Pang-Araw-Araw na Objek, Pang-Araw-Araw na Welga

by rolandotolentino

MANILA — Una nang napabalita ang pagsasara ng mga planta ng Triumph International, ang gumagawa ng bra, at ang protesta ng manggagawa nito hinggil sa “illegal closure.” Magbabawas na rin ang Goodyear, ang gumagawa ng gulong, ng 500 nitong manggagawa. Ang pinakahuli ay ang mga manggagawa ng Kentucky Fried Chicken (KFC) ay nagkaroon na ng malawakang tanggalan.

Bra, gulong, fried chicken na “finger-licking good,” ang mga pang-araw-araw na bagay ay nanlilimahid sa politikal na tunggalian. Sa pamamagitan ng piket at welga, muling naibabalik ang pwersa ng paggawa sa equation ng produksyon at konsumpsyon. Natutunghayan ng manggagawa ang kanyang kapangyarihan sa produksyon—na ang kanyang lakas-paggawa ay mahalagang salik na ang hilaw na materyales ay natratansforma sa isang komoditi.

Natutunghayan ng mamimili na may manggagawa palang lumikha nitong pang-araw-araw na gamit. Na walang sasapo sa kanyang suso, hindi uusad ang kanyang sasakyan, at walang mabilisang pagkain kung walang lakas-paggawa. Ang tendensiya ng isang komoditi ay matransforma itong nabura at naglaho ang manggagawa. Parang sardinas sa lata, pakete ng instant mami, maging pakete ng shampoo at deodorant, na parang bigla na lamang nasilid ang produkto sa kanilang pinaglalagyan, maging sa kinalalagyang estante sa tindahan.

Pinaglalaho dahil ang mga produkto para maging komoditi ay dapat mahikang natratransforma. At ang unang kaswalidad ay ang paggawa. Na walang buhay na nabuwis sa karagatan sa pagitan ng paghuli ng salmon at pagkalagay nito sa lata. O walang buhok sa pagkain, na parang kalbo lahat ng chef at waiter sa loob ng restaurant. O walang anghit ang magdadala ng pagkain sa mesa para ipaalaala ng pawis at amoy ang harshness ng gawain.

Ang bagay ay nananaturalisa sa pagkawala ng salik ng paggawa. Kaya rin sa mismong espasyo ng paggawaan, pinakamatindi ang kawalan ng kalidad sa mga erya ng pahingahan ng manggagawa. Wala o karumaldumal ang probisyon sa locker room na pagtataguan ng personal na gamit ng manggagawa. Sinisiyasat ang buong katawan ng manggagawa kada labas nito sa erya ng paggawa. Hindi dapat nagpapahinga—maski umihi o matagalang mag-lunchbreak–ang manggagawa.

Kahit ang mismong paggawaan, dahil nga nililikhang naglalaho ang paggawa, ay pinamumutiktikan ng pinakamasahol na kondisyon. Walang sapat na hangin, probisyon sa bentilasyon, mainit, madilim kundi man sobrang liwanag, dahil nga hindi naman makikita ito sa transformasyon ng hilaw na materyales tungo sa produkto at pagiging komoditi ng mga ito.

Ang sweldo ay pinakakarampot, sapat lang hanggang sa pag-uwi’t muling pagpasok ng manggagawa. Hindi nakakasapat sa pagpapakain at pagkalinga sa kanyang pamilya. At mismong ang kanyang pamilya ay isinusuka ang kanyang kakakurampot na kita, pati ang identidad na hindi lubos na nakakapagbuhay sa miyembro ng pamilya. Hindi na tanggap ang katawan ng manggagawa sa pabrika, hindi pa rin ito lubos na tanggap sa sarili nitong tahanan.

At nagiging pang-araw-araw ang saga ng pagdarahop ng manggagawa at ng mga umaasa sa kanya. Pinaparami ang pinapaasa sa katawan ng manggagawa kahit pa nga hindi nakakasapat ang kondisyon ng paggawa sa kahilingan ng pamumuhay. Nagiging pabigat ang personahe ng manggagawa sa sarili nitong tahanan, gayong sa pagawaan, itinuturing siyang per kilo ang panunumbas—kung gaano kalaki, ka-masibo, at kabigat ang kanyang maibabalik na kita sa kapitalista.

Kahit pa ang kapitalista ay wala naming itinatapat na moral at legal na obligasyon sa kanya. Ipinapaturing pang utang na loob ang kondisyon ng paggawa, na mabuti na ito, lalo na sa panahon ng krisis, kaysa sa wala, kaysa mamatay nang dilat ang pamilya nito. Ang trabaho ay biyaya ng diyos, at ang paggawa ay kasangkapan na may pagtutumbas sa murang halaga.

Kapag ang isang bagay ay nanaturalisa sa pang-araw-araw na paligid, napapaglaho ng kapaligiran ang politikal na kondisyon ng bagay. Ang manggagawa sa loob ng isang depolisadong kapaligiran ng paggawaan ay mas nalulusaw ang tendensiyang lumaban kaysa aktibong magprotesta. Paano pa makalalaban kung binagsakan nang mas mataas na quota ng produksyon, kung magkakabulalyaso ang pang-araw-araw na buhay kapag hindi nakapasok, kung matanggal sa trabaho? Ano ang mangyayari sa susunod na mga araw?

Kahit pa nasa kondisyon ng pabrika at ng kolektibong pagdanas sa paggawa ang radikal na potensyal, matutunghayan lamang ang politikal na tendensiya kung ang bagay ay ilalabas sa kanyang kapaligiran. Ang akmang natural na kapaligiran ng paggawa ay sa politikal—na ang kanyang lakas-paggawa ay natatangi dahil ito ang may aktwal na kapasidad ng transformasyon ng lupa at pera para sa kita ng kapitalista.

Kaya kung ang hapit na bra ay makikita bilang pinanday di lamang ng lakas-paggawa kundi ng kontradiksyon ng manggagawa at kapitalista, magkakaroon ng simpatya ang maraming babae at parlorista sa causa ng manggagawa ng Triumph International. Kung ang gulong ay hindi na lamang gulong na nagpapagulong ng sasakyan, at magiging gulong na iniinog ng lupon ng manggagawa na nagpapainog din sa gulong ng buhay ng mga ito, marami ang sasakay na lamang ng pampublikong behikulo, o makakaunawa sa relasyon ng jeepney driver sa pagtaas ng presyo ng gasolina.

Usapang buhay at kamatayan ang pang-araw-araw na bagay. Ang paglalaway habang nag-aantay sa order ng bagong lutong manok ay mawawala, maging ang gutom, kung ang kondisyon ng malawakang tanggalan ay sabay na maihahapag sa mesa ng branch ng Kentucky Fried Chicken (KFC). Hindi na gaanong sasarap ang manok, o mapapakain sa anumang fastfood chain na mapanupil sa kanyang manggagawa.

Kilala ang KFC sa New Zealand, China at U.S. sa maraming kaso laban sa manggagawa. At hindi nahuhuli ang panunupil sa manggagawa sa Filipinas. Dapat may makaisip kung paano ikokoordina ang mga kaso sa global na antas—solidaridad hindi lamang sa pangkalahatang kondisyon ng manggagawa kundi sa penomenon ng subkontrakwal na paggawa, pang-aabuso, at politika ng protesta hinggil sa mga ito.

Ang effigy ni Gloria Arroyo ay nananatiling walang politika kung hindi nakasama sa paligid ng SONA. Politikal ang paligid na ito, at ganito ang dapat na turing sa mga kondisyong matingkad ang politikal na tunggalian dulot ng pang-araw-araw na politikal na panunupil. Ang bagay sa kanyang paligid ay tulad ng effigy ni Arroyo sa SONA. May kontestasyon para sa kahulugan ng bagay, lalo na sa paggawa, paglahok at pagsunog nito.

Kung araw-araw na nililigwak ang mga lumilikha ng pang-araw-araw na bagay, ang araw-araw ay dapat tignan bilang okasyon ng pang-araw-araw na protesta. Ang pagkilos tungo sa mga anyo ng protesta ang maglalahok muli ng politikal sa paligid, ng pagbabalik ng naunang okasyon ng politikal sa naturalisasyon ng pang-araw-araw. Na ang bagay ay may kasaysayan pangunahing pinatingkad at pinaglaho ng inherikong politikal na tunggalian.

At kung magpakaganito, ang lahat ng okasyon ay okasyon ng pagbabalikwas sa naturalisasyon ng bagay at ang denaturalisasyon ng politikal. Na ang inaakalang pagkakataon ng libangan ay saglit na pagbakasyon sa pighati ng paggawa, gayong nababahiran at nasusubstansyahan ng lakas-paggawa pati ang okasyon ng libangan. Nakakapag-malling ang manggagawa, at lahat ng pagkakataon ng pagkalibang ay nagpapaalaala sa kanya sa bigat ng paggawa, ng paggawaan at ng napakalaking kaibhan ng kanyang buhay sa buhay ng kanyang amo.

Kaya mas matimbang na trabahuin niya rin na malibang ang kanyang sarili at pamilya. Na iwaglit, kahit hindi naman ito lubos na mangyayari, ng nagpapahingang manggagawa ang kanyang pagpapahinga. Dahil alam niyang ang pahinga ay di natural na extension ng paggawa. Nakakapaglibang siya hindi dahil may sobra siyang kita sa pagbebenta ng kanyang paggawa kundi dahil gusto niyang takasan ang mapanupil na mundo ng pandarambong sa kanyang kapangyarihan bilang nilalang.

Para mabaklas ang naturalisasyon, makapagbagtas ng politikal na direksyon, dapat maging matingkad ang politikal na pagsasakontexto ng pang-araw-araw na buhay ng manggagawa at ng resepsyon ng astang gitnang uri sa mga ito. Na kapag nagmo-malling o window shopping, kapag nagtapon ng basura sa kalsada mula sa sasakyan, o nag-iwan ng supot ng basura sa harap ng bahay, na hindi kusang kikilos ang gawain kung walang manggagawa.

Kahit pa gusto silang paglahuin ng kapitalista—hanggang sa yugto lamang ng pinakamatipid na produksyon—at mamimili—hanggang sa yugto lamang na hindi sila sagabal sa pamimili dahil hindi sila nagpapaalaala sa parallel na buhay ng mamimili at ang nagsisilbi ng produkto. Na buhay ng tao, na mas kinikitil kaysa pinagyayabong ng estado, ang nakataya sa buhay-kamatayan, kamatayan-buhay ng pang-araw-araw.

Kakain ka kamo ng fries at burger? Magpapagasolina ka ba kamo? Manonood ka ba ng sine? Muling ibalik ang politikal, ng politikal na tunggalian sa okasyon ng pang-araw-araw. Ito o ang mabuhay sa kawalan ng kalidad sa estado ni Arroyo.

Unang nailathala sa Kulturang Popular Kultura kolum noong ika-15 ng Agosto, 2009, Bulatlat.com.