Telebiswal na libing ng santa

by rolandotolentino

Imahen mula sa http://www.backpackingphilippines.com

Kaiba ang libing na naganap. Habang ayon sa ulat, tatlong daang libong tao ang sumugod sa lansangang dadaanan ng kabaong na nakahimlay sa ibabaw ng trak, milyon-milyon naman ang nakiisa sa kanilang telebisyon at radyo. Holiday ang araw na ito pero marami ang nagkusa na magpahayag ng interes, kuriosidad at pakikiisa.

Pinaghandaan ang lampas na labindalawang oras na libing.  Ilang camera placement sa loob ng katedral, shots sa lansangan na kuha mula mga helicopter, may interior shot ng pangunahing sasakyang ng pamilya ng yumao.  Ang spectacle ay inilatag ng makabagong teknolohiya at walang pagtitipid na gastos.

Paano ililibing ang santa?  Na siyang nagpagunita sa libing ni Emperor Hirohito, tinaguriang diyos bago pinaluhod at ginawang tao ng Amerikanong mananakop ng postwar Japan.  Distansyado ang emperor sa mamamayan.  Sa katunayan, bawal siyang tignan kapag dumadaan siya sa panahon ng kanyang ofisyal na paghahari.  Matapos ng maniobra ng Amerikanong estado, hindi rin siya lubos na naging malapit sa kanyang kamamamayan.

At nang ikasal ang kasalukuyang emperor sa “ordinaryong” napangasawa nito?  Bawat kibot, hakbang at palit ng damit, bawat ritwal ay natunghayan ng mamamayan sa pamamagitan ng staging ng telebisyon.  Ang domestikong okasyon ng nasa kapangyarihan ay may layong magpalapit sa mamamayan.  Hindi ba’t ganito ang pagkakataon ng orkestrasyon sa kasal nina Prince Charles at Diana?  Ang proposal sa kasal ni Mar kay Korina sa Wowowee?  Maging ang pangungumpisal nina Gloria Arroyo, James Yap at maging si Kris Aquino sa iba’t ibang okasyon sa telebisyon?

Na hindi rin hiwalay sa lingguhang misa sa telebisyon, at paglikha ng telebiswal na debosyon sa tumutunghay.  Kahit pa nag-comeback ang radyo, telebisyon pa rin ang pangunahing daluyan ng pana-panahong imahinaryong makakapagdikit sa bansa.  Na ang rekurso ng marami, tunghayan ito kaysa aktwal na dumalo sa libing, parada, press conference, state of the nation.

At sa ganito pinalitan ng telebisyon ang pelikula sa pagdalumat sa bansa.  Mas napapanahon ang telebisyon, ang pelikula ay lalong naging indirekta sa pagtunghay sa pambansang kaganapan. Na lalo pang pinailanlang sa pagtalakay ng pambansa sa subalternong identidad ng baklitang bunsong kapatid ng machong mga tirador, o komunidad ng tirador at miyembro ng gang, pamilyang nakatira sa lumang sinehang pinaiinugan ng bayarang sex, at iba pa.

Imahen mula sa http://www.aboutmyrecovery.com

Impunto ang coverage ng telebisyon, mas malawak ang abot kaya mas malaki ang impluwensya at agenda-setting.  Na nakapagsasalita pa ang magkakapatid ukol sa kanilang lubos na pasasalamat sa mga liga ng taong nakiisa sa kanilang dalamhati habang inililipat ang katawan ng kanilang ina mula Greenhills patungong Intramuros, at mula katedral patungong himlayan, ay kakaibang twist.  Bakit may interes?
Naging selfless na ba ang pamilya, nagpaubaya na ang buhay ng santa ay lampas na sa kanilang pag-angkin?  Na magkaiba ang lawak at fokus ng coverage ng dalawang higanteng stasyon ay nagdidiin sa isyu ng akses at layon sa inner circle ng pamilya.  At ang intimacy ng kumbersasyon nina Kris at Korina ay iba pa ring usapan.

May mga antas na sakrifisyong isinaalang-alang ang mamamayan.  Walong oras na pumila sa kalaliman ng gabi, naulanan, tumawid ng baha, at nilamig para lamang sa pagkakataong masilip ang santa?  O nangilin, tulad sa Biyernes Santo, at tumunghay sa telebisyon para sa debosyon ng pakikiisa?  Na nagsiwalat ng retorika ng populismo laban sa kaliweteng posisyon sa mga nasa kilusan.

Sa huli, hindi naman ito ang diin ng telebiswal na paglibing, at ang patuloy na di pa umiimpit na pagluluksa.  Sa katunayan, ang after-affect nito ay ang pag-angat ni Noynoy Aquino sa status ng vice presidentiable, kundi man sa hanay ng presidentiable.  Patuloy pa rin ang paggunita sa isa pang santo, sa asasinasyon ni Ninoy Aquino noong Agosto 21.

Ang diin ay ang paglikha ng katanggap-tanggap na mga bayaning kontrapuntal hindi sa mismong naghaharing uri, kundi sa kasalukuyang faksyon ng aktwal na may politikal na kapangyarihan.  Mobilisasyon ang kaganapan ng negosyo, oposisyon at kilusang masa—ang pagrehistro ng presensya sa dakilang araw ng libing.  Ang masa ay nagkusa namang pumunta sa ruta, kundi man makiisa sa telebisyon.

Imahen mula sa http://www.flickr.com/photos/bongmanayon/3808225814/

Ang pagkakaiba ni Ninoy kay Cory ay mas maagang namatay ang una, bago nagkaroon ng higit na ofisyal na kapangyarihang politikal.  Nasubaybayan ng kasaysayan ang taas-babang yugto sa politikal na buhay ni Cory dahil mas matagal itong nabuhay.  At ang rekurso para maibsan ang baba, mapanatili ang taas ay gawin itong santa.  Sa paanan ng santa, inialay ang omnibus na dalamhati at komitment para sa pagpapatuloy ng laban.

Lapida itong umaako sa katawan at pagmamamay-ari sa puntod.  Ginawa na ito kina Rizal at Ninoy.  Aspirasyonal ang dulot nito, sa pana-panahong recall—ng ofisyal na estado–sa kabayanihan ng mga ito.  Kung tunay na nais magpakilos, kailangang ilabas ang labi hindi sa politikang spero gaya ng nangyayari kay Noynoy matapos ang libing, at sa iba pang nagtangka ng mobilisasyon tungo rito (mga politikong may individual na agenda sa pakikiisa sa libing).  Hindi rin sa dilaw na t-shirt at imaheng ni Cory at Ninoy na nakatatak.

Paano aakuin ang moderasyon ng santa sa radikal na kilusan?  Makiisa at mag-move on.  Magpabalik-balik sa lansangan bilang arena ng kolektibong protesta.  Madalas walang telebiswal na coverage.  O kung mayroon man, sa pinakamarahas na proteksyonismo ng estado sa poder nito.  Sa kalaunan ang kilusan din naman ang maglulugar sa santa bilang presidente sa partikular na panahon, at iba pa sa ibang panahon.

Ang masa ang nagluklok kay Cory, naglibing sa kanya.  Ang masa ang magpapalaya sa sambayanan.  Ang kumikilos na masa ang sambayanan.

Unang nailathala sa Pasintabi kolum noong ika-23 ng Agosto, 2009, Pinoyweekly.org.

Advertisements