang profesyonal na estado. Kung sa organisasyon, malapit na ito sa kanyang golden jubilee para markahan ang kanyang ika-50 taon ng pagkatatag.

Hunyo 19, 1965, ang kaarawan ni Jose Rizal, na formal na itinatag ang UP Institute of Mass Communication sa pamamagitan ng RA No. 4379. Si Gloria Feliciano ang una nitong naging direktor hanggang naging dekana ng Institute. Taong 1966 nang unang mag-alok ng A.B. Journalism ang Institute, at nang sumunod na taon, ang A.B. Broadcast Communication at ang mga programa sa masterado ang itinatag. Taong 1975, itinatag ang ikatlong undergraduate na programa ng Kolehiyo, ang A.B. Research Communication.

Sa akademikong taon ng 1982-83 itinatag ang Ph.D. Communication, at kinonsolida ang tatlong undergraduate na kurso sa A.B. Communication na mayroong tatlong majors na Journalism, Broadcast Communication at Communication Research. Sa akademikong taon ng 1984-85 naman itinaguyod ang A.B. Film and Audiovisual Communication. Noong 1987, sa pamunuan ni Dekana Georgina Encanto, nailipat ang DZUP sa pamamahala ng Kolehiyo.

Noong Abril 28, 1988, ang Institute ay inangat ng Board of Regents sa Kolehiyo. At sa termino ni Dekano Luis Teodoro, ibinalik muli sa apat na sub-disiplina ang undergraduate program ng Kolehiyo. Sa kanyang termino rin nagsimula ang konstruksyon ng Media Complex na ngayon ay kinalalagakan ng DZUP Building at Film Building. Kinalala rin noong 1998 ng Commission on Higher Education ang dalawang programa ng Kolehiyo—ang Journalism at Communication Research—bilang centers of excellence.

Noong 2002, sa ilalim ni Dekana Ellen Paglinauan, itinatag ang M.A. Media Studies na may spesyalisasyon sa Broadcast Communication, Film at Journalism. Sa ilalim naman ni Dekano Nicanor Tiongson, ang Gawad Plaridel, ang pinakamataas na parangal ng UP System para sa media practitioner, at ang Plaridel Journal: A Philippine Journal in Communication and Media Studies ay itinaguyod. Sa ilalim ni Dekana Elena Pernia napalaganap ang mga partnership sa mga institusyong pang-media, ofisyal ng pamahalaan at alumni.

Sa kasalukuyan, lima ang gusali ng Kolehiyo, hindi pa kasama ang bagong tatag na transmitter ng DZUP na may dalawang taon nang na-revitalize para higit pang mapalawak ang akademikong training at extension service ng Broadcast Communication. Ang UP Film Center ay nananatiling matibay na exhibition arm ng UP Film Institute, pati na rin ang Bernal Gallery na nagsisimula nang magkaroon ng regular exhibits sa multimedia arts. Buhay ang mga media laboratory ng Journalism at Communication Research sa pakikipagtulungan sa Philippine Daily Inquirer at ni Gng. Menchu Esteban. At ngayong umaga, formal nating pasisinayan ang tatlong karagdagang fasilidad ng ating Kolehiyo: ang annex ng CMC Library, ang Dambana ng Malikhaing Pagpapahayag o ang Creative Freedom Lobby at ang bagong klasrum ng Communication Research, at ang media lab ng Film Institute.

Walang ibang panahon na pinakamaunlad ang infrastruktura ng Kolehiyo kundi sa kasalukuyan. Kung alam lang ito ng ating estudyante, kahit pa marami pa rin siempre silang maari pang mapuna sa estado ng fasilidad ng Kolehiyo.
Nararapat lamang pagtibayin ng Kolehiyo ang kanyang kagalingan at yaman dahil sa pag-unlad din ng media. Dalawa ang pinakamalaking balakid ng pagkaunlad ng media sa bansa: una, sa formasyon ng media conglomerates sa loob ng bansa, at lalo na sa labas ng bansa, napakalakas ng diin para sa kita na nagiging kalaban ng malikahain at kritikal na pagpapahayag ng informasyon, opinyon at kaalaman sa publikong kanyang dapat pagsilbihan; at ikalawa, ang hindi pa rin naiibsan na isyu ng pagpaslang sa mga journalist sa bansa, kasama ang prosekusyon ng mga akusado pati ang mas malalaking mastermind ng pagpaslang, pati na rin ang pag-ibsan sa kultura ng impunidad na nagpapatuloy nitong kultura ng pagpaslang. Kung dati, pag may katwiran, isumbong mo sa media. Ngayon, tila nagiging, pag may katwiran, ipapatay mo ang media.

Sa pamamagitan ng curricular revisions, ginagawang mas nakakatugon ang mga subdisiplina ng Kolehiyo sa mga realidad na ito, pati na rin sa higit na pagtataguyod ng kritikal at etikal na pag-iisip at pagkilos, na tunay na ipagbubunyi ng Kolehiyo at Unibersidad bilang silang mga alagad ng media. Malaki pa ang kakailanganin lalo na sa extension work ng Kolehiyo. Nang tumungo kami sa isang benyu para ipagtanggol ang bagong proposal para sa Ph.D. Media Studies, ang tinanong sa amin ay “Ano ang magagawa ng programa sa pagbabago ng kalidad ng mga palabas sa telebisyon?”
Unfair ang katanungan pero napaisip pa rin ako, tulad ng Kolehiyo ng Batas, o Arte at Literatura, na kailangan ngang may gawin pa ang Kolehiyo para makaepekto ito tungo sa aktwal na praktis ng isang kritikal na media. Dagdag pa rito, ang patuloy na pagpapatibay ng ating mga programa, pananaliksik at patuloy na pagpapaunlad ng ating fasilidad.
Ang CMC Student Center na nasa basement, ang dating mga klasrum ng Film Department, ay itataguyod bilang sentro ng malikhain at kritikal na partisipasyon ng ating estudyante sa kagalingan ng Kolehiyo, Unibersidad at ng lipunan kanilang lalahukan. Ang Graduate Wing ay isinasaayos na rin, para sa higit na profesyonalismo ng ating mga serbisyo, lalo na ang nais ng UP na maging isang graduate at research university. Formal na ring sinimulan ang renovation ng Film Studio. Sa site development naman, ang service road na magtutuloy sa ating internal road sa Film at TV Studios ay kasama rin sa ipapatupad.

Kaya naangkop ang tema ng pagdiriwang, “Magpasiklab, Plaridel” dahil tunay lamang sa pag-aalab ng ating mga programa at serbisyo higit pa nating marerealisa ang ating katungkulan sa paghuhulma ng skolar ng bayan, at ang alagad ng media na maglilingkod sa bayan.

Mabuhay tayong lahat sa unang araw at formal na pagbubukas n gating Linggo ng Kolehiyo.

Advertisements