Talumpati sa turnover ceremony ng art loans sa UP Masscomm

by rolandotolentino

Mga kasamang artists at alagad ng sining, mga kasamang guro, staff, estudyante, alumni ng Kolehiyo, mga bisita at kaibigan,

Magandang hapon sa ating lahat.

Kaninang umaga, sa ofisyal na pagbubukas ng ika-47th na MassComm Week, ay nabanggit kong ito na—sa lagay na ito—ang pinakamaunlad na yugto ng Kolehiyo pagdating sa infrastruktura, extension service, at akademikong programa. Lima ang gusali ng Kolehiyo, hindi pa kasama ang DZUP transmitter. Kung isasama ang DZUP, ang Kolehiyo ay nasa tatlong premises sa UP Diliman. Nananatiling hub sa bahaging ito ng Metro Manila ang UP Film Center para sa mga embassy screenings, at nagsisimula na ring magserbisyo sa karating probinsya ng Bulacan at Pampanga ang screenings nito. Ang Bernal Gallery ay nagsisimula nang magkaroon ng regular na exhibit sa multimedia arts, ang marahil ay una sa bansa na nakadeboto sa ganitong uri ng sining.

Ang mga talk radio show sa DZUP ay nagsisimula nang umalagwa sa Metro Manila, Southern Tagalog at Central Luzon, kahit pa ang frequency nito sa pagtawid pa lamang ng EDSA ay irregular pa. Sa hiring ng isang Electrical and Electronic engineer ang inaasahang magtiyak ng konsistensi at kalidad ng frequency ng DZUP. Kahit ganito pa man, mga anim sa palabas nito ay nagtamo na ng nominasyon sa Catholic Mass Media Awards (CMMA) at Golden Dove Awards. Nanalo na ng isang CMMA, at sa unang taon pa lang ng DZUP ay nilabanan na nito ang mga major radio networks para sa best AM radio station sa Metro Manila.

Ang mga programa ng Kolehiyo at isa-isang ina-update para sa higit na responsibong edukasyon hindi lamang sa kahilingan ng industriya kundi tutulong magtiyak sa kalidad ng malikhain at kritikal na media. Sa kauna-unahang pagkakataon matapos itong unang ipakilala noong 1982, ang Ph.D. Communication ay narebisa na. Nasa pipeline pa rin ng UP System ang bagong programa na Ph.D. in Media Studies. At aabot na sa Curriculum Committee ang tatlo sa apat na MA na programa ng Kolehiyo, ang una rin simula nang unang ialok ito noong 2002.

Mahalagang tignan ang media bilang sining dahil sa maraming pagkaunlad na isyu sa UP at sa labas nito. Sa loob ng Kolehiyo, tanging ang Film program ang may malinaw na ganitong orientasyon. Nang ipakilala ng UP ang Artist Productivity Award, naging malinaw na ang turing sa produksyon sa aming Kolehiyo ay nasa larangan ng sining din. Ang sining ay isang autonomous sphere—maaring isipin wala sa poder ng negosyo—na mas higit na makakapagbigay-representasyon sa kontraryong mundo, publiko, politika, kultura at mismong media na malinaw-linaw na hindi gagawin ng nabuong media conglomerates sa bansa.

Ika nga ni Walter Benjamin, “The art of storytelling is reaching its end because the epic side of truth, wisdom, is dying out.” Kung nais buhayin ang katotohanan at karunungan, kailangang huwag hayaang mamatay ang sining bilang kanlungan ng buhay na patuloy makakapagkwento ng ating pag-iibayo sa buhay at pakikibaka sa krisis.

At ito ang motibasyon ko kung bakit inisip kong maghikayat ng art collection para sa Kolehiyo. Una akong dumulog sa OICA na may nakapagsabing may hawak ng art collection ng UP Diliman at maaring makapag-consign ng ilang trabaho sa Kolehiyo. Ipinasa ako ng puno nito sa College of Fine Arts, na sa kalaunan ay sinabing maghahanap ng mga gawa ng estudyanteng maaring ipasa sa Kolehiyo. Marahil ay busy lamang pero hindi na ako nakabalita mula sa Fine Arts. Kaya nag-inisyatiba na lang akong maghagilap sa mga kaibigang artist, kundi man, kahit sinong artist para mag-loan o mag-donate ng art works sa Kolehiyo. Ang mga pagtatapos ng exhibit ang mainam palang hilingin ito, tulad kay Kiri Dalena at kay Pog Bartolome. At sa dalawang taong paghahagilap, ngayong hapon nga ay idinaraos natin itong simpleng seremonya para ofisyal na kilalanin ang mabubuti’t magigiting na artist na ito, pati na rin ang iba pang artist na gustong mahikayat sa pagpapalago ng koleksyon ng Kolehiyo at UP.

Maraming salamat sa gaan ng puso at pagtitiwala na ilagak ang inyong trabaho sa Kolehiyo. Gusto naming buksan at maging bukas ang Kolehiyo sa mga visual at multimedia artists, pati ang ginagawa na sa ibang filmmakers, para sa maganda’t kritikal na cross-pollination na higit na ikayayabong ng sining ng media. Sa inyong mga kaibigang artist na hindi pa nakakapagbigay sa Kolehiyo, pakihimok na lang sila sa generosity na ito. Tulad ng adhikain sa pagtaas ng kalidad ng kaalaman at sining, wala namang deadline ito.

Taos-pusong pasasalamat sa inyong pagdalo, pagtitipon-tipon ngayong hapon. Nawa’y dumami pa ang inyong gawa at exhibit nang sa gayon ay dumami pa ang pwedeng ipagkatiwala sa Kolehiyo.

Advertisements